Atalanta: The Goddess of Time

19 1 2
                                    

"Hindi ka talaga nakakaintindi!" Sigaw ni Mama habang marahas akong hinihila papasok ng bahay. "Ano? Balak mo pang makipagtanan sa kanya kanina?"

"Hindi po," tanging nasabi ko lang sa gitna ng hagulgol ko. Umakyat kami ng hagdan at halos madapa ako sa paghila ni mama.

"Niloko mo kami ng Papa mo! Ang sabi mo, pupunta ka kila Joy. Pero ano? Dun ka kay Kent pumunta. Tapos maabutan namin kayo sa terminal ng bus kanina? Tapos sasabihin mo sa akin ngayon na wala kayong balak magtanan? Niloloko mo nanaman ako!" Sigaw ni Mama. Tuluyan na kaming nakaakyat ng bahay at wala akong ginawa kundi ang umiyak ng umiyak.

"Mama," hagulgol ko. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Ang dami ko gustong sabihin pero hindi ko alam kung paano sisimulan o kung ano ang dapat kong sabihin. Parang nanghihina na rin ako sa mga nangyayari.

"Matigas ka, ah. Gagawa at gagawa kayo ng paraan para magkita talaga kayo? Magsisinungaling ka sa akin para magkita lang kayo? Hindi talaga siya nararapat sayo!" Tinulak niya ako papasok ng kwarto at muntik na akong matumba dahil sa bitaw niyang nagsisilbing kapit ko sa nanghihina kong tuhod.

Nanginginig ang mga kamay at tuhod ko sa panghihina. Nanginginig ang balikat ko sa hagulgol ko. Gusto kong magsalita pero tuluyan na akong nawalan ng lakas. Parang ang pagtangis lang ang kaya at alam kong gawin ngayon.

"Ngayon, magkulong ka jan. Wag kang lalabas hangga't di ko sinasabi. Hindi kayo magkikita ng lalaking 'yon kahit kailan. Naiintindihan mo? Kahit kailan!"

Nagsara ang pinto at naging madilim ang paligid. Hindi na ako nag-abala pang sindihin ang ilaw. Nanghihina akong napaupo sa sahig at sumandal sa kama.

Hindi na kami magkikita ni Kent? Hindi ko kaya 'yon. Hindi ko kaya. Kent, please, pumunta ka ngayon sa tabi ko. Umiiyak ako, Kent. Kailangan kita, Kent, punasan mo ang luha ko.

Lalo akong napaiyak. Baka hindi mangyari 'yon. Ako ang may kasalanan kung bakit kami nagkahiwalay kanina. Hindi ako sumama sa kanya at pinatawag ko ang mga magulang namin.

Tama naman ang ginawa ko diba? Tama dapat 'yon. Pero bakit parang maling-mali ngayong nandito na ako sa sitwasyong 'to? Bakit parang mali ang ginawa kong desisyon? Sa balang araw ko ba malalaman na tama ang desisyon ko? Kailan ang balang araw na 'yon? Hindi ba pwedeng pumunta na ako sa araw na 'yon?

Iniisip ko pa lang na baka matagal pa ang balang araw na 'yon, nanghihina na ako. Kakayanin ko ba ang ganon katagal? Pero miss na miss ko na si Kent gayong kakawalay lang namin sa isa't isa. Miss na miss ko na siya.

Napapunas ako ng luha saka yumuko sa may tuhod ko. Naramdaman agad ng tuhod ko ang mainit na tubig sa mukha ko.

Sana pala dinama ko na lahat habang nasa akin pa, habang nasa tabi ko pa. Sana pala sinulit ko bawat minuto, bawat segundo na kasama ko siya. Sana pala kinabisado ko yung pakiramdam nung kasama ko pa siya para pakiramdaman ko ulit lahat ng 'yon ngayon. Sana... Kung maibabalik ko lang oras. Kung maihihinto ko lang yung oras nung huling sandali namin. Kung mapapabilis ko lang yung oras papunta sa balang araw kung saan, okay na ulit kami at nalagpasan na namin lahat.

Sinandal ko ang ulo ko sa kama. Sinara ko ang mata ko hanggang sa naramdaman kong tumigil ang luha ko sa pagtulo. Kumalma na rin ang paghinga ko. Ang mabigat at magulo kong utak kanina ay parang naginhawaan ngayon.

Unti-unti ay parang may lumilitaw na liwanag sa nakapikit kong mata. Nung una ay hindi ko pinansin at nanatili akong nakapikit. Pero di nagtagal ay tuluyan nang sumilay ang liwanag. Nakakasilaw kahit nakapikit ang aking mga mata.

Nakakasilaw man, sinubukan ko pa ring buksan ang mga mata ko. Mahirap at masakit nung una, pero hindi nagtagal ay nasanay rin ang mata ko. Wala akong makita kundi purong liwanag lang. Naramdaman ko rin ang sarili kong nakatayo pero walang inaapakan. Walang inaapakan pero hindi naman lumilipad. Simple lang, nakatayo, nakatitig sa nakakasilaw na kawalan. Nakakasilaw pero hindi masakit sa mata.

"Les souhaits, Via." Tinig ng isang maganda at mahinhin na boses sa gitna ng kawalan.

Lumingon ako sa paligid pero tanging ang liwanag lang talaga ang nakikita ko.

"C'est moi, Atalanta, Goddess of Time." Sabi pa niya. "Je vous ai entendu pleurer." Patuloy nito. Alam ko na ibang lenggwahe ang sinasabi niya. Pero hindi ko alam kung bakit naiintindihan ko siya.

"Naririnig mo akong umiyak?" Tanong ko sa kawalan.

"C'est vrai," she answered. Sa gitna ng liwanag ay nakakapansin ako ng pigura ng isang napakagandang diyosa. Puro rin siya liwanag pero nakikita ko siya.

Napaatras ako pero parang wala namang nangyari. Ganun pa rin ang distansya namin.

"Wag kang matakot..." Aniya. Napakalambot ng boses niya. "Isa akong kaibigan at handa akong tulungan ka." Ngumiti siya sa akin. Sa ngiti niyang 'yon ay agad akong nakaramdam na mapagkakatiwalaan ko siya.

"Anong klaseng tulong?" Tanong ko.

"Hahayaan kong hawakan mo ang oras. Hahayaan kita kung paano mo gustong patakbuhin ang oras." Mahinhin niyang sinabi. Maganda sa tenga ang tinig niya.

"Talaga?"

"Oo, Via. Pero may kailangan akong ibilin sayo." Wika niya.

Bahagyang nag iba ang tono ng boses niya na siyang nagpakaba sa akin. Ano naman ang ibibilin niya? Ito ba ang kapalit ng pagtulong niya sa akin?


"Simple lang ang ibibilin ko. Kung babalik ka sa nakaraan ay wag kang magbabago ng mga desisyong maaaring makapagpabago sa kasalukuyan..."

Then everything went black again. Minulat ko ang nakapikit kong mga mata at nakita ko ang madilim kong kwarto. Mukhang malalim na ang gabi. Ramdam ko ang sakit ng batok ko dahil nakaupo lang ako sa sahig at nakasandal ang ulo ko sa kama.

"Simple lang ang ibibilin ko. Kung babalik ka sa nakaraan ay wag kang magbabago ng mga desisyong maaaring makapagpabago sa kasalukuyan..."

Biglang sumagi ang boses sa utak ko. Oo nga pala, nanaginip ako. Pero ano na nga ba ang panaginip kong 'yon? Di ko na maalala.

The Time ManagerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon