CEL 'N FRANCIS
Lahat tayo may pangarap sa buhay. At isa ako sa mga 'yon.
Pangarap kong makahanap ng taong magmamahal sa'kin at mamahalin ko habang buhay.
"Ang laki naman ng ngiti mo dito, mahal," turo ko sa wedding picture naming nasa photo album.
"Ang saya natin nang araw na'yan . . ." hindi ko maiwasang mapangiti habang inaalala ang araw na'yon.
"Oh, ba't naka simangot ka? Nag tatampo ka nanaman ba sa'kin?" tanong ko nang mapansin ang ekspresyon nito.
Mag-iisang linggo palang nang ikasal kami ni Francis. Agad na kaming bumukod para simulan ang sarili naming pamilya.
"Cel! Buksan mo 'tong pinto!" rinig kong sigaw ni mama mula sa labas habang malakas na kumakatok.
Agad akong tumayo upang siguraduhin na hindi ito makakapasok.
"Ma, umalis ka na! Marami pa akong gagawin! Wala akong oras sa mga sasabihin mo!" inis kong sigaw pabalik.
Siniguro kong naka sara lahat ng bintana at naka harang ang makakapal na kurtina, gano'n din ang pintuan. Ayokong marinig ang sasabihin nila dahil alam kong wala naman iyong katotohanan.
"Anak, nakikiusap ako . . . buksan mo na 'to bago pa dumating ang pamilya ni Francis!" halatang umiiyak ito sa boses n'ya. Gano'n paman ay hindi ako nagpadala.
"Masaya na kami, Ma! Please, hayaan n'yo na lang kami!"
Matapos ang ilang sandaling pagtatalo ay tuluyan ko na itong hindi narinig sa labas.
"Pasensya ka na, mahal, ang kulit lang talaga ni mama . . ."
Inayos ko ang pagkakaupo nito bago alisin ang mga litratong nasa lamesa.
Nagsimula akong maghanda ng hapunan upang maka kain na ito.
"Ayan! Niluto ko ang paborito mong adobo. Kain kana!"
Hindi ko maiwasang malungkot nang hindi man lang ito gumalaw upang magsimulang kumain.
"Nag tatampo ka parin ba?" tanong ko.
Hindi parin ito sumagot kaya inasikaso ko na ang pagkain upang subuan siya.
Mahal na mahal ko ang asawa ko at hangga't kaya ko ay hindi ko hahayaang magkalayo kami. Kahit pa pinipilit iyon ng pamilya namin.
"Gusto mo bang maligo muna?" maya-maya'y tanong ko matapos tanggihan ang pagpapakain ko sa kan'ya.
Bago pa ito maka sagot ay inakay ko na ito papuntang cr upang paliguan. Kahit kailan ay hindi ako mapapagod pagsilbihan siya. Kahit yun na lang ang gawin ko habang buhay ay hindi ako magrereklamo makasama ko lang siya.
"Mahal na mahal kita, Francis . . . at alam ko ring mahal mo ako. Walang makakapag hiwalay sa'tin, pangako."
Hindi man siya sumagot, patuloy ko parin itong kinakausap hanggang sa matapos ko itong paliguan.
"Cel! Lumabas ka d'yan! Tigilan mo na ang kahibangan mo at ilabas mo ang anak ko!"
Maya-maya'y rinig kong pagwawala ni Tita sa labas ng bahay namin.
Bigla akong nataranta. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin dahil ayon sa naririnig ko ay marami ang tao sa labas.
"Cel, Anak! Pakiusap buksan mo na ang pinto! Mag-usap tayo!"
Paulit-ulit lang nila akong tinatawag sa labas. Naghahalo-halo ang mga boses nila sa utak ko dahilan upang mapa sabunot ako sa sarili.
Hindi sila tumigil. Mas lalong lumakas ang boses na naririnig ko dahilan upang mapa-upo ako sa sahig. Parang gusto ko ng bunutin ang buhok ko dahil sa sobrang dulot nitong sakit.
"Hindi! H-Hindi! L-Lumayo kayo sa'min!" habang sinasabunutan ang sarili ay paulit-ulit ko iyong sigaw.
Maya-maya'y nakarinig ako ng malakas na kalabog sa pinto. Hindi ko namalayan ang pagpasok ni Tita, mabilis na dinaluhan ang anak ngunit agad ko iyong pinigilan.
"Hindi mo pwedeng kunin ang asawa ko!" buong lakas kong sigaw.
"Baliw kana!" sigaw ni Tita, pilit ako nitong pinapaalis sa pagkakaharang ko sa katawan ng asawa kong naka ratay sa kama.
"A-Anak, tama na . . ." umiiyak na pakiusap ni mama.
"Mahal na mahal ko ang anak n'yo! Hindi ako papayag na ilayo n'yo s'ya sa'kin!"
"Pagmamahal paba 'yan, ha, Cel!?" buong lakas ako nitong tinulak dahilan upang tumama ang katawan ko sa malamig na sahig. "Tingnan mo nga ang anak ko! Kung talagang mahal mo s'ya, Cel, hahayaan mong magkaroon s'ya ng maayos na burol!" Sigaw ni Tita sa gitna ng paghagulgol nito dahilan upang matahimik ako.
Dahan-dahan kong liningon ang asawa kong nasa kama. Biglang bumalik sa alaala ko ang mga nangyare.
Galing ito sa trabaho ng mabiktima ito ng holdap. Nanlaban ito dahilan upang mabaril s'ya, ayon sa mga pulis.
Wala sa sarili akong napa hagulgol. Akala ko magkakaroon na kami ng masayang buhay. Ayon na, eh. Nasimulan na namin yung pangarap namin pero ilang araw lang pala.
"F-Francis . . ." pagtawag ko sa pangalan nito bago gumapang papunta sa kan'ya.
"Sigurado akong mahal na mahal ka rin ng anak ko, Cel . . . Sigurado akong ayaw n'ya ring malayo sa'yo pero kailangan mong tanggapin na wala na s'ya. Palayain mo na ang anak ko." umiiyak na ani Tita.
Matapos marinig iyon ay s'ya ring pagyakap ko sa malamig na katawan ni Francis habang humahagulgol.
Agad kong naramdaman ang kamay ni mama sa likod ko. Maging s'ya ay umiiyak narin.
"B-Bakit mo'ko iniwan? Nangako ka sa harap ng d-d'yos na magkasama tayong tatanda . . P-paano na'ko ngayon?" paulit-ulit ko lang iyon tinatanong sa gitna ng paghagulgol
"K-kung alam ko lang na mangyayare 'yon ng araw na'yon . . . s-sana . . . s-sana hindi na lang ako pumayag na umalis ka ng bahay . . ."
"Alam mo ba kung bakit nanlaban ang anak ko, Cel?" ani Tita dahilan upang dahan-dahan akong mapa harap sa kaniya.
Naglahad ito ng maliit at kulay pulang kahon na s'yang agad ko namang inabot.
Gano'n na lang ang panginginig ng kamay ko at mas lalong paninikip ng dibdib nang makita ang laman no'n.
Agad kong niyakap ang bagay na'yon kasabay ng muling paghagulgol.
"H-Hindi ka raw niya nabigyan ng magandang ingagement ring noon kaya nang araw na iyon matapos n'yang matanggap ang sweldo n'ya ay ibinili ka n'ya ng pangarap mong singsing . . ." ani Tita sa gitna ng paghikbi..
--
"Oh, babe, umiiyak ka ba?"
"Ang kapal naman ng m-mukha mong magtanong matapos mong piliing panoorin ang movie na'yan!" sagot ko sa boyfriend kong si Leo, habang humihikbi.
"Hindi ko naman alam na gan'yan pala kalala ang magiging epekto ng movie na'yan sa'yo," tumatawang aniya bago ako tulungang magpunas ng luha.
"Nakakaawa si Cel . . ." umiiyak paring saad ko.
"Shh. Movie lang 'yan, okay? Tahan na," anito habang hinahagod ang likod ko.
Siguro'y nagtataka na ang mga katabi namin sa sinehan.
"Ganyan ba talaga kayong mga babae 'pag nagmamahal? I mean, handa n'yong gawin lahat makasama lang ang taong mahal n'yo?" seryosong tanong nito.
Ngumiti ako bago sumandal sa balikat n'ya.
"Oo," walang pag-aalinlangan kong sagot. "Handa naming gawin lahat makasama lang ang taong mahal namin. Kahit minsan nasasaktan na kami, kinakaya parin naming tiisin. Kaya ikaw, wag mo'kong iiwan." may lungkot sa boses kong dagdag.
Mahirap ang magmahal. Mahirap dahil hindi mo alam ang mga pwedeng mangyari. Pero kung hindi ka susugal, hindi mo rin mararanasan ang sayang dulot ng pag-ibig.
Para kay Cel at Francis, gano'n man ang kinahinatnan ng pag-iibigan nila, sigurado akong naging masaya sila sa piling ng isa't isa.
- Tres Nosus
YOU ARE READING
ONE SHOT STORIES
FanfictionCOMPILATION OF MY ONE SHOT STORIES. ENJOY READING KWINS! © All Rights Reserved