TWO MONTHS LATER...
Lumingon si Yerin sa Mommy niya ng tumabi ito sa kanya. Malungkot siyang ngumiti dito. Dalawang buwan na ang nakakalipas simula ng makabalik siya doon sa America. She's supposed to be happy to be with her family again. Pero hindi ganoon ang nangyari. Umalis siya doon ng mabigat ang kalooban. Pagbalik niya ay mas malala pa ang nararamdaman niya. She felt lost and empty without JB. Sa tuwing mami-miss niya ito ay tinitingnan lang ni Yerin ang kuwintas na binigay ni JB sa kanya noong labintatlong taon gulang pa lang ito. Laking pasalamat niya at nakita pa niya iyon sa cabinet na pinaglalagyan ng mga lumang gamit niya. Wala sa loob na napahawak siya doon.
"Noong umalis ka dito at pumunta ng Pilipinas ay malungkot ka. Pero pagbalik mo mas malungkot ka pa," sabi ng Mommy niya.
Hindi siya sumagot bagkus ay malungkot siyang ngumiti ulit dito saka tumungo.
"Is it because of that JB guy?" tanong nito.
Marahan siyang tumango. "I miss him Mom. I miss him so much," sagot niya.
"Ganoon naman pala eh. Bakit hindi mo na siya balikan?"
Napalingon siya dito. "Mommy?"
Huminga ito ng malalim saka siya niyakap. "Anak, hindi ka dapat nagpapa-apekto sa babaeng pilit na nanggugulo sa inyo. Ikaw na rin ang nagsabi, ayaw ni JB sa babaeng iyon," sabi pa nito.
"Aaminin ko. Natakot po ako. Bumalik sa akin ang ginawa ni Eric. Kaya naisip ko na mas makakabuti kung aayusin niya iyon habang wala ako. Isa pa, maalala ko pa lang 'yong eksenang iyon na nakita ko. Nasasaktan pa rin ako," paliwanag niya. "Pero mas higit po akong nasaktan ay ang pagdududa niya sa pagmamahal ko. Ayaw niyang maniwala na mahal ko siya at babalikan ko siya. Maniniwala lang daw siya kapag nakita niya mismo ang pagbalik ko."
"Anak, ang mga ganyan problema. Hinaharap 'yan ng magkasama. Isa pa, 'yong babae naman ang nang-akit sa kanya. Huwag mong hayaan matalo ka ng mga ganoon pangyayari. Lumaban ka! Ipaglaban mo ang pagmamahal mo. Saka hindi mo rin naman masisisi na ganoon ang maramdaman niya, ikaw na rin ang nagsabi sa akin na iniwan mo na siya noon. Patunayan mo sa kanya na mahal mo siya. Go back to him," anang Mommy niya pagkatapos ay niyakap siya nito.
Hindi siya nakasagot. Sa halip ay napabuntong-hininga lang siya. Bahagya siyang nilayo ng Mommy niya. "Ako nga tapatin mo, bata ka. Mahal mo ba talaga siya?"
"Sobra Mom," pag-amin niya.
"Iyon naman pala eh. Ano pang ginagawa mo dito? Magpabook ka na ng flight at bumalik ka ng Pilipinas," sabi nito.
"Pero hanggang ngayon ay galit pa rin siya sa akin, ni hindi niya sinasagot ang mga tawag ko," aniya.
"Anak, true love forgives. True love waits. Lalambot ang puso no'n kapag nakita ka na niya," payo ng Mommy niya.
Hindi siya nakasagot. "Ang mahalaga ay mahal ninyo ang isa't isa at nakahanda kang ipaglaban ang nararamdaman mo kahit ilang Kathy pa ang dumating sa buhay n'yo," dagdag pa nito.
Napangiti si Yerin saka muling niyakap ang Mommy niya. "Thank you Mom. You're the best!" masayang sabi niya.
"Ayoko naman ipanganak mo ang apo ko ng walang Ama," sabad ng Daddy niya. Napalingon siya dito.
"Okay lang ba Daddy kung iiwan ko kayo dito at doon na ako sa Pilipinas maninirahan?" tanong pa niya.
"Oo naman. Nariyan naman ang mga kapatid mo. Saka kapag may oras ay kami ang dadalaw sa inyo sa Pilipinas," sagot ng Daddy niya.
BINABASA MO ANG
Puppy Love, First Love At True Love
Romance"Hintayin mo ako! Paglaki ko! Hahanapin kita tapos liligawan kita! Ako ang mag-aalaga sa'yo! Hindi kita paiiyakin! Papakasalan kita! Promise!" JB was only thirteen years old when his heartbeat fast for the first time. Nang mga panahon na iyon, hind...