KABANATA 16

817 19 0
                                    

Kabanata 16: Nagdadalang tao

UMINIT lalo ang ulo niya at hindi makapaniwala sa sinabi ko kahit biro lang naman iyon. Pero inaamin ko na nag-iiba ang ugali niya. Mainit palagi ang ulo pero hindi naman siya aabot na sasaktan niya ako ng pisikal.

Sa katunayan nga ay parang isa siyang linta na palaging nakadikit sa akin at nagtatampo kapag hindi ko siya nilalambing. Nag-aalala na ako kung minsan. Ngunit ang mas nakatutuwa ay palagi niya akong inuutusan na magluto ng turon at iyon naman ang ginagawa ko.

Pagkatapos ng pabago-bagong timpla ng mood niya ay ako naman ang nakaramdam ng kakaiba sa aking katawan. Madalas ay inaantok ako tapos nahihilo kung minsan.

“Miss, magkano lahat?”

“Alin po?” inaantok kong tanong at nag-angat ako nang tingin sa customer namin. Nakasandal kasi ang ulo ko sa counter. Parang gusto ko na ngang umuwi at matulog na lamang. Tinatawag ako ng malambot naming kama at unan. May marahan na pumitik sa noo ko at nang makita ko kung sino ang gumawa no’n ay ang guwapong asawa ko lang pala. Umalis ako mula sa pagkakaupo ko at lumabas din sa counter para yakapin si Don Brill. “Palagi na lamang akong sabik na makita ka, mahal ko,” ani ko at hinagkan niya ako sa tuktok ng ulo ko.

“Hindi ka na isang miss, Lorainne. Misis ka na.”

“Alam ko naman pero pagsusungitan ko ba ang customer namin dahil lang doon?” Tiningala ko siya at hinawakan ang magkabilang pisngi niya. Nakapulupot na nga ang dalawang braso niya sa baywang ko. “Ang guwapo-guwapo talaga ng mister ko,” nakangiting sabi ko at hinalikan ko ang panga at pisngi niya. Napahalakhak lamang siya.

“Nakatulog ka na naman ba?”

“Oo. Araw-araw yata akong inaantok, eh,” nakangusong sabi ko.

“Umuwi na lamang tayo kung ganoon at sa bahay ka na lamang magpahinga.” Tumango ako sa kanyang suhestiyon. Dahil magandang ideya nga iyon.

Nakatulog nga ako ngunit paggising ko ay nanakit ang puson ko. May kung ano rin sa lalamunan ko at napatakbo na lamang ako sa loob ng banyo dahil naduduwal nga ako.

May lumabas naman pero kahit wala na, na parang laway na lamang ay nasusuka pa rin ako. Nangingilid na ang mga luha sa mga mata ko at halos yakapin ko na rin ang inidoro.

“Lorainne?” Nang marinig ko ang boses ng asawa ko ay kumawala ang hikbi mula sa bibig ko.

Narinig ko pa ang mabilis na yabag ng mga paa niya at pumasok sa banyo. Nakita niya akong nakaupo sa sahig at bumukas ang takot sa mukha niya. Mabilis niya akong dinaluhan at agad na pinangko. Ibinaba niya ako sa kama at nag-uunahan na sa pagbagsak ang mga luha ko.

“D-Don Brill...”

“Ano’ng nangyari, mahal ko? Bakit ka umiiyak? May nangyari ba? Masama ba ang pakiramdam mo? Saan ang masakit?” sunod-sunod niyang tanong na may pag-aalala pa rin sa kanyang tinig. Marahan niyang pinunasan ang mga luha ko sa aking pisngi. “Sabihin mo sa akin,” nakikiusap na saad niya at hinalikan niya ang noo ko saka niya ako matiim na tinitigan. “Lorainne...”

“M-May sakit yata ako, Don Brill,” natatakot na sambit ko.

“Ano? May sakit ka?” Sinalat pa niya ang noo at leeg ko para lang suriin ako. Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. “Wala ka namang lagnat. Masakit ba ang ulo mo? Kukuha lamang ako ng gamot.” Pinigilan ko siyang tumayo.

“Hindi mo ba napapansin ang pabago-bago ko? Palagi na lamang akong inaantok. Sa umaga ay nahihilo ako at nasusuka. Palaging masakit ang puson ko kahit na sa gabi ay gusto ko palaging may nangyayari sa atin, ako pa nga ang unang nagsasabi no’n kahit nakahihiya pa sa ’yo. Kasi gusto kong maramdaman ang init ng katawan at pagmamahal mo. Kahit pagod na pagod pa ako ay gusto ko pa rin kahit umaga na tayo natatapos. Bukod doon... Magdadalawang buwan na akong hindi pa dinadatnan, mahal ko... M-May sakit na yata ako...” umiiyak na sabi ko.

The Love Story of Don Brill (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon