Chapter Three

273 26 3
                                    

PINABAYAAN ni Borj na umagos sa buo niyang katawan ang mainit na tubig na nagmumula sa shower. Tumutulong kahit paano ang init para mabawasan ang pananakit ng mga sore muscles niya at mga pasa sa katawan.

Napalaban siya nang husto kanina. Buti na lamang at natandaan niya ang mga martial arts at boxing lessons na itinuro sa kanya ng mga kapatid.

Bahagya siyang napangiti. Shock na shock ang mga nagtangkang mangholdap sa kanya nang pumalag siya at patumbahin ang mga ito. Inakala ng mga iyon na komo nag-iisa siya ay kayang-kaya na siya. Pero ang kailangan lamang niyang gawin ay patamain ang mga kamay niya sa mga vital points ng mga ito. Napakadaling matalo!

Sa ilang minuto ay na-solve na niya ang problema.

Kung pupuwede sanang ganoon din kadali maayos ang problema niya ngayon.

Napapikit siya. Halos isang taon na Ang nakakaraan simula nang mangyari iyon. Pero hanggang ngayon ay di pa rin niya mapatawad ang sarili. At ang galit sa kanya ng mga magulang at kapatid ay masyadong nakaapekto sa kanya. Ipinagdiinan lamang kasi ng galit na iyon ang bigat ng kasalanan niya.

Sa loob din ng halos isang taon ay di na siya tumingin o nagka-interes pa sa kanino mang babae. Nilayuan na niya ang mga ito. Itinataboy.

Ang galit kasi niya sa kanyang sarili ay umaabot sa mga ito. Pero kahit saan siya magpunta, sa wari ay may lalapit at lalapit pa rin sa kanyang babae. Thanks to his father's legacy. His good looks!

"Maraming babae sa mundo Borj, pero iisa lamang ang iyong ina. How could you exchange her to a woman you don't even love? Binalewala mo ang ina mo dahil sa lust!" Masasakit ang mga salitang iyon ni Monti Jimenez. Ang mga salitang iyon din ang huli niyang narinig mula dito.

Inaamin naman niyang nagkamali siya. Na nagpatangay siya sa tawag ng laman. Pero nagsisisi na siya. Kahit ano ay handa niyang gawin mapatawad lamang siya ng kanyang pamilya, higit sa lahat ng kanyang ina.

Pero mukhang ang kapatawaran ni Kristine Jimenez ay hinding-hindi na niya makukuha pa. Tinalikuran na siya nito.

Tumingala siya at sinalubong ang mga patak ng tubig.

Sa kanilang tatlong magkakapatid, tanging siya ang tunay na anak ni Kristine. At madalas ay nakikita niya sa mga mata ng dalawang kapatid ang pagka-inggit sa pagkakaroon niya ng isang ina na tulad nito.

Kaiba kasi sa ibang mga ina si Kristine. Pinalaki siya nito nang malaya ngunit puno ng pagmamahal. Hindi tulad ng ina ni Patrick na overprotective o katulad ng kay Baron na walang pakialam.

Hindi lamang ina ang ranggo ni Kristine sa buhay niya, isa rin itong kaibigan, a confidant at madalas ay kakampi niya at kasa-kasama sa lahat ng mga bagay o katarantaduhan. Hindi hinihingi sa kanya ni Kristine ang respeto at paggalang sa karaniwang required na sa relasyon ng isang anak at ina. Walang anumang pader sa pagitan nila, kung tratuhin siya nito ay bilang kapantay, hindi bilang isang anak na ang tanging gagawin ay sumunod at sumunod lamang. Hindi sa di siya pinasusunod nito, pero maaari siyang tumanggi kung gugustuhin niya.

Nami-miss na niya ang kanyang pamilya. Higit sa lahat ang ina niya, ang kanyang kaibigan.

Narinig niya ang sunod-sunod na katok sa pintuan. Kumunot ang noo niya. Mag-aalas otso na ng gabi? Sino ang manggugulo sa kanya?

Patuloy ang pagkatok sa pintuan. Inis niyang pinatay ang shower at madaliang isinuot ang isang shorts.

Nang buksan niya ang pintuan ay nakita niya doon ang babaeng naglilinis ng cottage niya. Kumunot ang noo niya. Inakala niyang anumang pagkagusto mayroon ito sa kanya ay nawala na nang hiyain niya ito. Nagkamali pala siya.

Awakened By LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon