Pagbagsak
No'ng sinabi kong may mali sa kuwento, hindi ko inaasahan na gan'on pala kalala.
Humigop ako sa sabaw na inihanda ng mga Zephyrian para sa amin. Nakita ko ang madalas na pagsulyap sa akin ni Adam ngunit nanatiling nakatungo ang aking ulo. Kasalukuyan kaming tumuloy sa bahay ni Ginang Glen - ang kaibigan ni Galea.
Bumagsak na ang Veridalia Academy.
Lumunok ako. Napatigil lamang ako sa pag-iisip nang matunog na bumuntong-hininga si Adam. Napatingin ako sa kaniya at sinalubong ang seryoso niyang mga mata.
"Kasama niyo kami sa misyon, Elio." Nakita ko ang pagkuyom ng kaniyang palad. Nagsalubong ang kaniyang mga kilay habang mariing nakatingin sa akin. Nilabanan ko ang mata niya. "Bakit parang ang layo niyo sa amin? Bakit parang hindi niyo kami kasama?"
Tumitig lamang ako sa kaniya. Si Nick ay tumigil na sa pagkain at tumingin lang din sa amin. Tiningnan ko ang nakakuyom na palad ni Adam bago umiling.
Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanilang dalawa. Pinabagsak ng bansa nila ang tahanan ng pinaka-importanteng bagay sa mundo.
"Bakit hindi pa tayo puwedeng bumalik sa akademiya?"
Nasaan na ba si Galea?
Nang hindi ako sumagot, inis niyang hinampas ang lamesa at tumayo. Dahil magkaharap lamang kami, inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin. Nababasa ko ang galit at pagkalito sa kaniyang mga mata ngunit hindi ako nagpatinag.
Hindi pa oras para malaman nila.
"Kung gan'on..." Ngumisi siya nang magtapat ang mukha namin. "Aalamin ko ang lahat. Lahat ng bagay na inilihim niyo sa akin. Sa amin."
Lumabas siya sa kusina. Hindi ko siya pinigilan. Nakita ko ring tumayo si Nick at sumunod sa lalaki palabas. Sumandal ako sa upuan at huminga nang malalim.
"Babalik sila sa akademiya."
Napatingin ako sa pumasok na si Galea. Nabasa ko ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Nanatili siyang nakatayo sa pintuan, malayo ang tingin.
"Hindi ko hahayaan si Adam na ipahamak ang kaniyang sarili." Yumuko ako at pinaglaruan ang aking mga kamay. "Paumanhin, Elio, ngunit kailangan na rin nating bumalik sa akademiya. Hindi natin matatakbuhan ang gulong ito."
Matapos no'n ay iniwan niya na ako. Kumunot ang aking noo at mahigpit na napakapit sa babasaging baso na hawak ko. Narinig ko ang pagkabasag nito kaya agad akong napatingin sa palad kong nagdurugo. May mga bubog na nakabaon sa palad ko ngunit hindi ko maramdaman ang sakit.
"Anong nangyari?"
Natatarantang pumasok ang isang ginang. Si Ginang Glen. Nanlaki ang kaniyang mata nang makita ang basong nabasag at ang palad kong nagdurugo. Lumapit siya at sinimulang pulutin ang mga bubog.
"P-Pasensiya na po..." Nakaramdam ako ng hiya. Nakasira pa ako ng gamit. "Hindi ko alam kung anong nangyari."
"Ayos lang. Nai-kuwento sa akin ni Galea ang naganap at ang mga nasa likod ng kaguluhan." Napailing na lamang siya habang patuloy pa ring dinadampot ang mga bubog. "Mukhang hindi talaga titigil ang mga Aquarian hangga't hindi naibabalik ang prinsipe ng kanilang bansa."
Kumunot ang aking noo sa kaniyang sinabi. Sinimulan kong alisin ang mga bubog na nakabaon sa aking palad at napapangiwi pa. Tumayo siya nang tagumpay niyang mapulot lahat ng bubog.
"Naku, kailangang magamot ng mga sugat mo." Aalis na sana siya nang magtanong ako.
"Nawawala po ba ang prinsipe ng Misthaven?"
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy: Revamped
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Ang balanse ang nagpapanatili ng kapayapaan. Ang init mula sa mga Pyralian. Ang lamig mula sa mga Aquarian. Ang buhay mula sa mga Terran. Ang hininga mula sa mga Zephyrian. Sa loob ng mahabang panahon, nanatiling payapa...