Kabanata 20: Bagong miyembro ng pamilya
NASA loob ako ng silid namin ng asawa ko at naghihintay lamang ako sa paglubog nang araw. Maraming taon na ang lumipas at sa mga panahon na iyon hanggang ngayon ay masaya naman ako.
Masayang-masaya ako dahil nagkaroon ako ng mabait at mapagmahal na asawa. Si Denbrill Arkun Brilliantes, mamahalin ko siya hanggang sa... Kahit saan man ako magpunta ay dadalhin ko pa rin ang alaala niya at ang pagmamahal niya sa akin.
Hindi naman ako mababahala na kapag iniwan ko siya nang mas maaga. Sapat na sa akin 46 years na nakasama ko siya...
Nasa early 50’s ako noong una kong maramdaman ang pananakit ng puso ko. Pananakit na hindi naman normal. Limang taon kong itinago iyon sa asawa ko at nalaman lang niya dahil minsan na akong sinugod sa hospital. Nagalit siya sa akin dahil hindi ko sinabi sa kanya ang tungkol doon. Ngunit hindi na rin ako nagpagamot pa dahil alam niyang mahina na ang katawan ko.
Hanggang sa nasuri na ako ng doktor at hindi ko alam kung paanong nagkaroon ng butas ang puso ko. Basta ang sabi lang ng mga doctor ay may taning na raw ang buhay ko. Naniniwala ako na ganoon na nga ang mangyayari sa akin pero alam kong lilipas pa ang maraming taon bago ko lisanin ang mundong ito. Siyam na taon pa ang itinagal ko.
Napatingin ako sa pintuan nang marinig ko ang tatlong beses na pagkatok at gumuhit ang matamis kong ngiti nang makita ko ang bunso kong anak.
Higit na nakuha niya ang mukha ng kanyang ama. Ganyan na ganyan ang hitsura nito noong 21 years old ko pa lamang nakilala ang asawa ko. Parang bumabalik lang ako sa kabataan namin.
“Pumasok ka, anak ko,” nakangiting sabi ko at naglakad naman siya palapit sa akin. Nasa tabi ako ng bintana at nakabukas ito. Nililipad ng hangin ang puting kurtina. “Dito ka sa tabi ko, Godfrey,” sabi ko pa at marahan kong tinapik ang upuan sa tabi ko.
Nang makaupo na siya ay niyakap ko ang braso niya at humilig sa balikat ng anak ko. Naramdaman ko ang paghalik niya sa ibabaw ng ulo ko. Nasa edad na 20 pa lamang siya. Una pa rin niyang kinuha ang kursong engineering bago raw siya mag-aaral ng piloto. Natutuwa ako at gusto pa rin niyang maging isang engineer katulad ng mga kuya niya. Hinawakan niya rin ang kamay ko at hinalikan iyon.
“Okay lang po ba kayo, Mom?”
“Oo naman. Okay na okay pa ang iyong Mommy,” ani ko at tiningnan ko ang guwapo niyang mukha.
“Mom, aalis po pala ako. Sa inyo muna ako magpapaalam saka na kay Dad,” sabi niya.
“Saan ka naman pupunta, anak ko?”
“Tapos na po ako sa kolehiyo. Kulang na lang po ang board exam ko para may maipakita na ako sa inyo ni Dad. Para maging isang engineer na rin po ako, Mommy. Mag-aaral na po ako ng piloto.”
“Sige, gawin mo ang gusto mo, Godfrey. Nandito lang kami ng daddy mo. Palagi kaming nasa likod mo at kung ano man ang gusto mo sa buhay ay palagi naming susuportahan. Ngunit huwag mong kalimutan na bumalik pa rin sa mansion natin, anak. Magtatampo ako sa ’yo,” ani ko at mahina siyang humalakhak.
Hinawakan ko ang mukha niya at sinapo ko ang pisngi niya. “Naaalala ninyo na naman po sa akin si Daddy, Mom?” Tumango ako.
“Ganyan na ganyan talaga ang mukha ng iyong ama. Hindi nakasasawang pagmasdan.”
“Pero aminin ninyo po na mas guwapo pa rin ako kaysa kay Dad.”
“Pareho kayong guwapo sa mga mata ko. Godfrey...”
“Bakit po, Mommy?”
“Mahal na mahal kita, bunso.” Hinalikan ko ang noo niya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakalilimutan ang mga panahon na halos ayaw na niyang humiwalay sa akin.
BINABASA MO ANG
The Love Story of Don Brill (COMPLETED)
Romance(BRILLIANTES SEQUEL) "It hurts to lose a loved one, but I have to accept the fate that her life will end here." Date started: January 24, 2024 Date finished: February 21, 2024