Chapter Two

334 26 1
                                    

UNANG kita pa lamang niya sa bagong guest na iyon sa Summer Sunshine Beach Resort ay naintindihan na niya kung bakit marami sa mga kasamahan niyang babae ang agad na nagka-crush dito.

Ubod kasi ng guwapo ang lalaki. Bukod doon ay talagang nakakatunaw kung tumitig ang mga mata nito.

Kaya nga lamang ay tila isnabero ito. Madalas din ay nag-iisa at di nakikihalubilo sa ibang guests.

"Parang ang laki ng problema niya," komento ni Nelia na tulad niya ay nakatoka sa housekeeping. Sila ang taga-linis ng mga cottages na ginagamit ng mga guests na ilang araw na nagbabakasyon sa resort.

"Bakit mo naman nasabi iyon?"

"Kasi, madalas kong makita na nakaupo lamang sa beach, nakatanaw sa malayo. At ayon naman sa tsismis ni Myla, pag kumakain doon sa restaurant ay sa isang sulok lamang. Tipid na tipid din kung magsalita at ni hindi ngumingiti. Laging seryoso."

"Baka naman na-heartbroken."

"Roni, nasisiraan lamang ng bait ang babaeng pababayaang makawala ang isang tulad niya no?"

"Sinabi ko bang ganoon? Malay mo kung namatay yung babae."

"Ay, oo nga no! Kawawa naman siya. Ang kailangan niya ay isang bagong magmamahal sa kanya. Naku, kung papansinin lamang niya ako, hinding-hindi siya magsisisi!"

Natawa si Roni. Pantasyadora talaga itong si Nelia.

"Bago ka makalimot sa iyong sarili, tayo na. Marami pa tayong lilinisin na cottage."

"Di ba't sa Cluster C ka maglilinis? Doon siya nakatira. Sa Cottage C-43."

"Ngayon?"

"Baka naman puwedeng mag-imbestiga ka ng kaunti. Marami sa mga kasama natin ang naiintriga sa kanyang personality. Bukod sa pagiging guwapo at macho niya, ang tangi lamang namin nalalaman ay mayaman siya. Bihira naman kasing may mga poor na maka-afford na pumunta dito sa resort natin. At alam mo bang two weeks siyang mananatili rito?"

Two weeks? Karaniwan sa mga guest nila ay hanggang tatlo o apat na araw lamang. Tama na kasi ang mga panahong iyon para magawa at ma-enjoy ang lahat ng bagay dito sa resort.

Dumating na sila sa Cluster B ng mga cottages. Iniwanan na niya doon si Nelia at nagtuloy siya sa Cluster C. Sa Cluster C  ay apat na cottage lamang ang okupado. Malayo pa kasi ang summer at kokonti lamang ang mga guests nila. Karaniwan pa sa mga ito ay nagsta-stay sa Cluster A at Cluster B dahil mas malapit ang mga iyon sa beach at kainan.

May mga personal na dahilan ang mga nasa Cluster C kaya doon kumuha ng cottage ang mga iyon. Isa kasi doon ay bagong kasal. Ang isa ay kagagaling-galing lamang sa sakit. Nagpapahinga ng husto at ayaw magambala. Yung isa pang cottage ay tinitigilan ng private nurse nito.

Ang Cottage - 43 na tinutuluyan ng guwapong lalaki ang huli niyang nililinis. Pinakamalayo kasi ito.

Kumatok muna siya. Nang matiyak na walang tao ay saka ginamit ang sarili niyang susi.

Nagsimula siyang maglinis. Ito ang pangalawang beses na nakapasok siya dito. Pinalitan niya ang bed covers at ang mga nagamit nang sabon at tuwalya.

Sumingit sa isipan niya ang sinabi ni Nelia kanina. Naging observant nga siya sa mga nakalabas na gamit ng lalaki. Pero wala siyang napansin na kakaiba.

Liban sa isa.

Isang tennis racket ang bahagyang nakalabas sa bag nito na nasa tagiliran ng kama.

Marunong palang mag-tennis ang lalaki.

Nang matapos ang paglilinis ay lumabas na siya ng cottage. Pababa na siya sa animo burol na kinalalagyan ng cottage nang masalubong niya ang lalaki.

"Good morning sir," Masaya niyang bati. Ganoon kasi ang bilin sa kanila ng kanilang supervisor. Para ma-feel at home ang mga guests at isipin ng mga itong magagalang silang lahat.

Awakened By LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon