Ang Hari
Hindi ko inakala na sobrang makapangyarihan ng nakaraan.
Nagawa nitong bumali ng pagkakaibigan. Nagawa nitong sumira ng mga pangako. Nagawa nitong pagkaitan ng kapayapaan ang mundo. Nagawa nitong baguhin ang kapalaran.
Nagawa nitong baguhin ang kuwento.
Hindi tumigil ang pagtulo ng luha sa aking mga mata habang nakayuko. Tinutupok na ng apoy ang tarangkahan ng akademiya mula sa apoy na kumawala sa akin. Pinanghinaan ako ng loob nang dahil sa sinabi ni Galea.
Nakuha na nila ang Tempus Nexus.
Hawak na nila ang kapalaran ng mundo.
"M-May mga nakatakas ba?"
Umangat ang aking tingin sa dalawang nilalang na nasa aking harapan. Mahapdi na ang aking mata ngunit tumigil na ang pag-agos ng aking luha. Sabay silang tumango kaya naman nakahinga ako nang maluwag.
"Patungo sila sa Bellamy." Ito ang bayan na malapit sa Valthyria. Nasa pagitan ito ng kanluran at hilaga ng akademiya. "Susunod tayo roon."
Tumayo ako at suminghap. Tiningnan ko silang dalawa. Umangat din ang kanilang mga tingin sa akin. Kahabag-habag ang kanilang kalagayan.
"Adam, gamitin mo ang lupa upang mabilis kayong makarating doon." Bumuka ang bibig ng lalaki bago magsalubong ang kaniyang mga kilay.
"K-Kayo?" Umiwas ako ng tingin at hindi sumagot. Narinig ko ang pagsinghap niya nang mapagtanto ang nais kong iparating. "Hindi ka namin iiwan!"
"Galea, naniniwala akong magagawa niyong protektahan ang iba pang mag-aaral." Hindi ko pinansin ang sinabi ni Adam. Dahan-dahang tumango ang babae sa aking sinabi.
"Galea, 'wag kang papayag!" Nakita kong gustong tumayo ni Adam ngunit masyado na itong nanghihina. "Pilitin mo siyang sumama sa atin!"
Hindi sumagot si Galea kaya naman halos sumigaw si Adam. Tiningnan niya ako, nagmamakaawa ang mga mata na huwag akong magpaiwan. Ngumiti ako.
"Hindi ako mawawala, Adam."
Nakita kong sunod-sunod na bumagsak ang kaniyang luha. Umiwas ako ng tingin at tumingin sa bukas nang tarangkahan ng akademiya. Nawasak na ang tarangkahan. Bumalik ang tingin ko at nakita kong inilapat na nito ang kaniyang palad sa lupa kaya naman napangiti ako.
"'Wag kang mawawala, Elio."
Ilang sandali lang ay tuluyan na silang nilamon ng lupa. Napatitig ako sa puwesto kung nasaan sila nakaupo kanina. Huminga ako nang malalim saka pumikit. Nang magmulat ng mata, kaagad na binalot ng apoy ang dalawa kong kamao.
Kaagad akong pumasok sa akademiya. Bumigat ang pakiramdam ko nang maabutan ang mga nakahandusay na mga mag-aaral, ang iba ay ang mga nilalang na naka-itim na baluti. Nilibot ko ang aking paningin at nanlumo nang makita ang wasak na dormitoryo ng mga Zephyrian.
Lumapit ako sa isang bangkay at kinuha ang espada nito. Wala na akong panahon upang pumunta sa kamara ng mga sandata sapagkat nakita ko na may mga sasalubong sa akin. Pinaikot ko ang espada sa hangin. Kasabay ng matalim na tunog, gumuhit ang apoy sa nadaanan ng aking patalim.
"Ang lakas ng-!"
Hindi ko pinatapos ang pagsasalita ng kalaban at kaagad na binato ito ng apoy. Naalerto naman ang mga kasama niya nang makitang tumalsik ang umuusok nitong katawan. Napangisi ako.
Itinutok ko ang talim ng espada sa grupo nila. May anim pang natitira. Nagkatinginan sila at tumango sa isa't isa. Kumilos sila at bago ko pa mapagtanto, nakapaligid na sila sa akin.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy: Revamped
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Ang balanse ang nagpapanatili ng kapayapaan. Ang init mula sa mga Pyralian. Ang lamig mula sa mga Aquarian. Ang buhay mula sa mga Terran. Ang hininga mula sa mga Zephyrian. Sa loob ng mahabang panahon, nanatiling payapa...