Kabanata 12: Galit
ILANG beses na akong napabuntong-hininga at binabagabag pa rin ako sa mga nalalaman ko. Pagkatapos kong makita ang eksenang iyon ay umuwi ako sa mansion namin. Umiyak nang umiyak pero parang nawalan na rin ako ng mga luha. Masakit ang lalamunan ko.
Sa totoo lang, puwede naman niyang sabihin sa akin. Puwede niyang sabihin na may babae siya at nakabuntis siya. Siguro nga ay pipiliin kong palayain siya kung masaya naman siya sa piling ni Melissa dahil kayang-kaya siyang bigyan ng anak pero ako hindi. Hindi ko siya mabigyan ng anak kasi hindi ko rin alam kung ano ang problema sa akin.
Muli, bumuntong-hininga ako at napahawak ako sa singsing ko. Ito na lang talaga ang nagbibigay sa akin nang lakas ng loob. Hangga’t suot ko ang singsing na ito ay alam kong may karapatan pa rin ako sa asawa ko.
Siguro kailangan ko na nga ring maghanda pa sa oras na iiwan na niya ako at tuluyang sasama sa ina ng magiging anak niya. Masakit isipin, masakit tanggapin pero kailangan.
Tumayo ako at kumuha ng isang maliit na maleta na ’sakto lang ang laki nito. Kumuha ako ng mga damit ko na dadalhin ko sa pag-alis ko. Babalik naman ako kaya kaunti lang ang inimpake ko.
Nais ko lang mapag-isa. Gusto kong maghanda sa lahat at sa ngayon ay susuotin ko muna ang singsing ko at kung kaya ko na ay huhubarin ko naman ito at bibitawan.
Naglabas ako ng papel at ballpen upang sumulat. Parang hindi ko kayang umalis ng hindi ako nagpapaalam sa asawa ko. Sinabi ko lang na magbabakasyon lamang ako at babalik din pagkatapos ng tatlong araw. Iyon lang ang panahon na hiningi ko. Maikli lang.
Bago ako umalis ay dumaan muna ako kina Ate Lessa at Kuya Norman. Masaya ako dahil nakatira na sila sa aming mansion. May hanapbuhay naman ang asawa niya at alam kong magiging masaya ang binubuo nilang pamilya.
“Señorita Lorainne? Hala!” Masayang sinalubong ako ni Ate Lessa. Malaki na rin ang umbok ng tiyan niya.
“Malapit na pala kayong mangitlog, Ate Lessa,” pabirong saad ko. Kinuha naman ng asawa niya ang dala ko.
Ibinaba ko pa ang maleta ko kanina. May kalayuan na kasi ito sa mansion namin na tinutuluyan ko at dumaan pa ako sa isang bakery shop para bumili ng pang-meryenda nilang mag-asawa.
“Aalis ka ba, Señorita?” tanong naman sa akin ni Kuya Norman. Nasanay na rin siya na tawagin akong ganoon dahil sa kanyang asawa.
“Magbabakasyon lamang po ako. Dumaan lang ako rito para makita si Ate Lessa at magpaalam sa inaanak ko,” sabi ko at hinawakan ko ang tiyan ni Ate Lessa.
“Eh, nasaan ang asawa mong engineer? Bakit hindi mo yata kasama, Señorita?” nalilitong tanong niya.
“Oo nga.”
“Nagpaalam din ako sa asawa ko na magbabakasyon. Hindi po siya kasama dahil abala siya sa kanyang trabaho,” paliwanag ko.
“Ha? Bakit naman aalis ka na hindi kasama ang asawa mo, Señorita?” Sa mukha pa lang niya ay nag-aalala na siya sa akin.
“Tatlong araw lang naman po ako mawawala, Ate Lessa. Kayang-kaya po akong hintayin ng asawa ko.” Ipinakita ko pa sa kanilang mag-asawa na masaya akong magbabakasyon para hindi na sila mas mag-alala pa.
“Saan ka magbabakasyon kung ganoon, Señorita?” tanong ni Kuya Norman.
“Sa villa ninyo ba?”
“Secret po,” natatawang sagot ko.
Ilang minuto lang kaming nagkuwentuhan saka ako nagpaalam na aalis na. Gusto pa nga akong ihatid ni Kuya Norman. May truck kasi siya. Rice mill ang negosyo niya.
BINABASA MO ANG
The Love Story of Don Brill (COMPLETED)
Romance(BRILLIANTES SEQUEL) "It hurts to lose a loved one, but I have to accept the fate that her life will end here." Date started: January 24, 2024 Date finished: February 21, 2024