Kabanata 3: Kamalian

413 23 0
                                    

Kamalian

"Muli, nagagalak akong makilala ka."

Magalang na ngumiti ako sa patnubay ng apoy. Siya ang naghatid sa akin sa dormitoryo. Sa buong panahon ng pananatili ko sa akademiya, maninirahan ako kasama ng iba pang Pyralian sa isang gusali na para sa mga may kapangyarihan ng apoy.

"Ako'y hindi pa rin makapaniwala na may bago na namang Pyralian na nakapasok sa akademiya. Isa itong magandang balita."

Hindi katulad ng ibang distrito, isang Pyralian kada isang taon lamang ang nakakapasok sa akademiya. Mula nang maluklok sa puwesto ang angkan nina Diego, ninais ng mga ito na bawasan ang mga nakakapasok sa akademiya sa hindi malamang kadahilanan. Hindi na din kami nag-abalang tanungin sapagkat hindi na ninanais ng mga Cinder na katulad namin na mag-aral. Tanging mga Flameborne lamang ang nagkakaroon ng interes sa pagpasok dito.

Bago umalis ang patnubay, binigyan niya ako ng mapa kung saan makikita ko ang lahat ng parte ng akademiya. Nasa gitna ang pasilidad ng pag-aaral, pagsasanay, at iba pang mga bagay na maaaring makita sa isang normal na paaralan. Nakapalibot naman ang mga dormitoryo ng bawat distrito. Nasa silangan ang sa apoy, kanluran ang tubig, hilaga ang hangin, at timog ang lupa.

Natutunan ko mula sa patnubay na ang pinakamataas na nilalang sa lugar na ito ay ang mga Sylpari. Apat sila, nire-representa ang apat na elemento. Sylpari ang mga nilalang na may kakayahang makipag-usap sa mga diwata ng apoy, sirena ng tubig, engkanto ng lupa, at mga sylph ng hangin. Ang mga Sylpari ang namamahala sa buong paaralan. Sila ang nagpapatupad ng mga batas.

Ang mga patnubay naman ay ang mga guro. Mataas ang antas ng kaalaman nila pagdating sa kalikasan ng bawat elemento, ngunit hindi kasing-taas ng sa Sylpari. Sila ang mga napagtagumpayan ang Sambuhay - ang ritwal at seremonyas na ginagawa upang mapalakas at makontrol ang kanilang kapangyarihan.

Ang sinabi sa akin ng patnubay, bukas na daw magsisimula ang aming klase. Kasama ko sa klase ang iba pang mga elementara mula sa iba't ibang distrito. Binalaan niya ako, lalo na sa mga elementarang tubig. Mapaglaro daw kasi ang mga nilalang na iyon.

Nang sumapit ang gabi, dama ko ang pagragasa ng init ng mga kapangyarihan ng mga naririto sa akademiya. Ang nag-aalab na enerhiyang nagmumula sa mga Pyralian, ang agos ng kapangyarihang nagmumula sa Aquarian, ang ugong ng lakas mula sa mga Terran, at bulong ng hangin mula sa mga Zephyrian. Nakakapanibago ang pakiramdam. Hindi ako sanay na makaramdam ng iba pang uri ng enerhiya.

Upang maabala ang aking sarili, ninakaw ko ang apoy na nagmumula sa lampara at pinaglaruan ito. Sinubukan kong gumawa ng isang punyal mula rito at hindi naman ako nabigo. Dahil maliit lamang ang apoy, hindi ko magagawa ang iba pang sandata. Nang magsawa, ibinalik ko ang apoy sa lampara at nagdesisyong magpadala sa antok sapagkat bukas ay magiging isang mahabang araw para sa akin.

Nang magmulat ako ng mata, saktong nagpapakita pa lang din ang araw. Sa sandaling bumangon ako mula sa pagkakahiga, agad na tumama ang sinag ng araw sa aking mukha mula sa nakabukas na bintana. Bumungad sa akin ang ingay ng kalikasan. Ingay na naghahatid ng kapayapaan sa aking kalooban.

Kakaiba. Hindi ko naririnig ang boses ng aking ina. Ang hagikgik ng aking batang kapatid. Ang tunog ng pamilyar na pagpukpok sa bakal. Tunay ngang wala na ako sa Ignisreach.

Mula sa pagkakahiga ay bumangon ako. Suot-suot ko ang pantulog na kulay lumang pula. Naglakad ako pabalik sa bintana upang ito sana'y isarado ngunit isang kakaibang tanawin ang bumungad sa akin.

Mula sa malawak na damuhan, naglalakad ang mga mag-aaral ng Veridalia. Magkakasama ang mga elementara mula sa iba't ibang distrito. Hindi ko mapigilang mapangiti mula sa tanawing iyon. Mula sa ikatlong palapag, tanaw na tanaw ang pagsimula ng araw para sa lahat.

Veridalia Academy: RevampedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon