PAKIRAMDAM ni Allie ay kakapusin siya ng hininga. Biglang nagsikip ang paligid at lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Ni hindi na niya naisip kung nasaan siya ng mga oras na iyun. Lumapit siya sa seldang nasa kaliwang bahagi.
"JR?" halos pabulong iyun. Hindi pa rin siya makapaniwala ang dalaga sa nakikita. Si JR talaga ang nakatayo sa harap niya, pero nasa loob ng selda.
Tumangkad pa ito ng ilang pulgada kesa sa natatandaan niyang height nito noong high school sila. Nagkaroon ng laman ang katawan nito at nakikita ang mga muscles ng lalake dahil wala itong damit na pang-itaas. Naka-maong lamang ito at tsinelas. May tattoo din ito sa itaas na bahagi ng kanang braso.
"Allie?" nagliwanag ang mukha nitong kanina lang ay tila madilim dahil parang galit ang expression nito.
"A-anong ginagawa mo dito? I mean... A-ang alam ko ay... " hindi alam ni Allie kung ano ang sasabihin.
"Kilala mo?" narinig niyang tanong ni Colonel Dizon sa tabi niya.
Maging ang cameraman niyang si Roger ay natigilan at agad nitong ibinaba ang bitbit na camera.
"Ma'm Allie, doon naman po ako sa kabilang selda. Pasasama na lang muna ako dito kay Tsip," anito, na ang tinutukoy ay ang isa sa mga Jail officers.
"Gusto mo ba siyang makausap, Miss Allie?" tanong uli ni Colonel Dizon. "Puwede ko siyang papuntahin doon sa opisina ko."
Tumango si Allie. Hindi pa rin siya makapagsalita ng mabuti. Punung-puno ng mga katanungan ang isip niya. Paanong nangyari na nakakulong ngayon si JR? Ang kanyang bestfriend na si JR. Ang alam niya ay nasa Cebu ito.
Hindi na namalayan ng dalaga na nakabalik na pala sila sa opisina ni Colonel Dizon. Nanghihina siyang napaupo sa sofa. Mabilis naman siyang binigyan ng tubig ng sekretarya ng warden.
Mayamaya lang ay pumasok na ang isa sa mga jail officers, kasama na nito si JR na may suot nang t-shirt. Puti yun at may nakalagay pang Cold Play, na alam ni Allie na pangalan ng isang sikat na banda. Kinausap muna sandali ng warden si JR kaya nagkaroon ng chance si Allie na pagmasdan ang lalake. Bukod sa tumangkad ito at lalong gumanda ang katawan, mas guwapo ito ngayon kesa noong mga bata sila. Bigla tuloy bumalik sa alaala niya ang mga pinagsamahan nila noon- lahat kasi ng masasayang bahagi ng kabataan niya, si JR ang kasama niya. Tapos ngayon ay nakakulong ito. Hindi na niya namalayan na tumutulo na pala ang luha niya.
"Allie? Allie?" saka lang niya naramdamang hinawakan na pala ni JR ang kamay niya. Nang mag-angat siya ng mukha ay nakita niyang nakatingin sa kanya ang lalake.
Hindi na napigilan ni Allie ang sarili. Niyakap niya si JR at umiyak ng umiyak.
KANINA pa tumigil sa pag-iyak si Allie pero hindi pa rin siya halos makapagsalita. Emotional siya dahil sa pagkikita nila ni JR. Naubos na nga ang tissue na baon niya sa bag. Silang dalawa lang ang naroroon sa opisina ng warden, although maya't maya ay pumapasok ang sekretarya ng opisyal.
BINABASA MO ANG
Laging Naroon Ka
ChickLitPublished by Bookware, 2011 Sa iba kasi, simple lang ang ibig sabihin ng best friend. Pero para kay Allie, mas malalim pa iyon. Marami siyang good memories kasama si JR. Simula pagkabata hanggang high school, sa lahat ng makukulay na sandali ng buha...