Kabanata 4

40.5K 589 40
                                    

Kabanata 4

Rabiah

"Ate, bakit tayo magluluto ng lumpiang gulay?" tanong ni Jerome noong isinama kong mamalengke. 

"Kasi hindi na magtitinda sina Manang Ging. Eh, pampakalma ni Kuya Russia ang tinda kong lumpiang gulay kaya kahit kaunti, magluto tayo. Ititinda ko naman. Hindi naman libre."

Tumango ang kapatid ko. "Dito tayo bumili ng gulay, ate. Mas mura. Pilian na lang."

"Sige."

Bumuntot ako kay Jerome patungo sa stall na tinutukoy niya. Nakipagtawaran pa siya sa tindera nang makamura kami nang husto. Nang magkasundo sa presyo ay isa-isa naming pinili ni Jerome ang mga kukuning gulay bago kami bumili ng gagamitin sa suka.

"Sigurado ka bang alam mo paano gumawa ng lumpiang gulay, ate?" salubong ang mga kilay na tanong ni Jerome habang buhat ang mga pinamili. Ultimo supot ng sibuyas ay hindi na ipinahawak sa akin. Itong kapatid ko talaga.

"Oo naman. Napapanood ko si Manang Ging minsan kapag maaga akong nagpupunta ro'n--"

"Hi, Biah. Ang ganda-ganda mo talaga," bati ng lalakeng nakasalubong namin.

Pilit lang akong ngumiti. Sinamaan naman ni Jerome ng tingin saka niya ako hinatak na patungo sa sakayan ng tricycle pauwi sa amin. 

"Huwag mong ngitian 'yon, ate. Tatlo na panganay no'n saka lagi na lang napapaaway," aniya.

Alam ko naman. Hindi ko lang alam kung paano ako magre-react kanina. Baka kung sungitan ko ay mapaaway pa kami ni Jerome.

Hindi na lang ako umimik. Pinapasok ako ni Jerome sa loob bago siya sumakay ng tricycle. Nagpahatid kami hanggang sa kanto ng eskinita namin at nilakad na lang hanggang bahay. 

Syempre, si Efren na naman ang naiwan kay Lovely at maaga na namang lumayas si Mama para magsugal. Sanay na kami. Hindi naman kami makapagreklamo dahil kung boboses, sapok at gulpi ang abot kay Mama.

"Anong nangyari diyan kay Lovely?" tanong ko nang maabutang umiiyak ang bunso naming kapatid.

"Eh, kasi humabol kay Mama, ate. Napalo tuloy," sagot ni Efren.

Bumuntonghininga ako nang manikip ang dibdib. Kawawa naman si Lovely. Ang liit pa. Kailangan pa ng kalinga ni Mama, pero ano bang maaasahan namin kay Mama? Wala naman siyang inalagaan nang maayos sa aming apat.

Binuhat ko na lang si Lovely at pinasandal sa balikat ko. "Tahan ka na. Nandito na ang ate."

Sumikip lalo ang dibdib ko nang kagatin ni Lovely ang hintuturo niya kasabay ng sunod-sunod na paghikbi. Tumayo naman si Efren at lumapit sa mesa para tumulong kay Jerome sa paghihiwa ng mga gulay. 

Pinatahan ko na muna si Lovely bago ko inilapag sa crib na pinagpasa-pasahan na naming magkakapatid. Ilang beses na rin namin 'tong ini-repair para lang hindi bumigay kaya nag-iipon din ako para mabilihan si Lovely ng bago. Kahit iyong mura lang sana dahil malikot na siya. Baka mamaya ay bumigay na ang kahoy nito. Kawawa naman kung masugat pa.

"Kami na dito, ate. Ikaw na lang magbalot mamaya pagkatapos mong mailuto," ani Efren.

Hinaplos ko siya sa buhok. "Thank you sa inyong dalawa. Hindi man tayo swerte kina Mama, swerte naman si ate sa inyo."

Napangiti sila bago nagbiro si Jerome. "Aga naman maglambing, 'te hindi bagay sa'tin."

Natawa kaming tatlo. Umiling-iling na lamang din ako saka na naghimay ng wrapper. Nagkwentuhan naman kami tungkol sa mga bagay na gagawin namin oras na makapagtapos kami ng pag-aaral.

VALENTINO SERIES 1: Enslaved By His TouchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon