Chapter 2

571 22 1
                                    

"JB! BUMABA ka na diyan at magme-meryenda na tayo!" tawag sa kanya ng Mommy niya.

Tinigil muna niya ang video games at saka bumaba sa kusina. Eksaktong pag-upo niya ay biglang dumating ang kaibigan niyang si Lloyd. Palibhasa 'y bakasyon kaya nakakapaglaro sila nito sa hapon.

"Good Afternoon po Tita!" bati nito sa Mommy niya.

"Lloyd, tamang-tama ang dating mo. Halika dito at sumabay ka ng magmeryenda sa amin," alok ng Mommy niya.

"Sige po!" mabilis na sagot ni Lloyd. Medyo mataba kasi ito at walang tinatanggihan lalo na pagdating sa pagkain. Pinaghandaan sila ng Mommy niya ng ensaymada.

"Saan naman ang punta n'yong dalawa ngayon? Baka umuwi ka na naman ng tinamaan ng bola sa mukha?" tanong ng Mommy niya. Tinawanan siya ni Lloyd.

"Hindi po, Mommy. Mag-iingat na po ako," sagot niya.

"Saan ba kayo pupunta, Lloyd?" tanong ulit ng Mommy niya.

"Magba-bike lang po diyan sa may clubhouse," sagot nito.

"O, mag-iingat kayong dalawa ha?" bilin pa nito.

"Opo," sagot ni JB.

Pagkatapos nilang kumain ay agad siyang tumakbo paakyat ng kuwarto niya. Kumuha siya ng maayos na t-shirt at pinalitan ang suot niya. Maging ang suot niyang shorts ay pinalitan niya ng mas maayos.

"Mommy, nasaan po iyong pabango ni Daddy?!" malakas ang boses na tanong niya.

"Nasa kuwarto namin! Bakit? Anong gagawin mo sa pabango? Eh hindi ka naman mahilig magpabango?" sagot ng Mommy niya mula sa ibaba.

"Basta po!" aniya. Nagmamadali siyang pumasok sa loob ng kuwarto ng mga magulang niya at kinuha ang pabango ng Daddy niya. Nag-spray siya ng konti sa leeg niya at sa damit niyang suot. Bago lumabas ay tiningnan muna niya ang sariling repleksiyon sa salamin saka nag-ala "That's my Boy" na pose sa harap niyon.

Pagbaba niya ay nakakunot ang noo ng Mommy niya maging ng kapatid niyang bunsong babae habang sinusundan siya ng tingin.

"Anak, magba-bike kayo di ba? Bakit mukhang aakyat ka ng ligaw?" nagtatakang tanong pa ng Mommy niya.

"Kuya, siguro may crush ka na no? Kaya mo ginamit pabango ni Daddy," anang kapatid niyang si Ashely.

"Ha? Wala ah! Nadumihan na po kasi 'yong suot kong t-shirt kaya nagpalit ako," pagdadahilan niya. "Halika na!" baling niya kay Lloyd.

Pagdating nila sa clubhouse ay agad ginala ni JB ang mga mata niya sa paligid. Napatingin siya kay Lloyd ng mapansin niyang nakatitig ito sa kanya.

"Bakit ganyan ka tumingin? May dumi ba ako sa mukha?" tanong niya.

"Aminin mo na kasi, crush mo 'yong babaeng nakita natin noong isang araw no?"

"Ang kulit mo! Sabi nang hindi nga eh!" tanggi niya sabay iwas ng tingin dito.

"Alam ko na pangalan n'ya!" sabi ni Lloyd.

Bigla siyang napamulagat sabay balik ng tingin sa kaibigan. "Talaga?"

Tumawa ito ng malakas. "Sabi ko na nga ba eh!" panunukso ni Lloyd sa kanya.

"Pumunta siya sa bahay namin kagabi. Tapos naalala ko, kaibigan nga pala siya ng Ate ko. Siya 'yong palaging pumupunta sa amin noon doon sa dati namin bahay. JB Sandoval daw ang pangalan niya. Kaya lang, bakasyon lang siya dito sabi ng Ate ko. Next week daw uuwi na siya sa kanila. Kaya lang kasing tanda ni Ate 'yon eh, ibig sabihin eighteen na siya. Limang taon tanda niya sa atin," kuwento pa ni Lloyd.

Puppy Love, First Love At True LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon