TULAD ng pinangangambahan niya, lampas tatlong araw na ay wala pa ring JR na nagpapakita sa kanya. Dumaan ang isang linggo, wala pa rin. Halos gabi-gabing iniiyakan ni Allie ang hindi pagcontact sa kanya ng lalake. Kinakain na rin siya ng insecurities dahil naiisip niyang siguro ay hindi talaga siya importante kay JR dahil nagagawa nitong deadmahin lang siya. Naisip din niyang baka may iba talaga itong girlfriend at pinagtritripan lang siya.
Hindi naman siguro. Busy lang siya. Nagtatrabaho lang siya. Pilit na lamang pinalalakas ni Allie ang loob niya, kahit alam niyang wala siyang ibang pinanghahawakan kundi ang salita ni JR na magtiwala siya.
After three weeks ay halos mamanhid na ang puso ni Allie. Dumaan siya sa cycle ng anxiety, sama ng loob, galit at pagsuko. Lahat na kasi ay naisip na niya about JR, nakailang dasal na siya sa Quiapo at Baclaran para lang bumalik na ang lalake o kahit tumawag man lang. Kahit nga text na lang- pero wala. Kaya siya na mismo ang nagsabi sa sarili na tanggapin na lang na nawala na namang parang bula si JR.
Ilang beses din siyang pilit kinukumbinse ni Cody na makipagbalikan pero hindi na niya talaga kaya. Karma siguro ang nangyayari sa kanya na nasasaktan dahil kay JR dahil sinaktan din niya si Cody, pero maging iyun ay tanggap na rin niya.
Siguro nga ay destined ako na wala na lang munang boyfriend. At least wala nang kumplikasyon, naisip din niya.
Kaso, just when she was starting to move on, saka naman muling nagparamdam si JR. This time ay sa isang news flash sa TV!
Kasalukuyang nasa cafeteria si Allie nang mga oras na iyun nang mapatingin siya sa isang TV. Lunch time kasi at maingay kaya wala siyang naintindihan sa ibinabalita. Basta ang alam niya, nakita niyang nakatayo si JR katabi ng mga pulis!
Namutla ang dalaga at muntik pang mabitiwan ang hawak na tray. Eto na nga ba ang pinangangambahan niya!
ABOT-abot ang kaba ni Allie habang patungo sa Camp Crame. According sa news desk nila ay galing sa PNP ang balita tungkol sa mga nahuling rebelde. Hindi na niya nahintay pa ang ibang detalye dahil siya na mismo ang pumunta sa pinagdadausan ng press conference.
Malapit lang sana sa kanila ang kampo pero grabe ang traffic ng araw na 'yun. May isang billboard kasing bumagsak sa may EDSA kaya nagkabuhol-buhol ang mga sasakyan. Kung puwede lang siyang lumipad, ginawa na niya! Di tuloy siya mapakali sa loob ng taxi.
Rebelde ba siya? Sangkot sa sindikato? Terorista? Hindi na malaman ni Allie kung ano ang iisipin tungkol kay JR ng oras na 'yun. Eto na ang pinangangambahan niya- the moment of truth. Ang tanong- kaya ba ng dibdib niya ang katotohanan?
"Manong, baka pwede tayong mag-short cut?"
"Kung mayroon lang na short-cut dito, hija, kanina ko pa ginawa." Napapailing na rin ang driver.
Bahagyang nagulat ang dalaga nang tumunog ang cellphone niya. Mommy niya ang tumatawag.
"Si JR ba ang nakita ko sa TV kanina lang?" agad na tanong nito. "Mabilis kasi ang news at may kausap ako kanina pero hindi ako puwedeng magkamali, siya yun, di ba?"
"Hindi ko po alam," tanggi niya sa ina. "Ma, teka at may incoming call ako. Tawagan kita mamaya," pagdadahilan niya. Lihim na nagpasalamat ang dalaga nang hindi na nagtanong pa uli ang ina niya.
Mayamaya pa ay nasa loob na siya ng Camp Crame. Nagtanong-tanong siya kung saan ang press conference at agad naman siyang itinuro sa main building. Pero pagdating doon ng dalaga ay tapos na ang media coverage. Nakaalis na ang karamihan sa mga reporters at wala na ang mga opisyal na nasa TV kanina.
"Rowena! Rowena!" Dali-daling nilapitan ni Allie ang isang reporter na naroroon at nakikinig sa kanyang maliit na recorder. "Naabutan mo ba ang presscon?"
"Uy, Allie. Long time, no see. Police beat ka na?" Tinapik pa ng babae ang dalaga. Nagkasama kasi sila noon sa isang conference sa Subic.
"Hindi. Doon pa rin sa dating programa. Wait, anong nangyari dito kanina?" tanong ni Allie bago pa mapunta sa ibang topic ang usapan.
"Ay, na-late nga rin ako e. Basta ang naabutan ko na lang, may ipinirisintang members ng isang terrorist group. Joint effort yata ng PNP and AFP ang nangyari. Ngayon ko pa nga lang pinapakinggan yung tape recorder ko, ipinalagay ko lang din kanina sa isang kasamahan kasi nga lumabas muna ako kanina para magdeposito sa bangko. Umaga pa lang kasi, may tip na kaming narinig na may malaking balita, tagal din naming tumambay. E kelangan kong sumaglit sa bangko, iniwan ko na muna ang tape recorder ko. Para at least ma-record yung interview. Eto yun o." Ipinakita pa ni Rowena ang hawak na SONY recorder.
Gusto na sanang kunin ni Allie ang recorder at pakinggan, pero may naalala siya.
"Joint effort kamo ng AFP at PNP? So nasaan ngayon ang mga involved na opisyal?"
"Andun naman yata ngayon sa Camp Aguinaldo, tumawid. Susunod na nga rin ako dun e. Gusto mong sumabay?" Agad na tumango si Allie sa narinig.
"Sige, tara!" Kulang na lang ay hilahin niya si Rowena palabas ng main building.
BINABASA MO ANG
Laging Naroon Ka
ChickLitPublished by Bookware, 2011 Sa iba kasi, simple lang ang ibig sabihin ng best friend. Pero para kay Allie, mas malalim pa iyon. Marami siyang good memories kasama si JR. Simula pagkabata hanggang high school, sa lahat ng makukulay na sandali ng buha...