Kabanata 16: Misyon

196 13 0
                                    

Misyon

Ang Sylpari ng Diwa.

Ang isa sa limang nilalang na napagtagumpayan ang sambuhay. Ang Sylpari na may kakayahang kausapin ang kaluluwa ng mga yumao. Ang tulay ng mga hindi matahimik.

Lumineya.

Ang nawawalang Sylpari.

Nahugot ko ang aking hininga nang may tumapik sa aking balikat. Nilingon ko ito at napahinga nang maluwag nang makitang si Adam lamang ito. Bahagya siyang natawa sa aking reaksyon.

"Mamayang madaling araw din ay lilisanin na natin ang akademiya." Tumango ako. Nasabi na ni Dylan ang bagay na 'yon. "Wala ka namang kailangang dalhin. Mga armas lang at pagkain."

Nagsimula kaming maglakad-lakad. Nauna na ang iba sa amin kaya kaming dalawa na lamang ni Adam ang naiwan. Nakalagay ang dalawa niyang braso sa kaniyang batok habang naglalakad, sumisipol pa siya. Kumunot ang aking noo nang may tanong na maglaro sa aking isip.

"Unang misyon mo ba 'to?" Napatingin siya sa akin. Mukhang inaasahan niya nang itatanong ko ang bagay na 'yon.

"Hindi." Napatango ako. Kaya pala hindi rin siya nakakaramdam ng kaba kahit papaano. "Sa tingin ko'y pangatlong misyon ko na ito. Ito ang ikalawang beses na lalabas ako ng akademiya."

Tumahimik ako at nagpatuloy na lamang sa paglalakad. Ibig sabihin, ako ang magiging pinakabago sa misyon sa kanila. Ito ang magiging unang misyon ko. Ito rin ang unang beses na may pupuntahan akong lugar na labas sa Ignisreach. Maliban sa akademiya, na hindi ko naman gustong puntahan sa una pa lamang.

Sinabi na sa amin ng mga Sylpari kung saang lugar matatagpuan ang tahanan ng ikalimang Sylpari. Sa Avanza: ang lugar ng mga iba't ibang elemento ng kalikasan. Doon din nakatira ang diwata ng apoy, ang engkanto ng lupa, ang sirena ng tubig, at mga sylph ng hangin. Kasama nila ang iba pang elemento.

Ang Avanza ay nasa liblib na parte na ng Veridalia. Hindi basta-basta ang dadaanan namin para lamang makarating doon. Hindi na lingid sa aking kaalaman ang panganib na maaaring kahantungan namin sa pagbalik ng ika-limang Sylpari.

Hatinggabi nang biglang bumukas muli ang bintana ko. Kaagad kong nakilala ang presensiya ng dumating kaya naman hindi ko na ito nilingon. Pinagpatuloy ko ang pag-ayos sa kasangkapang dadalhin ko. Narinig kong umapak na ito sa sahig ng aking silid kaya naman bumuga ako ng hangin.

"Hindi ako pinapasok ng patnubay." Inunahan niya ang sasabihin ko. Hinila niya ang isang upuan at naupo sa tapat ko, pinapanood ang aking ginagawa. "Ano 'yan?"

"Bomba." Narinig ko ang malakas na pagsinghap niya nang dahil sa sinagot ko. Umangat naman ang tingin ko sa kaniya at natawa sa reaksyon niya. "Hindi nito kayang magpasabog nang sobrang lakas."

"E para saan 'yan?" Kumuha siya ng isa at pinagmasdan 'yon.

"Naglalaman ng apoy ang bagay na 'yan. Sa sandaling sumabog, maaari akong kumuha ng apoy." Ibinalik niya na rin ang kagamitan sa aking kama. "Ganito ang gamit namin sa Ignisreach kapag naglalaro kami."

"N-Naglalaro?" Napahawak siya sa kaniyang dibdib. Muli akong natawa. "Bomba, Elio? Naglalaro?" Sinabi niya ang mga katagang 'yon na para bang hindi bagay pagsamahin ang dalawang salita.

Nakakalimutan niya atang nagmula ako sa Ignisreach. Pag-aari namin ang apoy. Hindi kami magagawang hawakan nito.

Nakita kong may dala itong mga gamit. Mukhang sasabay siya sa akin sa pagpunta sa napag-usapan naming tagpuan. Tinanong niya ako kung natulog na ako tumango lamang ako bilang sagot. Natulog ako kanina pero mabilis lang kasi hindi rin tinatanggap ng diwa ko ang pahinga.

Veridalia Academy: RevampedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon