Prologue
PAGPASOK pa lang niya sa garahe ay umaasim na agad ang mukha ni Jenny nang makita ang nakaparadang segunda manong Toyota Corolla. Ano na naman ang ginagawa ng lalaking ito sa bahay nila?
Ibinaba niya ang windshield ng kotse niya. "Kanina pa ba rito ang may-ari ng kotseng iyan, Mang Raul?" tanong niya sa security guard.
"May isang oras na po, Ma'am," sagot ng guwardiya na sinulyapan ang kotse.
Paarangkadang ipinasok ng dalaga sa garahe ang kotse. Pagkatapos ay bumaba ng sasakyan at nagmamadaling humakbang papasok sa kabahayan. Wala sa sala ang panauhin.
Sandali niyang inikot ang mga mata. Sa library? No. Hindi roon. Bago pa niya napagpasiyahan kung nasaan ang hinahanap ay narinig na niya ang halakhak ng mommy niya mula sa lanai, isang open living room na tuloy-tuloy sa pool. Mabilis siyang dinala ng kanyang mga paa roon.
Naroon ang mommy niya na naka-shorts at nakaupo sa lounger. Ang lalaki ay nakaupo rin sa katabing upuan. Ang mukha ay halos nakadikit na sa mukha ng ina niya. At nang sa inaakala niyang hahagkan ng lalaki si Adelfa ay tumikhim siya. Sabay nanapalingon sa kinatatayuan niya ang dalawa.
Si Adelfa ay bahagyang napahiya. Tila teenager na gustong mag-blush. Ang lalaki ay panatag.
"Jennifer, darling, dumating ka na pala," bati ni Adelfa na iniangat ang sarili mula sa pagkakasandal sa lounger.
"Hello, Jenny..." isang tipid na ngiti ang ibinigay ng lalaki
Ginantihan niya iyon ng matalim na sulyap.
"What are you doing here, Adrian?" mataray niyang wika dito. "Weren't you suppose at the factory doing the job you are being paid for?"
Bigla ang pagbabago ng anyo ng lalaki sa sinabi niya. Nag-igting ang mga bagang nito.
"You're being rude, Jennifer. I invited Adrian here," may himig ng bahagyang galit ang tinig ni Adelfa.
Umikot ang mga matang dalaga. "Mommy, oras ng trabaho. At kung lagi ko rin lang siyang makikita dito, hindi siguro masama kung mag-resign na lang siya sa pagiging supervisor sa pabrika."
Tumikhim ang lalaki na tila nag-alis ng bara sa lalamunan. Bumaling kay Adelfa. "Aalis na muna ako, Adelfa. Saka na lang tayo mag-usap uli," pormal nitong sinabi. "Mainit ang ulo ng anak mo."
"Kahit kailan, Adrian, nawawala ako sa mood everytime I see you here flirting with my mother! "
"Jennifer!" Nanlaki ang mga mata nitong napatayo. "Nagiging bastos ka!"
Hinawakan ni Adrian sa braso ang babae. "It's all right, Adelfa. Tutuloy na ako." Hindi na ito pumasok ng bahay upang lumabas. Sa tagiliran ng pool ito dumaan.
"Iyan ba ang natutuhan mo sa pananatili nang matagal sa ibang bansa? Ang pambabastos ng tao?" pagalit na sinabi nito sa anak nang makaalis si Adrian.
Huminga nang malalim ang dalaga. Inilahad sa ere ang dalawang kamay. "Mom, empleyado natin si Adrian. Ano ang ginagawa niya rito?"
"I broke my car on the way to the parlor. Tinawagan ko siya. At tinulungan niya akong mapaandar ang kotse ko. Ano ang masama roon?" "You could have called a mechanic."
"He was a mechanic bago siya na-promote ng daddy mo sa factory."
"So naayos niya ang kotse ninyo. At iyong eksenang dinatnan ko rito kanina, paano ninyo ipaliliwanag sa akin iyon?" Tinutukoy niya ang naudlot na halikan ng dalawa.
Hindi agad sumagot si Adelfa. Lumingon sa pool. "Mommy, hindi ko alam kung bakit patuloy pa rin ninyong ini-entertain ang lalaking iyon. And you are behaving like... like... " hindi niya matuloy-tuloy ang gustong sabihin.
"Adrian is nice, Jennifer. He can make me laugh,'' marahang sagot ni Adelfa.
"Thunder is nice, Mommy. And he can make you laugh, also." Na ang tinutukoy ay ang Pekingese dog ng ina.
"Jennifer! " napataas ang tinig nitong lumingon sa kanya. Pagkatapos ay malungkot na umiling. "Your father spoiled you. At ganoon din ang Mama."
"But you are not behaving like a dignified widow. Ngayon ko nabigyan ng katwiran ang ginawa ng daddy sa mga naiwan niya."
"Wala akong ginagawang masama, Jennifer. Ang isip mo ang masama. At tungkol sa last will ng daddy mo ay duda akong siya ang may gusto noon. Idinikta iyon ng Mama, ng lola mo," lungkot at galit ang nasa tinig nito. "Kahit kailan ay hindi niya gustong ako ang napangasawa ni Rodolfo."
Isinaad ng huling testamento ng daddy niya na ang lahat ng mga ari-arian nito ay ipinamanang lahat kay Jennifer bilang kaisa-isang anak. Si Adelfa ay tatanggap ng monthly allowance. Malaki ang substantial sa pangangailangan nito subalit mapuputol sa sandaling mag-asawa itong muli.
Ipinagtaka ng dalaga ang habiling iyon subalit nang bandang huli ay napag-isip-isip na ang lahat ng kanilang kayamanan ay nagmumula kay Donya Beatriz, ang mama ni Rodolfo. At buhay pa ang matanda at sa Amerika na naninirahan kasama ng bunsong anak nito. Pag-aari ng pamilya ni Donya Beatriz ang import-export business nila ng mga undergarments.
"Nasa Amerika ang lola nang mamatay ang Daddy," katwiran niya.
"Maybe so. Pero ang manipulasyon ng lola mo sa daddy mo ay hindi nahahadlangan ng milya-milyang karagatan," mapait nitong sinabi. Pagkatapos ay tumingin sa anak nang deretso. "Anyway, napag-uusapan na rin lang natin ito, gusto kong sabihin sa iyong mag-aasawa akong muli."
Marahas na nilingon ni Jenny ang ina. Mag- aasawa! Kanino?
"Dalawang taon nang mahigit na namamatay ang daddy mo. Hindi na siguro masama na muli akong magkaroon ng asawa," patuloy nito.
Kinabahan ang dalaga. Kunsabagay ay bata at maganda pa ang kanyang ina. Sa edad nitong kuwarenta y dos ay tila lamang sila magkapatid. Na kung susuriing maigi ay tila ilang taon lamang ang tanda nito sa kanya sa edad niyang beinte uno.
"K-kanino, Mommy?" Alam na niya halos ang sagot pero itinanong pa rin niya.
"Adrian offered me marriage, hija. At tinanggap ko."
"Over my dead body! "
"Jennifer!"
"Mommy, that man is a bloodsucker bimbo!" Malungkot na umiling si Adelfa. Hindi makapaniwalang tinitigan ang anak "What have you against him, Jenny? Mahal niya ako at mahal ko siya. At mabuting tao si Adrian. May tiwala sa kanya ang daddy mo noong nabubuhay pa ito."
"Hindi ako naniniwalang mahal niya kayo. Why he's eight years your junior. Maaari naman siyang makakita ng bata pero bakit kayo ang pinili niya? Pera mo lang ang hangad niya, Mommy!" maigting niyang wika. Hindi siya makapapayag na magpakasal ang ina niya sa lalaking iyon.
"Hinuhusgahan mo agad iyong tao. Kilala ko siya kaysa sa iyo, Jennifer. Besides, I know you for being a snob. Ganiyan ka pinalaki ng Mama. Matapobre din ang lola mo."
"You are a lonely and a rich widow. And he's taking advantage!"
"Lonely? Yes. But not rich, Jenny. Alam mo iyan," may hinanakit nitong sinabi. "At alam ni Adrian na sa sandaling makasal kami ay mawawala ang allowance ko."
"Maybe so. Pero bilang asawa ninyo ay malaki ang maitutulong nito sa posisyon niya sa factory. Inaambisyon niya iyon."
Tinitigan lamang ni Adelfa ang anak. "Magpapakasal kami sa isang buwan, Jennifer."
"Lalayas ako, Mommy!"
"Hindi mo magagawa iyan, hija. Paano ang factory? Paano ang mga tauhan natin?"paghahamon ni Adelfa. Walang funds na lalabas sa kompanya kung walang pahintulot si Jennifer. Siya rin ang signatory ng lahat ng mga tseke. "At saan ka pupunta, hija? Sa America? You can't do that. Aatakehin sa puso ang Mama pag nalaman niyang iniwan mo ang lahat ng ito sa akin," sarkastikong dagdag ni Adelfa at inikot ang paningin sa buong kabahayan.
Hindi makakibo ang dalaga. May katotohanan ang sinabi ng ina. Hindi birong responsibilidad ang iniatang sa kanya ng daddy niya. Pero iisa ang tiyak. Gagawa siya ng paraan para hindi mapakasal ang mommy niya sa oportunistang si Adrian.