Napakabigat ng aura sa buong bahay. Tanging ang ilaw lang dito sa dining ang nakasindi kaya madilim sa paligid. Dito lang sa pwesto namin ang maliwanag. Idagdag pa sa tensyon ang kalagayan ko ngayon: nakaupo sa dining, kaharap si Papa na nakaupo, katabi si Mama na nakatayo sa tabi niya at si Kuya naman ay nakasandal lang sa may pader sa may tabi. Seryoso lahat sila.
"Sino yung lalaking yun, Via?" Tanong ni Mama.
Nanatili akong nakayuko at mahinang tumugon. "Kaibigan ko po."
"Kaibigan? Binigyan ka niya ng bulaklak, hinarana ka sa malalim na gabi, tapos kaibigan lang?"
Nanatili lang akong nakayuko sa sinabi ni mama. Hindi ako nagsalita. Tinignan ko lang ang mga daliri ko.
"Via, alam mo rules natin dito. Bawal ka pang mag-boyfriend. Mag aral ka muna. Priority mo ang pag aaral at hindi boyfriend, okay?" Napatango na lang ako. "Maganda ang standings mo sa school. Ayaw kong masira yun dahil sa kanya."
Agad akong napatingin kay mama nang banggitin niya ang standings ko. Hindi pa rin ba siya sang-ayon sa amin ni Kent kahit na mataas ang marka ko?
"Hindi po makakaabala sa pag-aaral ko si Kent," sagot ko.
"Distraction lang siya, Via. Mapapabayaan mo ang pag-aaral mo dahil sa kanya." Sabi ni Mama.
"Hindi ko po pababayaan ang pag-aaral ko. Please, Mama. Bigyan mo kami ng chance. Pagbubutihin ko po lalo sa school." Pagmamakaawa ko. Kailangan kong ipaglaban si Kent. Kaya ko namang gawin lahat ng sinasabi ko dahil may sandata ako.
"Hindi, Via. Makakapaghintay yang si Kent. Bawal ka munang mag-boyfriend, naiintindihan mo?"
Napatunganga na lang ako. May mga sinabi rin si Papa pero hindi ko na nasundan pa. Kulang pa rin ba ang ginagawa ko?
"Ang hinihiling lang namin ng mama mo ay huwag ka munang mag-boyfriend. Makakapaghintay yan. Ngayon, kung natapos kayo sa pag aaral at gusto niyo talaga ang isa't isa, pababayaan na namin kayo." Sabi ni Papa. Wala na akong pinakinggan pa sa mga sinabi nila.
Hindi ko naman kasi mapapabayaan ang pag aaral ko. Bakit ba ayaw nila akong pagkatiwalaan? Alam ko magagawa ko ang mga sinasabi ko. At isa pa, hindi distraction si Kent. Kung tutuusin ay siya pa nga ang inspirasyon ko sa lahat ng ginagawa ko. Siya ang dahilan bakit matataas ang mga marka ko.
Kinabukasan ay matamlay akong pumasok ng school. Di ko pa rin makalimutan ang kagabi. Dapat yung pagkanta na lang ni Kent ang inaalala ko pero hindi talaga maialis sa isip ko sila Mama. Bakit nakuha pa nilang tumutol? Kulang pa ba ang pagpapatunay ko? Pwes sige. Patutunayan ko talaga na hindi distraction si Kent, hindi ko mapapabayaan ang pag aaral ko at lalo kong pagbubutihin.
"Katamlay mo, Via? Anyare?" Tanong ni Joy sa akin habang kumakain kami. Napatingin tuloy sa akin si Kent.
"Wala," nagpatuloy ako sa pagkain.
Ramdam ko ang pagmamasid sa akin ni Kent habang kumakain siya. Pilit nila akong sinasali sa usapan pero hirap kong masundan.
Dismissal na. Naglalakad kami ngayon ni Kent pauwi.
"Ang tahimik mo nga ngayon, Via. May problema ba? Pinagalitan ka ba kagabi dahil sa akin?" Panimula ni Kent.
"Hindi naman. Tungkol nga pala sa sinabi mo kagabi..."
"Ayos lang, Via. Hindi kita mamadaliin. Nasabi sa akin ni Joy na strict daw ang parents mo. Kaya kong maghintay, Via." Sabi ni Kent. Natouch talaga ako sa sinabi niya. Napakabait niya. Hindi ko siya kayang biguin.
BINABASA MO ANG
The Time Manager
FantasíaHumiling ka na ba na sana bumalik ka sa nakaraan para mabalikan ang mga alaalang alam mong hindi na mangyayari pa? O para itama ang mga pagkakamaling nagawa mo noon? Naranasan mo na bang maisip na sana bumagal o huminto ang oras dahil ayaw mo pang m...