Ang Mga Sylpari
"Sino ka?"
Walang salitang namutawi sa aking bibig nang itanong nila ang bagay na iyon. Basta, nakaramdam ako ng kakaibang kaba na ngayon ko lamang naramdaman. Sa tingin ko ay malalakas ang mga ito.
Wala akong magagamit laban sa kanila dahil nasa malawak na lugar ako. Tanging damuhan at kalupaan lamang ang naririto na tiyak hindi ko rin mapakikinabangan sapagkat hindi ko naman elemento ang lupa.
Inihanda ko na lamang ang aking sarili sa laban. Tiyak na hindi ako palalampasin ng mga ito, kung tunay ngang kalaban sila. Huminga ako nang malalim upang maikalma ang sarili.
Nang walang makuhang sagot mula sa akin, agad na nagkatinginan ang dalawa at sabay na itinutok sa akin ang kanilang mga punyal. Hinubad ko ang aking balabal sapagkat makaaabala lamang ito sa aking pakikipag-laban.
Agad na umatake ang isa sa kanila. Nagawa kong maiwasan ang pagsubok nitong paghiwa sa akin. Hinawakan ko ang braso nitong may hawak na patalim saka ko tinuhod ang tiyan nito, dahilan ng kaniyang pag-atras. Ang isa naman ang sumugod at katulad ng nauna kong ginawa, iniwasan ko lamang ito.
Nang susubukan ko na itong sipain ay nagawa nitong mahawakan ang aking paa. Nanliit naman ang aking mata at kaagad na umikot saka sinipa ang mukha nito dahilan ng sabay naming pagbagsak sa lupa. Nagawa kong makabawi kaagad kaya muli akong bumangon.
Ang problema, napaligiran nila akong dalawa. Ang isa ay nasa harap ko, habang nasa likod ko naman ang isa. Napalunok ako. Kung sabay silang aatake ay tiyak na madedehado kaagad ako.
Sumigaw ang nilalang na nasa likod ko kaya naman nalaman ko kaagad na aatake ito. Sumipa ako mula sa likuran at kaagad ko namang naramdaman ang pagtama ng aking paa sa isang bagay na agad namang tumalsik. Naging abala ako sa pakikipaglaban sa nilalang na nasa harapan ko.
Hinawakan ko ang braso nito nang subukan na naman ako nitong sugatan. Binali ko ito kaya naman nabitawan niya ang kaniyang punyal ngunit hindi ko nabatid na sisipain niya ang aking tuhod kaya naman agad akong napaluhod. Gumanti ako ng suntok sa kaniyang tagiliran ngunit ang nilalang na nasa likod ko ay nagawang hiwain ang aking balikat.
Kumunot ang aking noo sa sakit bago ko hinawakan ang balikat kong nagdurugo. Hinarap kong muli ang dalawa na noon ay parehong nakahawak sa kanilang mga sikmura. Hawak pa rin ng isa ang kaniyang punyal samantalang tagumpay ko namang natanggalan ng armas ang isa.
"Mahuhuli tayo dito kung magtatagal pa tayo. Kailangan nating mahanap ang bagay na 'yon."
"Tuluyan mo na. Tapusin mo na ang isang 'yan."
Mabilis silang gumalaw kaya naman naaalerto ako. Hawak-hawak pa rin ang balikat, nagawa kong damputin ang punyal na nailaglag ng isa sa kanila. Aatake pa lang sana ako ngunit nagawang masipa ng isa ang aking braso dahilan upang tumalsik ang punyal na hawak ko.
Umaktong sasapakin pa ako ng isa ngunit napigil ko ang braso nito. Nang ako naman ang gaganti ay may pumigil din sa braso ko bago ko naramdaman ang pagtama ng isang kamao sa aking mukha. Mabilis sila at malakas. Mukhang nakapagsanay sila.
Natumba ako sa lupa nang dahil sa hilo. Agad din naman akong tumayo at muling hinarap ang dalawa. Ngayon lamang ako nakasagupa ng mga nilalang na kasing liksi nila kaya naninibago ako. Mukhang kailangan ko ng matinding pagsasanay.
"Umalis ka na lamang." Ngumisi ako nang marinig ang sinabi nito.
"Hindi kayo maaaring manggulo rito." Dinura ko ang dugong nalasahan ko sa aking bibig mula sa suntok na natanggap ko. "Hindi sa lugar kung nasaan ako."
Umatakeng muli ang dalawa. Hinarang ko ang kamaong dapat ay tatama sa akin, bahagya pa akong napapiksi nang maramdaman ang tensiyon sa sugat ko ngunit nagawa ko pa ring tuhudin muli ang sikmura nito. Nang mapaatras ito ay lumipat naman ang atensiyon ko sa isa at kaagad na sinubukang sipain ang tagiliran nito.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy: Revamped
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Ang balanse ang nagpapanatili ng kapayapaan. Ang init mula sa mga Pyralian. Ang lamig mula sa mga Aquarian. Ang buhay mula sa mga Terran. Ang hininga mula sa mga Zephyrian. Sa loob ng mahabang panahon, nanatiling payapa...