Napatulala na lamang ako sa bangkay na nasa harapan ko. Ito ang unang beses na makakita ako ng patay, at mas malala pa ay nakita ko rin siya kung paano mamatay.
Dapat lang naman sa kaniya ang mamatay para wala ng ibang babae pa ang maging kaniyang alipin sa kama. Ang tanong, patay na ba talaga siya? Baka naman nakatulog lang. Pero may dugo e'.
Nalipat ang tingin ko sa lalaking naglalakad papalapit sa'kin. Kada rinig ko ng yapak ng kaniyang sapatos sa sahig ay hindi mapigilang magwala ng buong sistema ko.
Nang tingalain ko ang lalaking iyon ay para akong matutunaw sa paraan ng pagtitig niya sa'kin. Diretso lamang siyang nakatingin sa aking mga mata habang dahan-dahang naglalakad papalapit sa'kin.
Nang tumigil siya at tutulungan na sana niya akong makatayo ngunit napatigil siya ng makita ang malaking sugat sa kanang palad ko.
Tiningnan ko ang palad ko at nanlalaking mata ko iyong tiningnan habang nagtutubig na ang aking mga mata dahil bumabalik na naman ang mga pangyayari noon.
Wala sa sarili akong umiling-iling habang bumubulong. "Hindi…" bulong ko. "Tulong."
Bumalik ako sa ulirat ng may palad na dumampi sa ulunan ko. Nang tingalain ko iyon ay nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Senyor Xavier. Pinakawalan ko na ang malakas na hikbi habang nakatitig ako sa kaniya. Para akong batang umiiyak sa harap ng Ama ko.
"Shhh…" pang-aalo niya sa'kin bago punasan ang mga luhang pumapatak sa pisngi ko. Lumuhod naman siya sa harapan ko upang hindi na ako mahirapan pang tumingala. "Ayos na, hindi ka na niya masasaktan. Nandito na 'ko."
"S-Senyor Xavier," humihikbi kong tawag sa kaniya.
"Shhh, 'wag ka nang umiyak, ito na ang huling araw na makikita mo siya. Pangako 'yan." Seryoso niyang wika bago hawakan at titigan ang sugat sa palad ko.
Hinawakan niya ako sa balikat upang makatayo mula sa pagkakaupo. Umagaw naman sa atensyon namin ang lalaking pumasok din sa kusina. Nanlaki ang mga mata ni Ginoong David ng makita si Senyor Mier na nakabulagta sa sahig habang naliligo sa dugo nito.
"A-Anong—"
Hindi na niya natapos ang sasabihin ng putulin siya ni Senyor Xavier. "Itapon mo ang bangkay ng Senyor na iyan, siguraduhin mong walang makakakita ng bangkay niya." Utos nito sa malamig na tono ng boses habang nakatingin sa'kin. Iniiwas ko naman ang tingin ko at tiningnan si Ginoong David.
Ngumiti naman siya ng tipid sa akin. "Ngunit nandiyan pa sa labas ang kaniyang pinagkakatiwalaan." Sambit ni David habang nag-aalalang nakatingin sa'kin.
"Gumawa ka nang paraan upang maitapon mo sa ibang lugar ang bangkay na iyan ng walang nakakaalam. Kung kailangan mong kumuha ng katulong, kumuha ka. Ako nang bahala sa kaniya pagkatapos ka nilang tulungan." Seryosong utos ni Senyor bago ako alalayang maglakad.
Nang mapatapat kami sa pinto ng kusina ay tumabi naman sa gilid si Ginoong David bago muling nagwika si Senyor Xavier. "Ang gusto ko lang mawala na sa lugar na ito ang Senyor na 'yan. Kung kailangan mong ipakain sa mga mababangis na hayop, gawin mo. Ang mga katulad niyang asal hayop ay dapat lamang ipakain sa kapwa niya hayop."
Pagkatapos ng kaniyang litanya ay hinila na niya ako sa kaliwa kong palapulsuhan upang makalabas ng kusina.
Sinundan ko na lamang siya hanggang sa matapat kami sa kaniyang opisina. Kaniya itong binuksan at pumasok kami roon. Walang imik niya akong pinaupo sa nag-iisang upuan doon.
Mayroon siyang kinuha sa itaas ng mga libro. Kung hindi ako nagkakamali iyon ay lagayan ng mga paunang-lunas. Nang kaniya na itong makuha ay binalikan niya ako.
BINABASA MO ANG
The Past And Future (Nagpapatuloy)
Historical FictionSi Kayen ay isang simpleng babae lamang. Bumalik siya sa kanilang probinsya pagkatapos ng pagtatapos ng kaniyang relasyon sa ex-boyfriend niyang cheater. Hindi niya aakalain na mag-iiba ang kaniyang buhay sa pagbabalik sa probinsya. Magbago rin kay...