"Tulad ng mga nauna, ang iyong pagmamahal ay isa lang din pa lang pansamantala. Na nag-iwan ng sakit at ala ala na hindi na mabura."
Sa biglaan ang iyong pagdating, inasahan ko na rin ang biglaan mong pag-alis. Ganito ba talaga ang pag-ibig? Hindi ko alam kung bakit nabigla pa rin ako sayong pamamaalam. Hindi pa rin ako naging handa sa sakit na dulot ng iyong paglisan.
Marahil dahil hindi ko maunawaan kung saan ako nagsimulang magkamali? Kung sumobra ba ako o nagkulang? Kung hindi ko ba napunan ang puwang? Kung ninais mo ba talaga ako o napilitan ka lang? Bakit biglaan mo akong iniwan? Hindi ko maintindihan, bakit mo pa sinubukan? Bakit mo sinimulan? Bakit mo pa ako hinayaan — Na mahalin ka at alagaan, kung hindi ka pa pala talaga handang magmahal.
Masakit pala talaga kapag ikaw yung naiwan. Masakit kapag ikaw yung nanatili. Masakit kapag naghihintay ka sa isang bagay na walang kasiguraduhan. Masakit yung paalam na hindi mo alam kung bakit kailangan. Masakit bumitaw sa mga alaala na akala mo'y madadagdagan ngunit naputol na walang paliwanag. Masakit ang bumitaw lalo na't hindi mo alam ang dahilan ng biglaan niyang paglisan. Masakit ang magpatuloy lalo na't bahagi na siya ng mga plano mo sa buhay. Masakit maiwan na maraming tanong na hindi mo alam ang kasagutan. Mahirap maiwan, lalo na't hindi mo alam kung saan ka magsisimula.
Dahil hindi mo naman alam kung saan natapos. Hindi mo alam kung paano ka makakabangon, dahil hindi mo alam kung kailan ka nalugmok. Hindi mo alam kung paano ka ulit magmamahal, dahil nabigay mo na lahat. Mahirap ang maiwan sa lugar na minsan niyong naging tahanan. Sa lugar na bumuo kayo ng maraming alaala. Sa lugar na may pangako kayong dalawa. Mahirap kapag ikaw na lang ang nananatili. Kapag sa'yo naiwan ang alaala niyong ayaw kang patahimikin. Para kang sinasakal sa tuwing ililibot mo ang paningin. Sapagkat kahit wala na siya, nakikita mo pa rin kung gaano kayo noon kasaya.
Hindi ko maiiwasang magtanong ng paulit-ulit. Kung saan ka nagkamali? Bakit hindi na siya nagparamdam muli? Bakit hindi siya nanatili?
![](https://img.wattpad.com/cover/181255102-288-k542635.jpg)
BINABASA MO ANG
Unspoken Rules
Poesía❝Hayaan n'yo ang mga salita ang magbigay diin sa damdamin ng mga akda ko.❞