JAPAYUKI
PART 7
Maayos ang patakaran sa Japan, iyon nga lang, sobrang hirap. At kahit papaano, napapangiti kami ng mga pulis sa tuwing mag-e-ehersisyo kami. Nagpapaturo kasi sila ng exercise na sinasayaw namin.
Dumating iyong oras na biglang may sumundo sa amin na taga-immigration.
"Sa wakas, makakalabas na kami."
Nakangiti kaming palabas ng kulungan. Ngunit saglitaan lang iyon. Dahil nakita ko iyong mga nakasama ko sa ibang club na makukulong. Kaya iyong ngiti ko sa labi, napalitaan iyon ng lungkot at awa.
Nailabas na kami, dahil tapos na ang imbestigasyon. Dinala kami sa immigration, at nagtagal kami doon ng tatlong araw. Medyo maayos na ang sitwasyon namin habang nasa immigration kami. Nakakapanood na kami ng palabas, ngunit, nakakulong pa rin. Hinihintay pa kasi namin ang ticket na pauwi ng Pilipinas.
Ibinigay ng amo namin ang natitirang sahod namin. Iyon nga lang, may kaltas na tax. Kami rin ang bumili ng ticket namin. Akala ko ay sagot na ng may-ari iyon o nang immigration. Hindi pala.
"Wala nang natira..."
Bago kami makauwi ng Pilipinas. Nakaposas pa rin kami hanggang makarating sa airport - mayroon kaming escort n'on. Hindi rin kami isinasama sa pila, hindi rin namin hawak ang pasaporte namin. Wala kaming bitbit, kung hindi ang mga sarili lang namin.
Sabi sa amin, dadaan muna kami sa Korea.
"Siguro naman malaya na tayong kumilos kapag naroon tayo." Sabi ng isa kong kasama.
Ngunit, hindi kami naging malaya. Kahit saan kami magpunta, mayroon kaming escort. Pagdating ng Korea, huli kaming pinalabas ng eroplano. Iyon pala, dadalhin kami sa isang opisina doon. May mga nakita ako na katulad naming mga Pinay. Galing din sa ibang bansa.
Hindi ko alam kung ano ang naging kaso nila. Kami, kaya kami pinadeport sa Japan, dahil hindi nasunod iyong sa kontrata na bawal tumable. May nakita akong isang babae na may call card.
"Para saan iyang call card mo, Miss?"
"Pang-international call ito. Heto ang ginagamit ko sa tuwing tatawag ako sa Pilipinas."
"Saan mo nabili iyan?"
"Dito lang sa office."
Pagkatapos ng usapan namin. Bumili ako at ilan kong mga kasama ng call card. Hindi ako nagdalawang isip, tinawagan ko agad ang asawa ko.
"Hello..."
"Hello..."
"Sino 'to?"
"Pa... A-ako ito."
Naramdaman kong ang pagkagulat sa boses niya. Hanggang sa marinig ko ang hikbi ng iyak niya sa phone. Wala akong naiintindihan sa mga sinasabi niya. Tanging hikbi lang talaga ang naririnig ko.
"Pa, mamaya ka na umiyak. Intindihin mo muna ako... Saglit lang itong card na gamit ko. Uuwi na kami, Pa. Eleven in the evening nariyan na kami. Kaya dapat alas diyes 'medya nasa airport ka na. Huwag mo muna isama si Mama. Ayokong Makita siyang iiyak sa akin."
"Oo, Ma. Oo." Hindi ko alam kung naiintindihan ba niya ako. Dahil oo lang siya ng oo.
Naubos na ang pantawag ko. Medyo nakahinga ako ng maluwag at nakangiti, pagkatapos kong makausap ang asawa ko. Sa kabila ng ginawa kong pang-iiwan sa kanya. Nariyan siya at dinadamayan ako. Sa boses niya, nararamdaman ko na mahal na mahal niya ako.
"Gusto ko na sila - makita..." Kahit maraming tanong ang gumugulo sa isipan ko. Iwinaglit ko iyon, ayoko muna mag-isip, ang gusto ko, makita na ang pamilya ko. Ngunit, nasa puso ko pa rin ang pangamba, na baka mayroon nang iba ang asawa ko.
BINABASA MO ANG
JAPAYUKI (True-to-life-story)
Não FicçãoBased on true story of an Overseas Filipino Worker (OFW) in Japan.