Pinakamataas na Ranggo
"Kumusta ang pakiramdam mo?"
Mula sa pagkakasandal sa gilid ng pintuan, lumapit ako sa kama kung saan nakaratay si Adam nang magmulat ito ng mga mata. Nakita ko pang iikot nito ang kaniyang mata sa paligid, malamang nagtataka kung nasaan siya. Nang magtama ang mata namin, mukha namang nalinawan na ito.
Umayos siya ng pagkakahiga at sumandal sa dulo ng higaan niya. Pinagkrus niya ang kaniyang mga braso at sinamaan ako ng tingin.
"Tinatanong mo talaga ako niyan matapos mo akong muntikang sunugin nang buhay?" Tumawa ako at naupo sa dulo ng higaan.
Napakaarte.
"Hindi naman kita iluluto." Mahinahon kong sabi. Umikot ang mata niya kaya napangiti ako.
"Alam ko namang masarap ako pero bakit mo naman ako inihaw?" Natawa at nandiri ako sa kaniyang sinabi. Saan kaya siya kumuha ng lakas ng loob? Mukhang madami.
Namayapa ang katahimikan sa pagitan namin. Tumingin ako sa mga palad ko dahil hindi ko alam kung saan ako titingin. Nakita ko namang napalingon siya sa akin mula sa gilid ng aking mga mata. Inangat ko ang aking mukha upang salubungin ang kaniyang mata.
"Narinig ko winika mo bago ako mawalan ng malay." Tumaas ang kilay ko nang makitang nagpipigil ito ng ngiti.
Nagpanggap akong walang maaalala. "Alin?"
"Kunwari ka pa, Elio." Mas lalo kong ikinunot ang aking noo.
"Baka may kakayahan din akong gumawa ng ilusyon?" Nakita ko ang pagdaan ng pagkaasar sa kaniyang mukha kaya naman ako ang tumawa.
"T-Totoo ba 'yong sinabi mo?" Nagkibit balikat lamang ako kaya naman suminghal siya sa akin. Muli na namang namayani ang katahimikan sa pagitan namin. "Hinintay mo 'ko."
Hindi 'yon tanong. Alam niya. Siyempre, alam niya kasi hindi naman siya tumigil sa pagmamasid. Akala niya ata hindi ko malalaman. Nagtulungan pa sila ni Felicity.
Hindi ko na nagawang magsalita nang biglang pumasok si Galea sa loob. Umalis ako sa pagkakaupo sa kama para makalapit siya kay Adam. Nag-uusap silang dalawa kaya binalak kong lumabas ngunit napahinto nang makitang may nakaharang sa pinto.
Diretsong nakatingin sa akin ang pares ng asul niyang mga mata. Lumapit ako sa kaniya at bahagyang napatingala nang tuluyan nang lumiit ang pagitan sa amin. Umangat ang kilay niya sa akin bago sinilip ang dalawang nag-uusap.
"Bibisita ka rin sa kaniya?" Umisod ako para makadaan siya. "Hintayin mong matapos silang mag-usap ni Galea."
"Hindi."
Umangat ang sulok ng aking labi sa naging sagot niya. Mariin ang pagkakatitig niya sa akin bago bumaba sa aking binti ang kaniyang mata. Nakita kong magsalubong ang kaniyang kilay.
"Ikaw ang pinunta ko."
Hinila ko siya palabas ng silid. Kahit na sumasakit pa rin ang aking binti, pinilit kong maglakad nang maayos. Mabuti na lang at hindi siya nanlaban pa at nagpatianod na lang sa aking paghila.
"Saan tayo pupunta?"
"Saan mo gusto?"
"Ang binti mo?" Hindi niya sinagot ang aking tanong at sa halip, binalikan ako ng tanong. "Hindi maganda ang lagay ng binti mo."
Napaigik ako nang bigla niya akong hinila papasok sa isang silid. Pinaupo niya ako sa isang kama kaya wala na akong nagawa. Iniluhod niya ang kaliwa niyang binti sa sahig bago sinuri ang binti ko. Nakita kong nag-iiba ang kulay no'n. Nagiging kulay lila.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy: Revamped
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Ang balanse ang nagpapanatili ng kapayapaan. Ang init mula sa mga Pyralian. Ang lamig mula sa mga Aquarian. Ang buhay mula sa mga Terran. Ang hininga mula sa mga Zephyrian. Sa loob ng mahabang panahon, nanatiling payapa...