"Kanina pa kita tinanong kung anong pangalan mo. Bakit ba simpleng tanong na lamang ay hindi mo pa masagot?" Parang nauubusan niyang pasensyang tanong sa'kin.
Siya lang naman itong paulit-ulit magtanong. E' sa ayoko ngang sagutin ang tanong niya, may magagawa ba siya? Hindi ko naman kasi natanong kay Lola kung ang gagamitin ko bang pangalan ay ang totoo kong pangalan o baka naman kailangan kong itago ang totoong pangalan ko.
Wala namang sense kung itatago ko ang tunay kong pangalan. Ako lang naman sa panahong ito ang nanggaling sa hinaharap.
"Ano ang pangalan mo? Sa huling pagtatanong ko sa'yo at hindi ka pa-"
Hindi ko na siya pinatapos sa kaniyang pagsasalita. "Ang pangalan ko ay Kayen Mirai Alari." Sagot ko sa kaniyang tanong.
"Saan galing ang pangalan mo?" Tanong niyang muli. "Parang kakaiba, ngayon ko lamang narinig ang ganiyang pangalan."
"Kay Mama malamang." Pagtataray ko.
"Aayos ka ng sagot o kailangan pa kitang tutukan ng baril?" Pagbabanta niya sa'kin bago hawakan ang rebolber niyang nasa bulsa.
Tumango-tango naman ako. "Oo na, aayos na." Pagsuko ko. "Hindi ko alam ang ibig sabihin ng pangalan ko dahil wala naman akong pakialam sa ibig sabihin no'n, basta ang mahalaga sa'kin, buhay ako."
"Saan ka naman nakatira?" Tanong niyang muli. Tinitigan ko naman siya, hindi ko alam na interview pala ang gusto niya. Hindi naman ako mag-a-apply ng trabaho. "Huwag mo akong titigan lang, sagutin mo ang tanong ko dahil marami pa akong itatanong sa'yo." Masungit niyang sita sa'kin.
"Importante pa bang malaman mo ang ibang detalye sa buhay ko? Hindi naman ako nag-a-apply ng trabaho." Wika ko.
Napakunot naman ang noo niya sa'kin. Napatawa na lamang ako ng marealized na hindi niya naintindihan ang salitang "apply".
"Sagutin mo ang tanong ko!" Sigaw niya sa'kin kaya naman napaayos ako ng tayo.
"Oo na! Masyado kang nagmamadali." Wika ko. Sinamaan lamang niya ako ng tingin. "Nakatira ako sa malayong probinsya."
"Saang probinsya?" Tanong niya pa.
"Nakalimutan ko na, basta malayo iyon." Sagot ko.
"Bakit ka narito? Paano ka nakapasok sa bilangguan gayong may mga bantay sa labas?" Tanong niyang muli.
"May daan sa likod." Sagot ko. Wait, may daan ba sa likod?
"Sementado ang likod ng bilangguan. Mataas na pader, sa sukat mong iyan alam kong hindi mo kakayaning talunin iyon." Kontra niya.
"Wala kang magagawa dahil natalon ko." Pakikipagtalo ko pa. "Syaka kung ano ang ginagawa ko rito? May misyon lang naman akong kailangang tapusin."
Napatakip ako ng bibig ng mapagtanto kung ano ang sinabi ko. "Anong misyon?"
"A-Ang makapagtrabaho." Nauutal kong sagot. "Iyon ang ibinigay ni Ama na misyon sa'kin kaya niya ako pinapunta rito."
"Naghahanap ka ng trabaho?"
"Oo, ‘yung mataas sana ang pasahod." Sagot ko. Napakamot na lamang ako sa ulunan ko. Tapos na ako mag-aral tapos kailangan ko na naman mag-aral para lamang makalusot sa lalaking ‘to.
Bakit ba kasi napakarami niyang tanong?!
"Gusto mo ba sa trabaho na walang sahod ngunit patitirahin at pakakainin ka sa loob ng pamamahay?" Alok niya sa'kin.
"Oo gusto ko ‘yon, para hindi ko na kailangang maglakad mula sa trabaho hanggang sa bahay ko." Pagtanggap ko naman. "Bakit? May alam kang trabaho na gano'n ang sistema?"
BINABASA MO ANG
The Past And Future (Nagpapatuloy)
Historische RomaneSi Kayen ay isang simpleng babae lamang. Bumalik siya sa kanilang probinsya pagkatapos ng pagtatapos ng kaniyang relasyon sa ex-boyfriend niyang cheater. Hindi niya aakalain na mag-iiba ang kaniyang buhay sa pagbabalik sa probinsya. Magbago rin kay...