ANG bilis ng three weeks. Ni hindi na nga namalayan ni Allie ang mga araw. Sinikap nila ni JR na huwag pag-usapan ang paglipat nito sa Cebu but they always end up talking about it anyway. Somehow nagiging magaan naman ang pakiramdam niya lalo na't nangako si JR na susulat lagi. At tatawag kapag puwede.
"Nangako na rin si Papa na magbabakasyon kami dito next year," ani JR. Nasa sala ito nina Allie. Bihis na ito dahil araw ng flight nilang mag-anak papuntang Cebu. Naroroon na nga ang ibang gamit nila. Naipadala na sa barko noong isang linggo pa.
"O, magbabakasyon naman pala sila. Huwag ka nang malungkot." Si Lilet, na nakisabad sa kanila sa sala.
"Baka hinahanap ka na ng mama mo." Pinipigilan ni Allie na huwag umiyak sa harap ni JR dahil alam niyang maaapektuhan lang ito.
"Oo nga e." Tumayo na si JR at inayos ang nagusot na tshirt. "Pano, tatawag-tawag na lang ako at susulat."
Sinabayan ni Allie ang paglalakad ni JR hanggang sa gate nila. Nakalabas na ang binatilyo nang bigla itong pumihit.
"Babalikan kita." Puno ng kasiguruhan ang boses ni JR. "Basta, kahit anong mangyari, babalik ako."
Bigla nitong niyakap si Allie- mahigpit. Hindi na napigilan pa ng dalagita ang mga luha na kanina pa pinipigil.
"Ingatan mo ang sarili mo kahit anong mangyari. Kasi... kasi..." suminghot muna si Allie. "Kasi kapag hindi ka nag-ingat.. sasapakin kita."
Kahit papano ay natawa si JR sa tinuran ng kaibigan. Hinalikan muna nito ang noo ni Allie saka tumalikod. Hindi na ito lumingon pa. Nanatiling nakatayo sa may gate nila ang dalagita, nakatingin lang, hanggang sa mawala na sa paningin niya ang kaibigan. Saka lamang siya pumasok sa bahay nila at nagkulong sa kuwarto. Buong araw niyang iniyakan ang pag-alis ni JR. At matagal niyang dinamdam iyun.
TATLONG linggo bago nakatanggap ng sulat si Allie mula kay JR. Halos mawalan na nga siya ng pag-asa na susulat pa sa kanya ang kaibigan. Hindi naman niya alam kung ano ang address nito sa Cebu kaya hindi siya makapagpadala ng sulat. Ang lungkot lungkot tuloy ng summer niya.
Makapal ang sobreng natanggap niya mula sa Cebu. Natawa na lamang si Allie dahil mistulang diary ang pinadala ni JR sa kanya. Araw araw itong nagkukuwento ng mga nangyayari sa buhay niya. At kaya umano ito natagalan sa pagpapadala ng sulat ay dahil hinanap pa nito ang post office- at malayo sa bahay nila.
Muling nabuhay ang dugo ng dalagita dahil sa pagsulat ng kaibigan. Agad siyang nagpadala ng sulat kinabukasan. At ganun na nga ang naging routine ni Allie. Gabi-gabi ay kinukuwento niya kay JR ang nangyayari sa kanya. Sa sulat na lamang niya binubuhos ang mga nararamdaman. Kuwento siya ng kuwento na para bang kaharap niya ang kaibigan.
Nang magpasukan na ay okay na ang pakiramdam niya dahil she has something to look forward to everyday. Akala niya ay mamamatay siya sa lungkot dahil wala na siyang kaibigan, pero nagkaroon naman siya ng bagong hobby. Letter-writing- kaya naman lagi siyang nasa library kapag vacant. Bukod sa nakakapagsulat na siya, nakakapag-aral pa siya.
Maraming pagbabago sa buhay ni Allie ng school year iyun. Marami ang nakapansin na pumayat siya. Natural na nawala ang kanyang mga baby fats at nagkaroon na siya ng curves in all the right places. At dahil wala na si JR sa tabi niya, marami na ring lalake ang lumalapit sa kanya- including Yael- na nakabanggaan niya nang minsang palabas siya ng library. Nalaglag ang mga bitbit niyang libro dahil nagmamadali siya ng araw na iyun- gusto kasi niyang sumaglit sa post office habang vacant pa nila. Tinulungan siya ni Yael at nakipagkilala ito.
Of course, lahat ng iyun ay ikinuwento niya kay JR sa sulat pero deadma ang kaibigan dahil iba naman ang kinukuwento nito. Obviously ay nakapag-adjust na ito sa bagong school na nilipatan. Unti-unti na rin umano itong natututong magsalita ng Cebuano.
Noong una ay nakakatawag pa once a month si JR sa kanila. Mahal kasi ang long distance call. Pero nung lumaon ay sa sulat na lang talaga ito nagkukuwento.
Dumating ang birthday ni Allie. Nalungkot uli siya dahil every year ay si JR ang lagi niyang kasama sa pagsi-celebrate. Pero isang espesyal na package ang dumating sa kanya sa school. Isang box iyun na kasing-laki ng box ng sapatos. Sa loob ay mayroong limang puting rosas at iba't ibang chocolates na hugis puso.
'Naubos ang allowance ko dahil dito, pero alam kong matutuwa ka kaya okay lang. Happy birthday. Best friends forever. love, JR.'
Yun ang nakalagay sa maliit na sulat na kasama ng package. Tuwang tuwa si Allie. Inulan naman siya ng tukso mula sa mga kaklase. Akala kasi ng lahat, galing kay Yael ang white roses and chocolates. Simula kasi ng makilala niya ang lalake ay lagi na itong bumibisita sa homeroom class nila. At alam ng buong high school department na wala na itong girlfriend kaya ang chismis ay siya na ang bagong nililigawan ng lalake.
Agad niya iyung ibinida kay JR. Pero matagal bago muling nakasagot ang kaibigan. Busy daw kasi lagi ito. Dumalang na nga ng dumalang ang mga sulat mula kay JR, hanggang sa tuluyan na itong tumigil.
Noong una ay nasaktan si Allie nang marealize na tuluyan nang nawala ang best friend niya pero madali siyang nakarecover. Nakatulong ang kanyang new-found popularity para hindi masyadong maisip si JR. Dumami ang kanyang activities and of course, mga manliligaw.
As expected ng lahat ay si Yael ang naging boyfriend niya at partner sa JS Prom. Pero hindi sila nagtagal ng lalake dahil nagcollege na din ito at naging busy. Kaya itinuon na lamang ni Allie ang oras sa pag-aaral. Paminsan-minsan ay kumakabog ang dibdib niya kapag nababanggit ang lugar na Cebu o kaya ay may nababasa tungkol sa Cebu. Pero hanggang doon na lang yun.
She moved on with her life. At masaya na siya.
BINABASA MO ANG
Laging Naroon Ka
ChickLitPublished by Bookware, 2011 Sa iba kasi, simple lang ang ibig sabihin ng best friend. Pero para kay Allie, mas malalim pa iyon. Marami siyang good memories kasama si JR. Simula pagkabata hanggang high school, sa lahat ng makukulay na sandali ng buha...