Kabanata 26: Laban sa Lahat

148 11 0
                                    

Laban sa Lahat

"Salamat sa tulong, Lumineya."

Pinanood ko kung paano bumagsak sa lupa ang ikalimang Sylpari. Ang paggamit niya ng kaniyang kakayahan upang tawagin ang diwa ng mga namayapa sa nakaraan ay dumagdag sa panghihina ng kaniyang katawan na dulot ng ikatlong buwan.

Naglakad palapit sa lagusan ang pinuno ng Verdantia. Tumatama ang kulay lilang liwanag sa kaniyang katawan. Napanood ko kung paano magdiwang ang mga kawal niya. Napakuyom ang aking kamao.

"Ito na ang panahon na matagal nating hinintay!" Humarap sa kaniyang kawal ang pinuno ng Verdantia. Ang ibang pinuno ay nanonood lamang mula pa kanina, hindi sila nagsasalita. "Ngayong gabi, itataguyod natin ang Verdan-!"

Nanlaki ang aking mata nang bigla na lamang tumilapon si Treyton nang tumama sa kaniya ang malakas na puwersa ng hangin. Tumingala ako at nakita si Galea na nakalutang sa hangin habang may namumuong hangin sa kaniyang nakakuyom na palad; nakabaluktot ang kanan niyang tuhod. Nakatingin siya sa baba; kay Treyton. Naglaho na ang puting liwanag sa kaniyang mata.

Nakita kong lumabas sa lupa si Adam at dumeretso kay Lumineya bago sila muling naglaho. Dahan-dahang bumaba si Galea sa lupa. Naramdaman ko na lamang na may hanging pumaligid sa akin kaya napapikit ako. Nang magmulat, nakatayo na ako sa tabi ni Galea.

"Paumanhin kung hindi ko mapapahintulutan ang plano niyo."

Bumangon ang tumalsik na si Treyton at umatras. Pumantay siya sa iba pang pinuno ng Verdantia. Nanlaki ang kaniyang mata ngunit nang makabawi ay tumalim ang kaniyang tingin sa amin, lalo na kay Galea.

"Kailan pa natutong mangialam ang Nimbusia?"

Ngumisi si Galea sa narinig ngunit hindi siya sumagot. Tumingin ito sa likod namin at nanlaki ang kaniyang mga mata. Nagtaka ako kaya naman tumalikod at kaagad na napangiti sa nakita.

Nagma-martsa palapit sa amin ang mga mamamayan ng Nimbusia. Pinangungunahan sila ng tatlong nilalang na lulan ng puting kabayo, si Ginang Glen ang isa.

Mula naman sa kabilang banda, lumabas ang batalyon ng mga Pyralian, pinangungunahan din ito ng tatlong nilalang. Si Diego. Si Friah. Ang Pyrocustos.

Lumabas din sa isang sulok ang mga nakaligtas na mag-aaral ng Veridalia Academy. Namuo ang luha sa aking mata dahil sa galak. Huminga ako nang malalim saka ibinalik ang tingin sa noon ay gulat pa ring si Treyton.

"Mga lapastangan!" Humalakhak ang pinuno ng Verdantia. "Sa tingin niyo ba ay ganoon niyo kami matatalo?"

Mula sa likod nila, lumabas din ang hukbo ng mga Terran. Hindi na nakakagulat ang bilang nila sapagkat hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na Verdantia ang may pinakamaraming populasyon. Kumuyom ang aking palad at agad 'yong nabalot ng apoy.

Napalingon lamang ako sa aking gilid nang maramdamang may tumabi sa akin. Bumungad ang nakangiting mukha ni Diego kaya muling namuo ang luha sa aking mata. "Wawakasan natin ang digmaang ito nang magkasama."

Tinanggap ko ang espadang inabot niya sa akin at desididong tumango. Huminga ako nang malalim at humarap sa mga kalaban. Mayabang pa ring nakangisi si Treyton. Lumabas sa tabi ni Galea si Adam na noon ay nakahanda na rin ang mga baston.

"Hindi matatapos ang gabing ito nang hindi bumabagsak ang Verdantia."

Ipinosisyon ko ang aking espada. Si Galea ang nagmistulang pinuno ng aming hukbo. Mas naging malakas ang hangin sa paligid nang humakbang siya paharap at pinaikot ang kaniyang espada sa kamay na naglikha ng matalas na tunog sa hangin.

Humakbang din paharap si Treyton at binunot ang espada mula sa kaniyang tagiliran. Ngumisi siya sa amin ngunit hindi kababakasan ng tuwa ang kaniyang ngisi. Puno ito ng galit.

Veridalia Academy: RevampedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon