Chapter 1

1.6K 32 6
                                    


"HOY! Hintayin n'yo naman ako!" habol ni JB sa mga kaibigan niya.

"Bilisan mo JB! Baka maunahan tayo sa court ng mga taga-kabilang street!" pagmamadali ng matalik niyang kaibigan na si Lloyd.

Binilisan ni JB ang takbo para maabutan ang mga kaibigan. Sa edad niyang sampung taong gulang ay mahilig na siya sa sports, lalo na sa larong basketball. Mahilig din kasi sa basketball ang Daddy niya at ito ang nagturo sa kanyang maglaro niyon. Nang maabutan niya ito ay umakbay pa si Lloyd sa kanya habang naglalakad sila.

"Nabalitaan mo na ba? May bago daw bukas na coffee shop malapit sa basketball court," anang kaibigan niya.

"Coffee shop? Eh bawal naman sa akin ang kape eh. Baka pagalitan ako ni Mommy," sagot ni JB.

"Sira! Siyempre nagbebenta sila doon ng drinks na walang kape," anito.

"Mahal naman yata eh? Ayokong bawasan ang iniipon ko, pambili ko 'yon ng latest gadget eh," sabi pa niya.

"Ang kuripot mo naman!"

Ngumisi lang si JB sa kaibigan. Nang malapit na sila sa basketball court ay nagsitakbuhan na sila. Napalingon siya sa coffee shop na matatagpuan di kalayuan sa court. Maganda ang lugar at maraming customer sa loob. Pero hindi establisyimento ang higit na nakakuha ng atensiyon niya. Kung hindi ang isang magandang dalaga na nasa loob niyon.

Napahinto sa pagtakbo si JB at napako ang tingin niya sa dalaga. Parang nag-slow motion ang buong paligid gaya ng napapanood niya sa mga drama, nang gumuhit ang magandang ngiti nito habang may kausap itong babae din. Naramdaman ni JB ng biglang lumakas ang kabog ng dibdib niya. Wala sa loob na napangiti din siya habang pinagmamasdan ang dalaga.

Itim at tuwid ang buhok nito na lagpas balikat. Nakasuot ito ng simpleng bestida at maputi ang balat nito. Matangos din ang ilong ito at kapag nakangiti ito ay lumalabas ang maliit na dimple nito sa magkabilang pisngi.

Ano kayang pangalan niya? tanong niya sa sarili.

Natauhan lang siya ng bigla siyang kalabitin ni Lloyd. "JB! Halika na! Ano pang hinihintay mo diyan?" tanong nito.

Bigla siyang napalingon dito. "Ha? Ah, oo sige!" sagot niya.

"Mamaya na tayo bumili diyan bago tayo umuwi," sabi pa ni Lloyd.

"Sige," usal niya.

Habang naglalakad palayo ay panay ang lingon niya sa magandang dalagang nakita. Sana hindi muna siya umalis. Piping panalangin niya.



"PAGOD NA ako! Uwi na tayo!" yaya ni Lloyd sa kanya.

"Maaga pa! Akala ko ba hanggang alas-singko tayo dito?" sagot ni JB.

"Eh may papanoorin ako ng ganon oras eh. Saka gagamitin na yata ng iba itong court, may practice yata ng volleyball eh. Bahala ka, basta ako uuwi na!" sabi pa nito.

Paglingon niya ay naroon na ang mga Volleybal players ng subdivision nila. Taon-taon kasi palaging may Sports event doon sa barangay nila at palaging sumasali ang subdivision nila. Napakamot sa ulo si JB. Kabilin-bilinan kasi ng Mommy niya na kapag umuwi na si Lloyd ay kailangan umuwi na rin siya. Magkalapit lang kasi ang bahay nito sa kanila.

"Sige na nga!" napilitan niyang pagpayag.

Biglang napalingon si JB sa may coffee shop. Napangiti siya ng makitang naroon pa rin ang magandang dalaga. Bigla siyang napatuwid ng tayo ng makita niyang tumayo ito at lumabas ng establisyimento.

Saan kaya siya pupunta? Baka uuwi na. Saan kaya siya nakatira? Sunod-sunod na tanong niya sa sarili.

"Hoy! Sino ba tinitingnan mo at nakatulala ka diyan?" tanong sa kanya ni Lloyd sabay kalabit.

"H-ha? Wa-wala!" kandautal na tanggi niya.

Sinundan nito ang tingin niya. Biglang nag-init ang mukha niya ng bigla siyang tuksuhin ng kaibigan.

"Uy! Tinitingnan niya 'yong babae! Crush mo isa sa kanila no?" panunudyo pa nito.

"Hindi ah!" mabilis niyang tanggi sabay iwas ng tingin dito.

Bigla siyang napalayo dito ng sundutin nito ang tagiliran niya. "Uy! Crush mo eh! 'Yan oh, namumula mukha mo," pambubuking pa ni Lloyd.

"Hindi nga sabi eh!" giit niya.

Nagulat na lang siya ng bigla nitong tawagin ang dalawang babae. "Ate! Ate! Crush ka nitong kaibigan ko oh!" sigaw ni Lloyd. Mabilis niyang tinakpan ang bibig nito. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya ng lumingon doon ang magandang dalaga. Pakiramdam ni JB ay lalong nag-init ang mukha niya. Inalis ni Lloyd ang kamay niya sa bibig nito saka muling sumigaw.

"Ate! Crush ka ni JB oh!" sigaw ulit nito sabay turo sa kanya.

"Hoy! Ano ka ba?! Hindi ko nga crush 'yon!" patuloy niya sa pagtanggi.

Biglang lumakas ang kaba niya ng maglakad ito palapit sa kinaroroonan niya. Nataranta si JB, hindi niya alam kung tatakbo ba siya palayo o magtatago sa likod ng kaibigan niya. Kaya para maitago ang namumulang mukha ay agad siyang tumalikod. Ngunit ganoon na lang ang pagkabigla niya ng salubungin siya ng bola sa Volleyball at tumama iyon sa mukha niya.

"Naku 'yong bata tinamaan ng bola sa mukha!" narinig na lang niyang sigaw ng isang tinig.

Pakiramdam ni JB ay umikot ang paningin niya kaya napahiga siya sa gitna ng court.

"Hoy JB! Ayos ka lang ba?" narinig niyang nag-aalalang tanong ni Lloyd.

Hindi siya makasagot dahil nahihilo talaga siya kaya pumikit lang muna siya. Pakiramdam kasi niya ay lalong iikot ang paningin niya kapag dinilat niya ang mga mata. Swak sa mukha kasi niya ang bola. Ngayon, sigurado na siyang namumula nga ang mukha niya. Hindi dahil nahihiya siya kung hindi sa bakat ng bola.

"JB!" sigaw ulit ni Lloyd. Narinig niyang tila marami ang lumapit sa kanya.

"Dalhin n'yo na kaya sa health center 'yan," suhestiyon naman ng isang boses ng lalaki.

"Bata, okay ka lang ba?" narinig naman niyang tanong ng isang malamyos na tinig ng babae.

Dahan-dahan siyang dumilat. Ganoon na lang ang biglang pagkabog ng malakas ng dibdib niya ng bumungad sa kanya ang mukha ng magandang dalaga. Wala sa sarili na napangiti siya. Kayganda ng mga mata nito na parang may dyamante doon.

"Nasa langit na ba ako? Ikaw ba ang anghel na sumusundo sa akin?" wala pa rin sa sarili na tanong niya dito.

Natawa ang babae, pagkatapos ay tinulungan siya nitong tumayo.

"Ikaw talaga, tinamaan ka na ng bola nakukuha mo pang magbiro. Mukhang nahihilo ka pa, mabuti pa umuwi ka na," sabi pa ng babae saka ginulo nito ang buhok niya.

Hanggang sa makaalis ang magandang babae ay nakatulala pa rin siya at malakas pa rin ang kabog ng dibdib niya.



**************************************************


HOLAAAAAAAAAA!! I'M BACK!! 


KUMUSTA NAMAN KAYO?! NAMISS N'YO BA AKO?! SO AYUN NGA, BALIK WATTPAD TAYO ANO? SANA HINDI N'YO PA AKO NAKAKALIMUTAN! THIS STORY IS ANOTHER LIGHT-ROMANCE STORY THAT I WROTE WAY BACK 2013 OR 2014 I GUESS. THIS IS INSPIRED FROM THE MUSIC VIDEO OF KPOP GROUP SHINEE "REPLAY". PANOORIN N'YO NA LANG 'YUNG VIDEO SA LINK SA TAAS!!

SANA MAGUSTUHAN N'YO ANG KUWENTO NI JB AT YERIN! 

UPDATE SCHEDULE: HINDI KO PA ALAM KUNG EVERYDAY BA O 3X A WEEK!! DEPENDE KUNG KELAN KO MAALALA. KAPAG TINGIN NYO NAKALIMUTAN KO MAG-UPDATE. KALAMPAGIN NYO KO SA FACEBOOK KO!! 

ENJOYYYYYY!! 


~JURIS ANGELA 💜

Puppy Love, First Love At True LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon