Kabanata 8: Kasal at Pag-iisa
“SEÑORITA Lorainne, ang ganda-ganda mo talaga!” maligayang saad ni Ate Lessa. Siya ang nag-ayos sa akin dahil mamayang hapon na nga ang aming kasal.
“Ikaw talaga, Ate Lessa. Palagi mo na lamang akong pinupuri,” naiiling na saad ko. Ikinulong ng kanyang mga palad ang mukha ko.
Trahe de boda ang aking suot ngayon para sa aming kasal at talagang sinadyang pinagawa ito para sa akin. Dalawang linggo pa lamang ang nakalipas simula nang manirahan ako sa bahay ng mapapangasawa ko at itong wedding gown ko ay nauna pa ngang pinagawa.
Hindi ko ito naisukat pero kasyang-kasya pa rin sa akin. Maganda siya kahit medyo may kabigatan ang tela. Personal na pinuntahan pa ni Denbrill ang nag-iisa kong kaibigan para imbitahan sa araw na ito.
Kinakabahan ako sa katunayan, dahil natural na iyon talaga ang mararamdaman ng isang bride na ikakasal. Ilang minuto na nga lang ay matatapos na ang pagiging dalaga ko.
Wala rin naman akong mahanap na pagsisisi sa dibdib ko. Buong puso kong tinanggap ang kamay ni Denbrill Arkun Brilliantes. Hangad ko rin naman ang kaligayahan naming dalawa at sana’y magtagal kami.
“Eh, sa nagsasabi rin ako ng katotohanan, Señorita!” natatawang saad niya.
“Ikaw, Ate Lessa? Kailan ka naman ikakasal?” tanong ko.
“Naikuwento ko na sa ’yo ang kababata ko. Tingnan mo, ito ang singsing na palatandaan niya. Malapit na malapit na rin. Huwag kang mag-alala, Señorita. Imbitado kayo ng iyong magiging asawa.” Tila isa siyang bulate dahil sa paggalaw ng kanyang katawan at talaga namang kinilig siya.
***
Nang magsalita na ang pari na kami ay mag-asawa na ay itinaas ni Denbrill ang aking belo. Matiim niyang tinitigan ang mukha ko at ngumiti pa siya. Ginantihan ko naman iyon at sinapo pa niya ang pisngi ko. Bumaba ang isang kamay niya sa leeg ko na sakop din ang aking pisngi saka dahan-dahan na lumapit ang mukha niya sa akin.
Ipinikit ko ang mga mata ko at naghintay sa pagdampi ng labi niya. Mahigpit ang hawak ko sa bouquet nang maramdaman ko na ang mainit at malambot niyang mga labi. Namanhid ang batok ko at naramdaman ko rin ang init sa buong mukha ko.
Wala akong karanasan sa ganito dahil ito rin naman ang unang halik ko pero nang sandaling gumalaw ang labi niya ay nagawa kong gayahin iyon at pinagsaluhan namin ang tamis ng halik. Nag-uumapaw sa saya ang dibdib ko. Ang unang halik ko ay nakamit ko sa tamang oras at iyon ay nakalaan pala sa aking asawa.
***
Nagpalit ako ng simpleng puting bestida na may cape collar. Iyong handaan sa aming mansion ay iniwan namin para lamang makapunta sa puntod ng mga magulang ko. May dala kaming bulaklak at siya ang nagdala ng dalawang iyon. Kasi mahigpit niyang hinawakan ang kanang kamay ko.
“Nandito na tayo,” nakangiting sabi niya at bumitaw naman ako para umupo sa damuhan.
Tinanggal ko ang mga tuyong dahon na nahulog sa puntod ng mga magulang ko. Inilapag naman niya ang bulaklak.
“Kumusta po? Sigurado akong masaya naman po kayo riyan. Baka nga po ay nakangiti na kayo kasi nakita ninyo na ako na may kasamang guwapong lalaki,” ani ko at sinulyapan ko pa ang aking asawa. Nakataas ang sulok ng mga labi niya, dahil siguro sa narinig niyang sinabi ko na ‘guwapo’. “Na hindi lang po siya isang lalaki. Dahil ngayon nga po kami ikinasal. Mama, Papa, personal ko pong ipakikilala sa inyo ang asawa ko. Si Engineer Denbrill Arkus Brilliantes po,” pakilala ko at nakaramdam ako ng malamig na hangin na yumakap sa aking katawan. Humigpit ang kapit ko sa braso ni Denbrill dahil nanindig ang balahibo ko.
BINABASA MO ANG
The Love Story of Don Brill (COMPLETED)
Romance(BRILLIANTES SEQUEL) "It hurts to lose a loved one, but I have to accept the fate that her life will end here." Date started: January 24, 2024 Date finished: February 21, 2024