Malate Catholic School, 1995
"UY, sabay na naman sila," tukso ni Minnie, ang numero unong intrigera sa Section A. Saksakan ito ng tsismosa at lahat e nakikita- walang ligtas, ika nga. Kay Allie ito nakatingin, na kararating lang.
"E ano naman kung sabay kami? Magkapit-bahay kami e!" si JR ang sumagot, best friend ni Allie. Natameme si Minnie kaya umirap na lamang ito, saka lumayo.
"Tinarayan mo naman si Minnie," natatawang saway ni Allie sa kababata. "Babae yun e, saka alam mo namang yun lang ang hobby niya."
"Babae, e daig pa ang maton kung kumilos. Saka mabuti nga yun para hindi masanay na tuksuhin ka."
"Kaya ko naman yan," ani Allie habang nakatingin sa papalayong si Minnie. Lumingon pa ang babae sa kanila at muling umirap.
"Basta, hangga't nandito ako, ayokong may nanunukso sayo."
"Bodyguard, ikaw ba yan?" biro niya sa kaibigan na laging protective sa kanya. Something na naa-appreciate naman ni Allie dahil wala siyang kapatid na lalake. Solong anak lang kasi siya.
Elementary pa lang nang maging magka-klase sina Allie at JR. Magkalapit lang din ang bahay nila sa may San Andres kaya lagi silang sabay sa school service. Noong una ay ayaw sanang makipagkaibigan ni Allie kay JR dahil mukhang siga ito at sutil, pero natuklasan niyang masarap itong kausap at lagi siyang napapatawa kaya't naging close sila. Bagama't kasundo nito ang lahat ng kaklase nila noong elementary, hindi ito mabarkada at siya lang ang laging kausap. Kaya hanggang high school ay sila pa rin ang magkaibigan.
May mga kaibigan din naman siyang babae pero mas close lang talaga siya kay JR. Madali itong pakisamahan kahit makulit kung minsan.
Saka kampante siya kapag ito ang kasama dahil alam niyang hindi siya nito pababayaan. Regular na bisita nila sa bahay si JR at in fairness ay lagi itong may dalang pagkain. Panonood ng VHS ang hilig nila, action, drama, comedy, love story, pati cartoons- lahat ng mga pelikulang nasa VHS na, pinapanood nila.
Hanga si Allie sa kaibigan dahil kahit lalake ay mahilig itong magbasa. Mas marami pa nga itong collection ng mga American and British novels. Mahilig din naman siyang magbasa, pero puro romance ang hilig niya. Unlike JR na mystery, action at mga spy-related stories ang gusto. Libangan din nito ang crossword puzzle.
Lagi nga silang magkasama, pero pasalamat na din si Allie na hindi sila gaanong natutukso. Si Minnie lang ang naglakas-loob, pero agad ding tumigil. Hindi kasi basta bastang natutukso ng mga kaklase si JR. Iba ang personality ng kaibigan niya- for some strange reason ay iginagalang ito at pinangingilagan.
"Buti na lang may body guard kang guwapings, di ba?" narinig niyang wika ni JR habang naglalakad sila papasok ng campus.
Natawa naman si Allie dahil umiral ang pagiging mayabang ng kaibigan. Pero okay lang, kasi siya lang naman ang nakakarinig nun. Saka may ipagyayabang naman ito. Guwapo nga naman kasi si JR. Bagama't kayumanggi ito, makinis naman ang balat na bumagay sa maamo nitong mukha. May pagka-singkit ang mata nito pero mahahaba at makapal ang pilik. Matangkad na rin ang lalake kahit high school pa lang sila. Nasa 5'8 na ang height nito. At dahil mahilig pa itong maglaro ng basketball, alam ni Allie na tatangkad pa ang kaibigan.
BINABASA MO ANG
Laging Naroon Ka
ChickLitPublished by Bookware, 2011 Sa iba kasi, simple lang ang ibig sabihin ng best friend. Pero para kay Allie, mas malalim pa iyon. Marami siyang good memories kasama si JR. Simula pagkabata hanggang high school, sa lahat ng makukulay na sandali ng buha...