CAPITULO 42 - Realization
BUMUKAS NA ANG PINTO NA PARANG WALANG NANGYARI.
Na parang hindi iyon mabuksan-buksan kanina. Ultimo ang bintana, hinahangin na ang kurtina dahil sa bahagyang pagkabukas, samantalang kanina ay tila walang bintana ang kuwartong ito.
"E-El..." Nasa harapan ko si El na nakadapa at wala kahit isang pagkilos. Wala na naman. Wala na naman siya!
Sa kabila ng gulat ay may isang bagay akong nasigurado sa mga nangyari. Ang El na kanina'y gusto akong saktan... hindi siya ang El na hindi ako kayang saktan.
Hindi siya ang El na dumating sa huli dahil alam nito na mapapahamak ako. Hindi ako natiis ng El na iyon. Bumalik siya kasi ayaw niyang mapahamak ako!
Nanginig ang mga labi ko at umatras ako palayo sa El na nakahandusay sa sahig. Wala na namang malay. Iyon ang tagpo na napagbuksan ng pinto. Humahangos na pumasok ang mga tao.
"Gabriel!" sigaw ni Mrs. Gemma Salgado. Mabilis ito na lumapit sa anak na nakahandusay.
May umalalay sa akin na makatayo. Dalawang matatangkad na lalaki na kababakasan ng pag-aalala ang mga mukha. Sina Kit at Joachim. Pero wala sa kanila ang atensyon ko, kundi nasa lalaking nakahandusay pa rin.
"My boy, Gabriel!" palahaw ni Mrs. Salgado. "What happened to you?!"
Ang mga kapitbahay at tanod na kanilang tinawag ay mga nakatanga sa paligid, mga hindi malaman ang gagawin. Bukas na ang pinto na kanina'y tulong-tulong nilang sinusubukang buksan.
Ang isang tanod ay siniyasat pa ang sirang seradura ng pinto. Nasa mukha nila ang pagtataka dahil simpleng kuwarto lang naman ito. Pati ang mismong normal na pinto. Napailing ito sa pagkamangha, kung bakit kanina ay hindi nila iyon masira-sira.
Si Mrs. Salgado na alalang-alala sa anak ay humagulhol na. "What happened to my boy?! Gising na siya kanina! Okay na siya kanina! Pumunta na ang asawa ko sa doktor! Okay na ang anak namin! Paanong biglang nagkaganito?!"
Tumingala sa akin si Mrs. Salgado. "You! Ikaw ang kasama niya rito sa kuwarto! Anong ginawa mo sa kanya?!"
Umiling ako. Ibinuka ko ang bibig para makapagsalita. Kaya ko naman na, pero anong sasabihin ko? Ano ang sasabihin ko na puwedeng paniwalaan ng babaeng ito?
"My son, my boy...!" hagulhol ni Mrs. Salgado. Niyayakap ang anak na walang kakilos-kilos.
Ang kasambahay na si Ate Mita ay sinenyasan ang mga tanod na tulungan na lang maibalik sa higaan ang walang malay na alaga nito.
Nang maihiga na nang maayos si El sa kama ay sinugod ako ni Mrs. Salgado. "What did you do to him?! Isinara mo pa talaga ang kanina pinto! Anong ginawa mo sa anak ko?!"
"Ma'am, teka lang po," awat ni Kit dito.
BINABASA MO ANG
Beware of the Class President
Kinh dịFLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente na sanhi ng pagka-coma nito. Nang gumaling at magbalik-eskwela ay tila ba ibang tao na. Pero para ka...
