CHAPTER ONE
SINUNDAN niya ng tingin ang naka-bikini trunks na binata na inakbayan ang bagong dating na dalaga. Sa Amerika ay hindi iilang macho at magagandang lalaki ang nakita na niya pero bakit tila namamagneto ang mga mata niya sa isang ito?
"May bisita ka?" tanong ng bagong dating na dalaga dito. Maputi ang babae at maganda. At sa nakikita niya ay tila magkasintahan ang dalawa.
"Oh! Nana Inez," sulyap nito sa matandang babae na kasamang dumating ng dalaga. "Kayo na nga po ang bahala rito. " Sinulyapan siya nito. "...Nag-a-apply na housegirl. Nagpaalam nga po pala si Seling noong isang araw dahil pinauuwi na ng ama," pagkasabi'y kinabig na nito ang dalaga at magkaakbay na pumasok ng kabahayan.
"Ako na ang bahala sa kanya, hijo," pahabol ng matandang babae na sinabayan ng upo sa silyang bakal saharap niya. "Ano angpangalan mo, ineng?" simula ng matanda na ang tingin ay tila nanunuri.
"Jenny ho. Kayo ho ba si Nana Inez?"
"Ako nga. Kilala mo ba ako o narinig mo lang na itinawag sa akin iyon ni Anthony?"
"Ngayon ko lang ho kayo nakita pero kayo ho talaga ang sadya ko," aniya na ikinataas ng mga kilay ni Nana Inez. "Jennifer... Jennifer Alonzo po ang totoong pangalan ko," bahagya niyang itinaas ang ulo sa pagkabigkas ng pangalan na tila inaasahang makikilala siya ng matanda.
Hindi naman siya nabigo dahil bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Nana Inez. "Alonzo? Sa pamilya Alonzo nangangamuhan ang pinsan kong si Maria." Pagkatapos ay tinitigan nito ang karatulang hawak pa rin niya. "At... nag-a-apply ka 'ika mong maid? Sino ka ba, ineng?"
"Anak ho ako ng mag-asawang Rodolfo at Adelfa Alonzo."
"Ano? Ang mga amo ni Maria? Pero bakit..?"
"Wala ho akong kakilala dito. Wala naman akong mapuntahan ditong iba sa Maynila. Isang linggo akong sa hotel nanuluyan at nababagot ho ako." Sinimulan niyang ikuwento sa matandang babae ang pangyayari kung bakit siya lumuwas ng Maynila at ang tungkol sa pag-a-apply niya bilang housegirl.
Nanlaki ang mga mata ni Nana Inez na nakatitig sa kanya nang marinig ang kanyang sinabi.
"Sinasabi ko ho sa inyo ito dahil sa malaon at madali ay malalaman ninyong wala akong alam sa trabahong pinapasukan ko."
"Ay oo nga! Naku ang batang ito, bakit ganito ang naisip mong paraan?"
"Kung wala ako sa bahay ay walang dadaloy na pera kundi 'yon lamang manggagaling sa allowance ni Mommy. Mapipilitan siyang gamitin iyon sa mga kakailanganin sa mansion at bayad sa mga katulong.
"Mahilig ang Mommy ko sa magagandang damit kaya duda ako kung kakasya ang pera niya. At pag wala siyang pera ay malalaman niyang hindi ako nagbibiro. Makikita rin ng boyfriend niya na hindi mayaman ang Mommy.
"Para naman sa sahod ng mga tauhan ay nag- iwan na ako ng pirmadong tseke at bahala ang mga abogado ko roon."
Hindi na niya sinabing ipina-terminate niya sa trabaho si Adrian sa pamamagitan ng mga abogado niya.
"H-hindi ko alam ang sasabihin ko, ineng..." naguguluhang wika ni Nana Inez.
"Tanggapin ninyo ako dito bilang housegirl. Sisikapin kong kahit na sa paanong paraan ay matulungan kayo. Huwag kayong mag-aalala at ang anumang ipasasahod sa akin ng mga amo ninyo ay mauuwi rin sa inyo," pormal niyang sinabi sa maawtoridad na tinig.
Tinitigan ni Nana Inez ang dalaga. Bata si Jennifer at maganda. At hindi masisisi ng matanda sa paggamit ng ganoong tono. Mayaman ang pamilya ng dalaga at kung tutuusin ay talagang isang malaking kalokohang pumasok siyang katulong.
"Hindi ako pinasasahod ng mag-asawang Avila, hija, noong nabubuhay pa ang mga ito. Ganoon din ang magkapatid na Angelo at Anthony ngayong sila na lamang ang narito sa mansion,''banayad nitong sagot.
"Hindi kayo pinasasahod!" hindi makapa- niwalang bulalas ni Jenny "Eh, ano ho ang ginagawa ninyo rito at hindi pa kayo maghanap ng ibang mapapasukan? Labag sa batas ang ginagawa ng mga amo ninyo,''pagalit niyang sinabi.
Napangiti ang matanda. "Para ko ng mga anak ang magkapatid na Angelo at Anthony, hija. Sa akin nagsilaki ang mga batang iyan. Hindi ako sumasahod gayang gusto mong ipahiwatig pero may pera akong inilalaan ng magkapatid. Nabibili ko ang anumang nais kong bilhin para sa sarili ko at para sa kailangan ng bahay na ito. Ako ang nagpapasahod sa mga katulong."
"Oh! " hindi siya makapaniwala. Posible ba iyon para sa isang hindi kadugo? Si Maria ay matagal na rin sa kanila sa pagkakatanda niya. Bata pa siya ay naroon na ito pero katulong pa rin ang turing niya rito. Sumasahod ito nang maayos at malaki bilang mayordoma.
"Huwag kang mag-alala, hija. Kung dito ka, itinuro sa akin ni Maria ay walang problema. Ako ang bahala sa magkapatid. "
"Pero hindi ko ho gustong ipaalam ninyo sa kanila ang tungkol sa tunay kong pagkatao. "
"Kung iyon ang gusto mo."
"Pero hindi ho ba kayo mahihirapan na hindi ko magampanan ang trabahong dapat kong gawin?"
"Mamagkapatid ang narito. Ano ba naman ang gagawin maliban sa paglilinis na karaniwan na ay mga alikabok lang? Kung sa paglalaba ay nariyan ang washing machine. At sa mahihirap na gawain ay nariyan ang boy at hardinerong si Andoy. At ako ang nagluluto dito, hija. Ligaya ko na'ng ipagluto ang magkapatid."
Walang gawain! Hindi siya makapaniwala. Halos kasinlaki rin ito ng bahay nila at maliban sa security guard ay tatlo ang katulong na babae. Pang-apat si Nana Inez at isang hardinero at driver.
"Ilan ho ang silid sa bahay na ito?"
"Pito. Apat na malalaking silid sa itaas, dalawang guest room at isang sa akin."
At walang gawain, ha? ang nasa isip niya. Bahagyang natawa si Nana Inez na tila nahuhulaan ang iniisip niya.
"Kami ang bahala ni Andoy sa mga gawain, Jennifer. Kung talagang hindi mo gustong ipaalam ang totoo, sikapin mong gampanan ang tungkulin mo pag kaharap ang magkapatid gayundin sa harap ni Andoy para walang problema. "
"Salamat ho, Nana Inez. Hayaan ninyo at pagkatapos kong turuan ng leksiyon ang Mommy ay makagaganti rin ako sa inyo. "
Iiling-iling ang matanda. Ang mga anak na ngayon ang nagtuturo ng leksiyon sa magulang. Sa nakikita niya sa kaharap ay pinalayaw ito ng mga magulang.
"May dalawang servant's quarter sa labas ng mansion at doon natutulog si Andoy. Ang isang pinto ay si Seling ang gumagamit at iyong dati pang isang katulong. Pero sasabihin ko sa magkapatid na ikaw ay sa silid ko na rin gustong patulugin."
"But of course!" may pagkaarogante niyang sagot. "Hindi ko maisip ang sarili kong matulog sa servant's quarter. "
Napatitig ang matanda sa kanya. Maliban sa pagiging arogante ay spoiled ang dalaga. At ang nakapagtataka ay hindi naiinis ang matanda sa kanya. Gayong kung tutuusin ay parang utang na loob pa nitong paglingkuran o ibigay sa dalaga ang magandang akomodasyon.
Kung paanong nagustuhan agad ni Nana Inez si Wilna noong unang dalhin ni Anthony ang dalaga sa mansion ay ganoon din kagaan ang loob nito kay Jenny. Ang kaibahan nga lang ay likas na mahiyain siWilna.
"Tara na sa loob, hija. Ang nakita mo kanina ay si Anthony. May isa pa siyang kapatid, si Angelo. Kambal sila at magkamukhang-magkamukha. Ang babae naman kaninang kasama kong dumating ay si Wilna. Ang kasintahan ni Anthony at nakatakdang pakasalan." Tumayo ang matanda at sinundan naman niya.
Habang naglalakad sila sa gilid ng pool ay hindi niya maalis sa isip ang anyo ni Anthony.
At nakatakda na pala itong pakasal.