Chapter Four

3.1K 108 1
                                    



NAGISING si Allie nang maramdaman ang mahinang pagyugyog sa kanyang balikat. Hindi niya namalayang nakaidlip na pala siya sa biyahe. Naisip niyang dala na rin ng matinding pagod at puyat noong nakaraang gabi kaya antok na antok siya. May isang mahalagang coverage kasi siyang tinutukan kaya madaling araw na siya nakauwi.


"Tinulugan mo na naman ako." May bahid ng konting pagtatampo ang tinig ni Cody, pero nakangiti ito. Nakahawak pa rin sa manibela ang isang kamay- ang isa naman ay nakapatong sa kamay niya.


Bahagyang pinisil ni Allie ang kamay ng boyfriend. Naalala niyang sinundo nga pala siya nito sa TV station para makapag-dinner sila bago umuwi. At nagkukuwento pa ito kanina- bago siya nakaidlip. Nasa Roxas Boulevard na pala sila.


"Pasensya ka na, antok lang talaga. Pero okay na ako." Inayos ng dalaga ang blouse na nagusot ng konti. Kinuha niya ang kanyang compact powder at dali-daling nagretouch. "Halika ka na," aniya pagkatapos.


Sabay na silang bumaba ng kotse at magkahawak-kamay na pumasok sa Aristocrat Restaurant.




ISANG taon na rin silang magboyfriend ni Cody. College pa sila nang magkakilala sa isang convention pero hindi sila nagkaroon ng romantic involvement noon. Crush ng mga kasabay niya sa convention si Cody dahil typical itong boy-next-door type. Taga La Salle ang lalake, guwapo at conyo ang dating pero mabait. Noon pa man ay interesado na pala ito sa kanya pero hindi niya ito binigyan ng pagkakataon na maging close sa kanya. Matapos kasi ang relasyon nila ni Yael noon ay ayaw na muna niyang makipagboyfriend.


Nagtatrabaho na si Allie sa isang malaking TV network bilang segment producer nang magkrus uli ang landas nila ni Cody.


Project manager na ito sa isang advertising agency. Ilang buwan din siya nitong sinuyo bago siya napasagot. Matiyaga naman kasi si Cody at maalalahanin- kaya nahulog na din ang loob niya. Isa pa, bored na din siya sa kawalan ng lovelife. Oo, aminado naman si Allie na guilty siya noon dahil parang sinagot lang niya si Cody para magkaroon ng kulay ang buhay niya. Puro trabaho na lang kasi siya. Pero nang maging official boyfriend niya ang lalake, lahat ng ipinapakita niya sa boyfriend ay walang halong pagkukunwari o kaplastikan. Bukal naman sa loob niya ang pag-aalala at mga ipinapakitang ka-sweetan sa lalake.


Okay naman kung tutuusin ang relasyon nila ni Cody. Naiintindihan nito na demanding ang trabaho niya at minsan ay dalawang beses sa isang linggo lang sila kung magkasama. Usually ay nagdi-dinner sila o di kaya ay nanonood ng sine. Minsan ay humirit itong mag-out of town naman sila pero hindi pumayag si Allie. Kahit kasi moderno siyang babae, hindi lang talaga siya handang ibigay ang sarili kay Cody. Alam niyang eventually ay darating din sila doon, pero alam din niyang hindi pa ngayon yun. Good sport din naman ang nobyo niya dahil hindi na ito humirit pa. Kaya lalo niya itong minahal.


"Sweety, order ka na. Punta lang muna ako sa CR."


Chicken barbeque and macaroni salad ang inorder ng dalaga, at sinigang naman with rice ang inorder niya para kay Cody. Alam na niya kung ano ang gustong kainin nito kapag nasa Aristocrat sila. Pagtalikod ng waiter ay siya namang pagtunog ng kanyang cellphone. Si Madam Gina ang nasa kabilang linya, ang kanilang Executive Producer.


Habang nakikipag-usap sa phone ay nakita niyang bumalik na sa table nila si Cody. Tahimik lang itong nakatingin sa kanya. Pagkababa ng phone ay agad siyang tinanong nito kung sino ang tumawag.


"Sinabi lang ni Madam Gina yung assignment ko bukas. May iba pa daw kasing ico-cover yung crew, pero uunahin na muna yung segment ko," paliwanag niya.


"Saan ba bukas ang punta mo?"


"Sa Bicutan daw e. Kukunan ko lang ng footage at iinterviewhin ang warden dun sa jail, saka babalik ako sa station para gawin ang istorya."


Tumango-tango lang si Cody sa sinabi niya. Sanay na ito sa mga ginagawa niya. Nasa news and public affairs kasi siya at alam nitong malawak ang coverage ng trabaho niya.


Filmmaking ang talagang gustong pasukin ni Allie. Pero bago siya gumawa ng pelikula, gusto muna niyang mahasa sa TV production, at eventually, sa film production. Alam niyang matagal na proseso ang dadaanan niya pero okay lang. Hindi siya naniniwala sa overnight success dahil ang tagumpay ay talagang pinaghihirapan.


Dalawang oras din ang itinagal nila sa restaurant. Bago mag-alas-diyes ay inihatid na siya ni Cody dahil pareho pa silang may trabaho kinabukasan.




"MA'M, magse-set up na po ako ha?" narinig niyang wika ni Roger, ang kanyang cameraman.


Kasalukuyan siyang nagme-make-up sa loob ng kanilang van. Ganun naman siya lagi. Saka lang siya nag-aayos kapag nasa location na. Ang kanyang mahabang buhok ay itinali niya sa likod para hindi maging sagabal at para hindi mainit. Jail ang pinuntahan nila- natural lang na masikip at mainit. Naka-jeans nga lang siya at rubber shoes, at green Lacoste polo shirt for women na bigay sa kanya ni Cody noong isang buwan.


Bitbit ang station microphone at ang kanyang maliit na bag, bumaba na si Allie mula sa sasakyan at pumasok sa tanggapan ng Warden. Agad naman siyang sinalubong ni Colonel Dizon- ang warden ng jail sa Bicutan. May bente minutos din niyang ininterview ang opisyal. Pagkatapos ay sinamahan na sila nito sa mga selda para makunan ang loob ng jail.


Habang papasok sa area kung saan naroroon ang mga selda ay nakaramdam ng mahinang kabog sa dibdib si Allie. Hindi niya maintindihan kung bakit tila bigla siyang kinabahan. Nakaramdam din siya ng anxiety, at parang hinahalukay ang tiyan niya- bagay na nararamdaman lamang niya kapag kabado o excited.


May mga narinig siyang sumisipol habang naglalakad, na agad namang tumitigil kapag natapunan ng tingin ni Colonel Dizon. Ilang jail officers din ang nakasunod sa kanila para masiguro ang kanilang kaligtasan habang naroroon kaya panatag dapat ang pakiramdam ni Allie. Pero hindi umaalis ang kabog sa kanyang dibdib.


Nang tumigil sila sa isang selda ay napatingin sa loob nun si Allie. At sinalubong siya ng tingin ng isa sa mga preso. Doon nalaman ni Allie na may batayan ang kabang kanina pa nararamdaman.


Kilala niya ang nasa loob ng selda. Si JR.

Laging Naroon KaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon