Kabanata 17: Ang Bumagsak na Kaharian

166 18 0
                                    

Ang Bumagsak na Kaharian

"Mukhang kailangan muna nating pagpahingahin ang mga kabayo."

Sumang-ayon ako sa sinabi ni Nick. Bumabagal na ang pagkilos ng mga kabayo, tanda na pagod na ang mga ito. Mukha namang walang aangal sa sinabi ng lalaki.

"May lawa na malapit dito. Doon na lamang natin dalhin ang mga kabayo upang makainom din sila." Sinundan namin ang daang tinatahak ni Dylan.

Tiyak akong malayo na kami sa akademiya. Tuluyan nang sumikat ang araw. Ilang oras na rin matapos ang paglabas namin sa paaralan. Ngunit tiyak na hindi pa kami malapit sa aming paroroonan. Hindi pa nga kami nakakalabas sa Sahadra; ang lugar sa Veridalia kung saan nakatayo ang akademiya.

Hindi nagtagal ay narating namin ang lawang sinasabi ni Dylan. Namangha pa ako dahil sa malinaw na tubig. Kumikinang ang sinag ng araw sa katubigan na siyang mas nagpaganda sa lugar. Malawak ang pabilog na lawa, napapalibutan ito ng gubat. Iniwan namin ang mga kabayo sa tabi ng lawa upang makainom sila ng tubig.

Napagdesisyunan din naming magpahinga at kumain ng umagahan. Nilabas ko ang pagkain ko. Lumapit sa akin si Adam at binigyan ako ng mansanas bago ito tumakbo pabalik kay Galea. Tumawa lang ako sa kakulitan niya.

Magsisimula pa lang sana akong kumain nang biglang may umupo sa aking tabi. Tumingin ako sa kaniya pero hindi niya ako pinansin. Kumunot ang noo ko sa iniasta niya ngunit ipinagsawalang bahala ko na lamang. Mabagal na ngumuya ako at pinanood siyang maglapag pa ng pagkain sa harap ko.

Nagsalubong ang kilay ko at tiningnan siya ngunit nakaiwas lamang siya ng tingin. Pinanood ko siyang ngumuya ng pagkain habang magkasalubong ang kilay. Nalukot din ang mukha nito pero mukhang pinipigilan ang sarili na tumingin pabalik sa akin.

"May problema ka ba?"

"Wala."

"Sige."

Natahimik kami. Nagpatuloy ako sa pagkain at hindi na lamang pinansin ang kakaibang tensiyon na nakabalot sa amin. Ayaw niyang magsabi, e 'di 'wag. Naririnig ko ang pagtatama ng mga ngipin niya habang ngumunguya kaya naman napabuntong-hininga ako at ibinaba ang kinakain ko.

"Anong problema mo?"

"Ewan. Baka alam ni Adam."

Napatigil ako; gan'on din siya. Bumuka ang aking bibig at mas lalong kumunot ang noo sa naging sagot niya. Siya naman ay umiwas ng tingin at may ibinulong na naman sa hangin. Bago pa ako makasagot ay tumayo na ito.

"Matapos niyong kumain, magsimula na muli tayo sa paglalakbay." Gan'on lang ang sinabi niya bago umalis. Nadinig ko ang pagtawa ni Galea kaya naman napanguso ako.

Minadali ko ang pagkain at agad na tumayo. Tapos na rin naman sila kaya binalikan namin ang mga kabayo namin. Naabutan namin si Dylan na nakababad ang paa sa tubig. Nakapikit pa ito habang nakatayo, nakatingala. Napalingon lang siya sa amin nang maramdaman niyang papalapit na kami.

Kinuha ko ang tali ng kabayo na gamit ko. Hinimas ko pa sandali ang leeg nito bago ko napagdesisyunan na sumakay. Isa-isa na rin silang sumakay sa kaniya-kaniya nilang mga kabayo. Nangunang muli si Dylan sa paglalakbay kaya agad kaming sumunod.

Nagk-kuwentuhan ang tatlo sa likod sa buong biyahe. Mukhang magkaibigan ang dalawang Sincov at nakisali lang si Adam sa kanilang pag-uusap. Minsan ay sinasali niya ako sa usapan kaya nakakapagsalita pa rin ako. Tanging si Galea at Dylan lang ang tahimik.

"Alam mo ba, Elio, namamangha pa rin ako sa iyo. Parang habang buhay ko nang hindi makakalimutan kung paano maghati ang asul at kahel na apoy no'ng duwelo niyo."

Veridalia Academy: RevampedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon