Kabanata 1

74.5K 1K 191
                                    

Kabanata 1

Rabiah


"TANGA!"

Napasinghap ako nang lumipad ang mabigat na palad ni Mama sa aking pisngi dala ng matinding galit niya. Hindi kaagad ako nakabawi kaya kinuha niya ang pagkakataon para hawakan ang buhok ko malapit sa anit saka siya nanggagalaiting nagpatuloy.

"Apo na ni Don Paulo 'yon, hindi mo tinanggap?!" Umismid siya. "Ano ba ang akala mo sa sarili mo, Biah? Hoy! Maswerte ka na ngang nagkagusto 'yong si Dariuz sa'yo! Mayaman 'yon! Bobo!"

Napangiwi ako nang pabalang niyang binitiwan ang buhok ko. Natatawa namang nagbulungan ang mga kumare niyang kalaro ng majong. 

Kaninang umaga pa sila rito. Malaki na rin panigurado ang naipatalo ni Mama ngunit kilala ko siya. Imbes na umuwi at magluto ng hapunan ay siguradong dito na naman siya aabutin ng dilim.

"Bakit mo naman kasi itinaboy, Biah? Gwapo naman si Dariuz? Tatakbo pa nga raw 'yon sa pulitika." Ibinuga ni Ninang Joyce ang usok ng kanyang sigarilyo. "Tiba-tiba ka na ro'n."

Umismid si Mama. "Eh, bobo 'yan, eh. Hindi ko alam kung bakit ganyan ang utak niyan at kung bakit nag-aaksaya pa ng oras pumasok sa eskwela hindi naman marunong mag-isip." Inirapan ako ni Mama. "Kapag ikaw nabuntis ng mukhang kriminal na puno ng tattoo tapos tinakbuhan ka, huwag kang iiyak-iyak!"

Iniyuko ko na nang tuluyan ang aking ulo. Sanay na ako. Sanay na sanay na akong makarinig ng panlalait at masasakit na salita mula sa sarili kong ina. Pero hindi naman dahil sanay ka na, hindi ka na pwedeng masaktan.

"Lumayas ka na nga sa harap ko bago kita sipain! Kaarte, tanga naman!" hindi pa rin matigil na asik ni Mama. Kulang na lang yata ay ingudngod niya ako sa mesa sa sobrang inis niya.

"Hoy, Lita. Huwag ka namang masyadong salbahe sa panganay mo. Kapag talo na sa sugal, umuwi na hindi 'yong ibubunton mo sa anak mo ang inis mo," sita ni Ninang Joyce. 

"Ay, naku Joyce kaya lumalaking sutil 'yang inaanak mo. Kunsintidor ka kasi. Saka anong talo? Hoy! Mas malaki pa ang nakabig ko kaysa sa'yo, ano!"

Bumuntonghininga na lamang ako nang sumenyas si Ninang Joyce na iwanan ko na roon si Mama. Minsan naiisip ko tuloy, mas mahal pa ako ni Ninang. 

Kapag wala akong baon dahil hindi naman suportado ni Mama ang pag-aaral ko, hihingi siya ng bente pesos kay Ninong at kunwari itataya sa jueteng pero ang totoo ay ibibigay sa akin nang hindi naman ako nakatunganga tuwing recess. Kapag naman ganito na ipinapahiya ako ni Mama at hindi na niya matiis, gumagawa na siya ng paraan para agawin ang atensyon ni Mama nang mailigtas ako.

Binaybay ko ang makipot na eskinita pauwi sa amin. Nadatnan ko naman sa maliit naming bahay ang pitong taong gulang kong nakababatang kapatid na si Efren. Buhat niya ang bunsong si Lovely na kinakagat na ang daliri sa sobrang gutom. Nasa harap ang dalawa ng kalan kung saan nakasalang ang kaldero.

"Efren!" tawag ko. Lumapit ako sa kanya at kinuha si Lovely. "Anong ginagawa mo? Mamaya mapaso ka."

"Kukuha ako ng am, ate. Nagugutom na si Lovely, eh," sagot niya.

I sighed. "Alisin mo na 'yang headband mo. Mamaya biglang dumating si Papa lagot ka na naman."

"Hindi pa uuwi 'yon. Sahod, 'di ba? Sigurado mag-iinom pa 'yon."

Kung sabagay. 

Inilibot ko ang tingin sa maliit naming bahay. "Nasaan si Jerome?" tanong ko na ang tinutukoy ay ang kapatid kong sumunod sa akin.

"Bumili ng noodles at tuyo, ate."

Tumango ako bago ko kinuha ang feeding bottle ni Lovely. Kinuha ko rin ang sandok na hawak ni Efren at nagsalin ng am sa bote bago ko iyon inilubog sa tabo na may tubig nang mabilis na lumamig. Hindi naman nagtagal ay bumalik na rin ang kapatid kong si Jerome dala ang binili niya sa tindahan.

VALENTINO SERIES 1: Enslaved By His TouchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon