"O, ANONG nangyari sayo?" puna ng mama niya nang makitang namamaga ang mata niya.
Kararating lang ni Allie sa bahay nila at naroroon na ang ina niya dahil hindi na ito masyadong busy. Binitiwan na ng parents niya ang maliit na restaurant nila noon at isang coffee shop na ang inaasikaso ng mga ito sa isa sa commercial buildings sa Makati. Kung dati ay inaabot ng alas-diyes ng gabi ang mga magulang niya sa restaurant, ngayon ay maaga na ang mga ito kung umuwi. Usually seven ng gabi ay nasa bahay na sila dahil may manager nang nangangalaga sa negosyo nila.
Tumayo ang mama niya para tingnan siyang mabuti. "Umiyak ka?" tanong nito. Agad namang nag-iwas ng tingin ang dalaga.
"Napuwing lang po," aniya.
"Anong nakapuwing sa'yo, elepante? Bakit magang-maga ang mga mata mo?"
Noong una ay ayaw pa sanang sabihin ni Allie kung ano ang natuklasan niya nang araw na iyun pero mapilit ang kanyang ina. Hindi siya nito tinigilan. Kaya naman nasabi niya ang pagkikita nila ni JR sa kulungan. Katulad niya ay shocked din ito sa nangyari sa kaibigan. Kilala kasi ng mama niya si JR kaya hindi ito makapaniwalang naging masama itong tao.
"Baka na-frame up?" wika ng ina niya. "Maraming ganyan kasi e. Kung hindi ka malakas o may sinasabi, kawawa lang e."
"Ayaw naman kasi niyang magsalita kung ano ang nangyari, kaya hindi ko alam kung papano siya tutulungan."
"Hayaan mo na muna. Baka nahihiya din siyempre."
"Sinong nahihiya?" sabad ng papa ni Allie na noon ay kakapasok lang sa komedor.
"Naku, si JR, yung kaibigan ni Allie! Natatandaan mo ba yun, 'ling? Yung gwapong bagets na lagi dito sa bahay natin?"
"Di ba lumipat yun sa Cebu?"
"Nandito na po uli." Ang mama na niya ang nagkuwento sa papa niya kung papano sila nagkita. Mabuti na nga rin yun- wala na rin naman siyang lakas na magkuwento pa.
Mayamaya lang ay tumayo na siya at pumasok sa kuwarto. Pakiramdam niya ay naubos ang lakas niya ng araw na iyun. Patang-pata ang katawan niya. Ang gusto na lamang muna niya ay matulog. Ni si Cody nga ay hindi na muna niya tinawagan.
Nakatulog ang dalaga na si JR pa rin ang nasa isip.
"ARE you sure you're okay?"
Tumango si Allie, pero ang utak niya ay nasa Bicutan- sa loob ng jail kung saan naroroon si JR. Ilang araw na ang nakakaraan pero hindi pa rin mawala-wala sa isip niya ang kaibigan. Ni hindi niya alam kung ano ang gagawing hakbang- gusto niya itong tulungan pero paano? Sumasakit na ang ulo niya sa kakaisip. Ilang araw na rin siyang pabiling-biling sa pagtulog dahil nga laging naglalaro sa diwa ang itsura ng kulungan kung saan naroroon si JR.
Which is unfair, dahil kahit si Cody na ang kasama niya ng mga oras na iyun, naiisip pa rin niya si JR. At hindi niya masabi iyun sa nobyo.
"Hindi ka mukhang okay. Nanlalalim ang mata mo. Kanina pa kita napapansin. Ni hindi mo nga kinakain ang order mo e."
Napatingin ang dalaga sa plato at nakita niyang hindi man lang pala niya nabawasan ang inorder na pasta.
"May iniisip kasi ako."
"Obvious nga. Ano ba yun?"
"Yung tungkol lang sa segment na ginagawa ko."
"Trabaho na naman." Kasunod nun ay isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Cody. "You know, you don't have to work if you're stressed out. I can take care of you."
Napatingin ang dalaga sa lalake, na seryosong nakatingin sa kanya. Alam niyang nagpapahiwatig na ito na magsettle down sila. At kung ibang babae lang siguro ang nasa posisyon niya ay tiyak na nagtatatalon na sa tuwa. But somehow it doesn't seem right.
"You know naman na importante sa akin ang trabaho ko."
"Hindi ba ako importante sayo?"
"Of course importante ka," agad na sagot ni Allie. "May mga pinuproblema lang ako sa network."
"Kaya nga I am telling you, hindi mo kailangang magpakahirap diyan. You can quit if you like. Kaya kitang buhayin."
"Alam mo namang hindi ako quitter," may diin ang pagkakasabi ng dalaga. Medyo nairita kasi siya sa gustong mangyari ni Cody. Wala sa bokabularyo niya ang salitang quit!
"That's not what I mean." Lumapit si Cody at inakbayan si Allie. "I just hate it when I see that you're not happy. O di kaya, may pinu-problema ka." Hinaplos-haplos pa nito ang buhok niya.
Now, that's the thing with Cody. Napakalambing nito kaya agad nawala ang iritasyon ni Allie. Nang ihatid siya nito that night ay nakangiti na ang dalaga. But still- her thoughts remained in Bicutan.
BINABASA MO ANG
Laging Naroon Ka
ChickLitPublished by Bookware, 2011 Sa iba kasi, simple lang ang ibig sabihin ng best friend. Pero para kay Allie, mas malalim pa iyon. Marami siyang good memories kasama si JR. Simula pagkabata hanggang high school, sa lahat ng makukulay na sandali ng buha...