Kabanta 18: Lumineya

166 12 0
                                    

Lumineya

"Tumakas na tayo!"

Hindi ko maialis sa babaeng nakatumba sa lupa ang aking paningin. Ni hindi ko na magawang habulin ang mga tumatakas na kalaban.

Patay na si Merida. Nalagasan kami.

Tuluyan nang naging payapa ang paligid. Banayad nang muli ang pag-ihip ng hangin. Ngunit hindi kasing palad ng kapayapaan si Merida. Hindi na siya makakabalik.

"Elio! Ayos ka lang?" Hindi ako nakasagot sa tanong ni Adam. Nakahawak siya sa aking balikat ngunit kaagad kong naramdaman ang pagbagsak no'n nang makita ang tinitingnan ko. "M-Merida..."

Mariin kong ipinikit ang aking mata at bumuntong-hininga. Tuluyan nang nakalapit ang apat sa puwesto ko at katulad ko, nakatitig lang din sila sa wala ng buhay na katawan ng kasamahan namin.

Walang nakapagsalita sa amin. Mukhang hindi pa rin tinatanggap ng sistema namin ang nangyari. Ngunit hindi kami maaaring manatili rito. May misyon kaming dapat tapusin.

"I-Ibabalik ko na siya sa akademiya..."

Napatingin ako kay Adam nang bigla nitong iniluhod ang kanang binti sa lupa. Ibinuka niya ang kaniyang mga palad at hinawakan ang lupa. Pinanonood ko kung paano unti-unting lamunin ng lupa ang katawan ng babae hanggang sa tuluyan itong mawala.

"Patawad, hindi kita nailigtas." Alam kong mas mabigat ang epekto nito kay Adam dahil galing sila sa parehong bansa.

"Kailangan na nating magpatuloy."

Nilingon ko si Dylan. Seryoso ang ekspresyon nito, hindi man lang nito magawang lumingon pabalik sa akin. Lumapit ako sa kaniya ngunit nanatiling ilap ang kaniyang mga mata.

"Saang bansa nanggaling ang nakausap mo?"

Naghintay ako ng sagot mula sa kaniya. Hinarap niya ako kaya nagtama ang mga mata namin. "Sa Misthaven."

Napangisi ako.

"Tara na."

Nauna na akong maglakad. No'ng sumiklab ang labanan, natakot ang mga kabayo kaya tumakbo sila papalayo. Wala kaming pamimilian kung hindi ang maglakad hanggang sa marating ang Avanza.

Sa sandaling makalabas kami ng Prolus, susunod na ang Nimbusia. Madadaanan namin ang tahanan ni Galea. Buong paglalakbay ay tahimik lang ang lahat. Maging sina Adam at Nick na pinakamaingay ay hindi nagsasalita.

Maraming mga burol ang inakyat namin. Inabot na kami ng hapon ngunit hindi pa rin kami nakalalabas ng Prolus. Hindi ko alam kung malawak ba ang bansa o sadyang mabagal lamang kami.

"Kailangan nating magpahinga, Elio."

Napatigil ako nang madinig ang aking pangalan. Nilingon ko ang aking balikat at tiningnan ang nagsalita. Bumuga ako ng hangin bago tumango na lamang.

Kasalukuyan kaming nasa tuktok ng burol. Lumayo ako sa kanila at pinanood ang pagtago ng araw sa abot ng tingin. Napakaganda pagmasdan kung paano magkulay pula ang kalangitan nang dahil sa liwanag ng palubog na araw.

Banayad ang pag-ihip ng hangin. Nararamdaman ko sa aking mukha ang ihip nito kaya napapikit ako. Bumuntong-hininga ako at muling iminulat ang aking mata.

"May mali sa nakaraan, hindi ba?"

Napatingin ako sa nilalang na tumabi sa akin. Naglaho ang asul na mata niya nang sumalamin sa kaniyang mga mata ang pulang kalangitan. Ang kahel na sinag ng araw ay tumama sa kaniyang mukha. Nakita ko ang paglunok niya.

"Kaya nangyayari lahat ng 'to..." Inalis ko ang tingin sa kaniya. "May mali sa kuwento."

Hindi siya nagsalita kaya naman napangiti ako. Muling umihip ang malamig na hangin; unti-unti nang naaagaw ng kadiliman ang kalangitan.

Veridalia Academy: RevampedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon