"Love is when you give a piece of your soul that you never knew was missing."
Yhael POV
Muntik ko ng mabitawan ang tasang hawak habang hihigop pa lang sana ng tinimpla kong kape nang bigla na lang may bumagsak na kung ano sa harap ko na ikinapitlag ko. Nakaupo ako sa harapan ng garden set habang nagkakape, umaga ng Huwebes, nang lumapit sa akin si Devone na nakasuot pa rin ng white silk satin bathrobe, hindi maipinta ang kanyang mukha.
Kunot-noong napatingin ako sa kanya na nakatayo sa gilid ko habang nakahalukipkip na tila naghihintay sa sasabihin ko o sa magiging reaksyon ko. Napataas ang isang kilay niya nang hindi ko pa tinitignan ang bagay na bigla na lang niyang pabagsak na inilapag, no, mas akma ang 'inihagis' sa harapan ko.
Nagbaling ako ng tingin sa bagay na iyon. Newspaper lang pala e.
"Love -"
"Read." Mabilis niyang putol sa sasabihin ko. May kalamigan ang kanyang tinig.
Nagkibit-balikat ako bago ibinaba ang hawak na tasa at dinampot naman ang newspaper para basahin. Babalewalain ko na lang sana ito ngunit muli akong napatingin sa dyaryo ng makita ang mukha ko doon kasama si Lilith. Kuha ito ng nagpunta ako sa Cebu noong minsang nag-dinner kami sa kagustuhan ni daddy.
"Love is Brewing!" Ang sabi sa title ng article.
Binuklat ko kung saan itong pahina mababasa ng buo at binasa ng mabilisan ang nakasulat dito.
"Is this the beginning of a beautiful romance between two wonderful beauties from famous families? What a love match to watch!"
"Love, I had nothing to do with it -"
Ngunit 'yong kausap ko bigla na lang akong tinalikuran at nagsimula ng naglakad pabalik sa bahay.
"Devone!" Tawag ko sa kanya pero di man lang ako nililingon. Haist...
Mabilis kong hinigop at inubos ang laman ng tasa ko bago nagmamadaling sinundan si Devv.
"Love." Tawag ko habang nakasunod sa kanya patungong hagdanan pero hindi niya ako pinapansin. "Love naman!" May kalakasan ko ng bigkas.
Nilingon lang niya ako para irapan. Parang nagmamadaling umakyat siya sa hagdan. Nakita ko si Dom na pababa naman ng hagdanan. Kinuha ko ang kamay niya dahilan para matigilan siya sa pagbaba saka ipinahawak ang tasang ginamit ko. Parang nabitin sa ere ang paghikab sana niya sa ginawa ko. Nag-peace sign lang ako sa kanya bago nagmamadaling sinundan ang kanyang ate.
"Devone!" Muling tawag ko.
Pumasok siya sa loob ng aming kuwarto. Mabilis ko siyang sinundan ngunit sumara lang ang pinto sa mukha ko. Tumama tuloy ito sa noo ko. Napapikit na napahawak ako sa noo.
Napapalatak ako. "Aray." Mahinang daing ko.
Nagulat ako ng biglang may humablot sa suot kong puting T-shirt papasok sa loob ng kuwarto saka ako itinulak din kaya tumama ang likod ko sa likuran ng pinto. Nakakahalata na ako... tsk.
"Woah!"
Poker face na mukha ni Devone ang nabungaran ko ng magmulat ako ng mga mata. Nakatayo siyang nakahalukipkip sa harapan ko. Agad akong napangiwi nang makita ang pagtaas ng kilay niya habang titig na titig sa akin ang singkit niyang mga mata.
Napatingin siya sa noo ko. Marahil ay namumula na 'yon ngayon. Marahas siyang napabuntong-hininga. Muli niyang hinablot ang collar ng damit ko at inilapit ang mukha ko sa kanya. Napatitig siya sa noo ko. Napakagat siya sa ibabang labi ng makita siguro ang pamumula nito. Kilala ko siya, madali lang siyang makonsensya.