Kabanata 8: Ranggo

288 17 1
                                    

Ranggo

"Mukhang abala ka."

Umangat ang aking tingin sa nilalang na dumating. May malaki itong ngiti sa kaniyang labi habang nakasandal sa haligi ng pintuan ng aking silid. Tumaas ang aking kilay bago isinara ang aklat na aking binabasa.

"Hindi ako sa bintana dumaan." Humalakhak siya saka naupo sa aking kama. Umisod naman ako para magkaroon siya ng puwesto. "Kumusta?"

Nakalabas na ako ng pagamutan. Ilang araw na rin ang nakalipas mula nang isugod ako doon at kahapon lang ay nakalabas na ako. Nagsisimula nang maghilom ang mga galos ko; ang tanging problema ko na lamang ay ang sugat na natamo ko sa aking balikat. Matagal itong maghilom, mukhang malalim ang sugat.

"Nakikita mo naman." Hindi ko sinagot ang kaniyang katanungan. "Wala kang klase?"

Umikot ang mata nito sa aking tanong. "Wala ka doon." Tumawa ako sa naging sagot niya. "Ayaw ko ring makita si Felicity, nasisira ang araw ko."

"Alam mo, pinapanalangin ko na sana kayong dalawa ang magtapat sa duwelong magaganap sa susunod na linggo." Sa tingin ko ay magiging kasabik-sabik ang bagay na iyon. Sumama ang timpla ng kaniyang mukha.

"Hindi ako sasali kung hindi ka makakasali." Kaswal siyang kumuha ng berdeng mansanas na nasa basket saka ito kinagat. "Bakit napakatagal mong gumaling? Hindi mo siguro inaalagaan ang sarili mo."

"Saksakin kaya kita para malaman mo kung bakit ang tagal gumaling?" Ngumisi lang siya.

Namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Hindi ko alam kung ano ang nilalaman ng kaniyang isip ngunit hindi rin naman ako interesadong malaman. Ibinalik ko na lamang ang aking atensiyon sa librong aking binabasa. Mukhang napansin naman ito ni Adam kaya hindi nito mapigilang magtanong.

"Anong binabasa mo?" Sinilip niya ang libro at kumunot ang kaniyang noo. "Kailan ka pa nagkaroon ng interes sa kasaysayan?"

Matapos kong makita ang reaksyon ng mga Sylpari nang banggitin ko na may bagay na hinahanap ang mga nanloob, nag-alab ang kagustuhan kong masagot ang aking mga katanungan. Wala rin naman kasing sinabi sa akin ang mga Sylpari at basta na lamang sila umalis matapos akong tanungin.

Nais kong alamin ang bagay na hinahanap ng mga vivar, kaya't nandito ako sa sitwasyon na kung saan nagbabasa ako ng mga aklat na may kaugnayan sa kasaysayan ng Veridalia. Batid kong naituro na ang mga bagay na ito sa mga mag-aaral ngunit mas magiging magulo lamang kung magtatanong-tanong ako.

At isa pa, ano bang malay ko? Baka mamaya, masagot ng kasaysayan ang katanungan sa kung sino ang nanloob sa akademiya. Marami ang nagsasabing walang saysay ang nakaraan sapagkat wala nang magagawa upang mabago ito, ngunit hindi nila nakikita na mahalaga ang kasaysayan sapagkat sumasalamin ito sa mga nagaganap at magaganap pa lamang. Kasaysayan ang magiging susi sa mga tanong na nabuo sa kasalukuyan, at mabubuo sa hinaharap.

Nanatili sa aking silid si Adam. Nagawa pa nitong mahimbing sa aking tabi kaya hinayaan ko na lamang siya at pinagpatuloy ang pagbabasa.

Anim na elemento.

Hindi lamang apat ang elemento sa Veridalia. Mayroong anim na elemento. Ang apoy, tubig, lupa, hangin, liwanag, at ang dilim. Nagkaroon ng himagsikan sapagkat naging sakim ang mga Valthyrian at Prusian.

Alam ko ang kuwento ng unang digmaang pandaigdigan sapagkat ito ang digmaang umubos sa mga elementarang apoy na marunong bumuo ng sandata gamit ang elementong apoy. Ito rin ang muntikang umubos sa lahi ng mga Zephyrian, dahilan ng muntikang pagbagsak ng Nimbusia.

Ibinababa ko ang librong hawak ko at kaagad na napatulala at nag-isip. Imposibleng konektado ang unang digmaang pandaigdigan sa nagaganap ngayon. Nalipol na ang lahi ng mga Valthyrian at Prusian. Matagal nang bumagsak ang kanilang kaharian.

Veridalia Academy: RevampedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon