AM I A REBOUND?

11 2 0
                                    

[ AM I A REBOUND? ]

“Omg, Madiiii!” nakakabinging tili ni Mia ang umagaw sa atensyon namin, habang kumakain sa cafeteria.

“Nakita mo naba ’to? For sure wala pa, bago lang, eh,” dagdag nito.

“Ano ba ’yan?”

Kita ko na sandaling natigilan ang bakla naming kaibigan matapos silipin ang cellphone ni Mia.

“Kung maka tili naman ’to, parang ’yan lang, eh!”

“Anong parang ’yan lang, gaga! Yvo Hozon, nag-comment sa profile picture ni Madi! Si Yvo ’yan!”

Nasamid ako nang marinig iyon mula kay Mia.

Mabilis kong inagaw ang cellphone nito at bahagya pang natigilan nang makitang totoo nga ang sinabi nito.

Yvo Hozon. Pangarap ng halos lahat ng babae dito sa school namin.

“Pretty.” mahinang basa ko sa comment nito.

Sobrang pagpipigil ang ginawa ko ’wag lang maparili dahil doon.

Hindi ko pinahalata sa dalawa kong kaibigan na may epekto ito sa’kin, pero nang makauwi ako ay halos maubusan ako ng boses katitili sa loob ng kwarto ko dahil doon.

Umusbong pa ang sayang nararamdaman ko matapos makatanggap ng message mula sa kaniya kinagabihan.

Simpleng good evening lang naman iyon pero dahil kay, Yvo, ito galing, iba ang tama no’n sa’kin.

Matagal na akong palihim na nagkakagusto sa kan’ya.

Dahil nga sa kilala ito mapa loob o labas man ng school namin ay nawalan na ako ng lakas ng loob para ipa-alam pa iyon sa iba.

“Aba, may pangiti-ngiti kapa d’yan, ah. Sino ’yan?"

Agad kong tinago ang cellphone ko nang biglang tumabi sakin si RJ.  Umakto pa itong nagtatampo bago ako talikuran.

Nasa bahay kami nila Mia, dahil birthday ng kapatid nito.

Ilang araw na rin kaming nagkakausap ni Yvo sa chat.

Niyayaya ako nitong lumabas ng kaming dalawa lang pero s’yempre hindi naman puwedeng mag-oo ako agad, baka magkaroon pa ito ng idea na may gusto ako sa kan’ya.

“Sa saturday, Madi, please? Hindi naman tayo magtatagal,” anito sa phone call isang gabi.

Nakikiusap na pumayag akong makipag kita sa kan’ya.

“Sige,” pinilit kong ’wag ipahalata ang tuwa ko nang sabihin iyon.

Sa mahigit isang linggo naming pag-uusap, nasanay na rin akong maghintay ng message galing sa kan’ya dahil alam kong kahit anong oras ay may darating talaga.

Hindi ito pumalyang batiin ako ng goodmorning sa umaga at goodnight bago matulog.

“Cookies and cream, please,” banggit ko sa flavor na gusto ko nang bumili ito ng milktea.

“Paborito mo?”

Tanong nito na s’yang agad ko namang pagtango.

“Pareho pala tayo,” nakangiting anito.

Matapos naming libutin ang halos lahat ng sulok ng mall ay agad na rin naman ako nitong hinatid gaya ng napag usapan.

Kung dati ay gusto ko na ito, pakiramdam ko pagkatapos ng lakad namin ay sobra-sobra ko na itong gusto.

Bukod kasi sa itsura, pati ugali nito ay maayos rin.

“Nag-date kayo ni Yvo?”

Muntik ko pang hampasin ng notebook ang bibig ni Mia, dahil sa lakas ng boses nito.

Tuloy ay nakuha namin ang atensyon ng iba naming mga kaklase na naroon sa classroom.

“Kasasabi ko lang na secret, Mia . . .”

Bulong ko kaya agad itong ngumisi at nag-peace sign.

Pagdating ng lunch break, magkakasama ulit kami nila Mia at RJ, sa cafeteria para kumain.

Biglang huminto sa lalamunan ko ’yung pagkaing lulunukin ko na sana nang sa ’di inaasahan ay natanaw ko si Yvo, papasok sa cafeteria kasama ang leader ng chearing squad ng school namin.

Hindi lang basta kasama.

Naka akbay pa ito kay Bianca, habang nagtatawanan.

Agad akong napa inom dahil doon. Pilit kong iniwas ang paningin sa kanila pero hindi ko magawa.

“Akala ko ba nagde-date na kayo ni Yvo? Bakit kasama n’ya si Bianca?”

Nagtatakang tanong ni Mia, na s’yang naging hudyat upang tuluyang malaglag ang mga luha ko.

Sobrang bigat ng pakiramdam ko ng araw na ’yon.

Nahalata naman iyon ng mga kaibigan ko kaya hindi na nila ako kinulit pang magkwento.

Nang maka-uwi ako ay minu-minuto kung tingnan ko ang cellphone ko, nagbabakasakaling may message na si Yvo, pero ni isa ay wala akong natanggap.

Masakit ’yun para sa’kin kasi ipinaramdam n’yang interesado s’ya sa’kin.

Sinanay n’ya ako na kausap s’ya ng ilang linggo, tapos bigla na lang paggising ko wala na.

Na parang walang nangyare. Na parang hindi s’ya ang unang nagbigay ng motibo makausap lang ako.

Dahil doon hindi ko maiwasang ikumpara ang sarili ko kay Bianca.

At ang mas masakit, sobra akong nanliliit sa sarili ko.

“Madi, sandali!”

Nagulat ako isang hapon nang pauwi ako ay bigla ako nitong tinawag.

Tahimik ko itong hinarap.

“I just wanted to say sorry,” panimula nito sa mahinang boses, halatang kabado at nahihiya.

Parang may kung anong bumara sa lalamunan ko kasabay nang agarang pamumuo ng luha sa mata.

“Para saan?”

Peke akong tumawa, tumingala saglit upang pigilan ang luha.

“Para sa biglaang pagsulpot sa buhay ko, pagpapakilala tapos bigla ring nawala?”

Hindi ko gustong manumbat pero parang yun lang ang magpapagaan ng pakiramdam ko.

“I am in a secret relationship with Bianca, before. Nakipag break s’ya sa’kin last month. Akala ko kaya ko s’yang kalimutan so I tried dating you, but after that, I realized I can’t afford losing her. I’m really sorry, Madi, but believe me. Naging masaya ako nung mga panahong kasama kita. You’re a great person and you deserve better.”

Seryosong pag-amin anito pero hindi ’yon naging dahilan para mawala ang sakit na nararamdaman ko.

“Nagkabalikan na kami at napag-usapan naming ’wag ng itago ang relasyon namin,”

Nag iwas ako ng tingin upang itago ang luhang tuluyang bumagsak.

Kung ganon, hindi naman pala talaga ito interesado sa’kin.

Ginawa n’ya lang ang lahat ng iyon sa kagustuhang makalimutan si Bianca.

Tumango ako bago nagpakawala ng mapait na ngiti.

“I understand, Yvo. Pero sana sa susunod ’wag ka nang gumamit ng ibang tao para lang may mapatunayan sa sarili mo, lalo na kung alam mong posibleng masaktan yung taong ’yon sa huli.”

Muli akong ngumiti sa huling pagkakataon bago ito talikuran.

Nagpakawala ako ng mabigat na paghinga at nang masigurong nakalayo na ako ay saka ko lang hinayaang bumagsak ng tuloy-tuloy ang mga luhang kanina pa pinipigil.

@Kwinpen Stories

 ONE SHOT STORIES Where stories live. Discover now