“Pipi ka nga!” hindi makapaniwalang saad ko.
Kaya pala hindi ko pa naririnig ang boses niya. Kaya pala kahit anong nakakainis na sasabihin ko ay hindi pa rin siya nagsasalita.
Ang sarap niyang inisin!
“Bye, Draze! Uuwi na ako!” tumatawang paalam ko.
Hindi ka pala nakakapagsalita, it's my time to shine na! Kung sinasaktan mo ako palagi sa panunulak mo, pwes! Mamatay ka na sa inis at pang-aasar ko. Kulang pa ang kabayaran na ito sa bawat bukol na idinudulot mong damuho ka!
Pagdating ko sa bahay ay nadatnan ko si Ate Lizzy habang inaayos ang mga pinamili niya. Lumapit na rin ako para tumulong.
“Ate Lizzy!”
“AY! TIPAKLONG KA!” Namumutlang sigaw nito habang sapo-sapo ang dibdib. “Naku naman, Alexis! Mahuhulog ang puso ko dahil sa 'yo! Demonyo kang bata ka!”
Lumayo na ako bago pa ako makurot. Lumapit lang ako muli nang mapansin kong maaliwalas na ulit ang mukha niya.
“Saan ka galing?” tanong niya bigla.
“Sa labas lang, sa may coffee shop.”
“Aba! Talaga naman, Alexis! Ano naman ang ginawa mo roon?” kunot-noong tanong niya na ikinasimangot ko.
“Ano ba ang ginagawa sa coffee shop? Malamang nagkape!”
“Aba! Aba! Galante, ah? Iyong bagong bukas na coffee shop? Mamahalin iyon!”
“Oo nga, walang kape rito. Walang Gcash si Aling Ising kaya doon nalang ako nagkape—ewan ko, Nescafe ba yun? Ewan basta hindi lasang Great Taste.”
Tumigil siya sa kaniyang ginagawa at hinarap ako habang nasa bewang ang dalawang kamay.
“Ikaw na bata ka! Huwag mo akong mabiro-biro at baka may biglang umagos sa tagiliran mo. Naku, Alexis, sinasabi ko sa 'yo.”
“Totoo nga kasi Ate Lizzy! Mukha ba akong nagbibiro?”
Hindi pa ito makapaniwalang tiningnan ako mula ulo hanggang paa.
“Tsk! Kumakain ka na nga lang. Nagluto ako at hindi ka man lang nag order ng kakainin mo. Pati si Sir Draze idinamay mo pa sa pagpapakamatay mo.”
Ang OA naman nitong si Ate Lizzy, pakamatay agad? Hindi lang nakabreakfast eh.
Nilamon ko lahat ng nakahain sa mesa. Itinago naman ni Ate Lizzy ang ibang pagkain.
Habang kumakain ay sumagi na naman sa isip ko ang pangyayari kanina—ang natuklasan ko.
Nilingon ko si Ate Lizzy na nagliligpit.
“Ate Lizzy, pipi ba si Draze?” tanong ko.
“Ang bunganga mo, Alexis! Kanina ka pa! Titigil ka o bubusalan ko iyang bibig mo?”
Umakto akong i-zizipper ang bibig bago pa ako mahampas ni Ate Lizzy. Nanahimik na lang ako nag-isip-isip.
Pero kung titingnan mo si Draze ay hindi naman siya mukhang pipi. Mukha nga siyang palaging galit, iyong tipong kapag napikon ay sisigawan ka. Oo, physically attractive siya. Matangos ang ilong, medyo singkit ang mga mata, magandang curve ng pinkish lips niya, at higit sa lahat maganda ang shape ng jawline niya. Iyong bagay sa mukha na umiigting ang panga.
Kaya malaki talaga ang kutob ko na hindi talaga siya pipi. Baka nagpapanggap lang? O baka hindi lang mahilig magsalita?
“Ate Lizzy—”
“Tumigil ka, Alexis.”
“Pakinggan mo muna ako, ang OA naman!”
“Oh, basta ayusin mo ha!”
“Narinig mo na ba siyang magsalita Ate Lizzy?” curious at seryosong tanon ko.
“Wala. Tahimik talaga iyan, kaya huwag kang magkakamali na gumawa ng ingay sa harap niya.”
Napaisip muli ako. Tahimik? Ganoon ba siya sa sobrang tahimik ay natitiis niyang hindi magsalita buong araw? Magpaturo kaya ako sa kaniya? Ang ingay-ingay ko na, eh! Kahit sana isang araw lang ay maranasan ko mapanisan ng laway.
Hindi nagtagal ay sumapit ang gabi. Kakarating din nina Ma'am Dione at Sir Ian. Si Ate Lizzy naman ay nagluluto sa kusina habang ako ay katatapos lang na linisin ang sala. Nakaupo ako sa duyan na nakabitin sa gilid ng maaliwalas na bakuran.
Kitang-kita ko ang bawat pagdaan ng mga sasakyan. Subalit ang nakakuha ng aking atensyon ay ang lalaking nakasandal sa kulay itim na kotse. Hawak-hawak ang phone at mukhang may kausap.
Ngunit mas nagulat pa ako at literal na sumayad ang panga ko sa sahig nang makilala ang mukha nito. May hawak siyang cellphone at mukhang may katawagan.
Tama ang kutob ko!
Tahimik lang siya pero nakakapagsalita siya.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniyang puwesto. Sa bawat paglapit ko ay ramdam ko ang bilis nang pagtibok ng puso ko.
Pinigilan kong gumawa ng ingay. Sinubukan kong mas lumapit pa at silipin ang kaniyang kinatatayuan.
Pero wala akong marinig na tunog. Walang kahit na anong bakas ng kaniyang boses. Sinilip ko ang puwesto niya pero ganoon pa rin ito at nakatayo habang nakalagay sa tenga ang phone.
Inaabangan kong bumuka ang bibig niya. Lumipas ang ilang minuto pero wala akong narinig na boses. Hindi man lang tumaas ang labi niya.
Ngunit nanlaki ang mga mata ko.
“Draze, your Mom is looking for you,” biglang sulpot ng kung sino.
Matangkad ang lalaki. Nakasuot ng kulay itim na formal attire at nasa gilid lang ni Draze na pormal na nakatayo.
Abang na abang pa rin ako sa sagot niya. Ngunit wala.
Tahimik nitong ibinaba ang cellphone na nasa tenga at naglakad palayo.
Subalit hindi ko inaasahan ang biglaang pangyayari. Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang bigla siyang tumingin pabalik sa kaniyang pinanggalingan. Sumakto ang kaniyang mga mata sa puwesto ko. Diretso ang kaniyang tingin sa mga mata ko na tila alam na niyang nandito ako kanina pa.
Natulos ako sa puwesto ko. Ang akala ko ay lalapitan niya ako para pagalitan sa pagiging tsismosa ko pero ang tanging ginawa niya lang ay tumalikod at tuluyang maglakad palayo.
Lumabas ang kanina ko pa pinipigilang hininga. Ramdam ko ang panghihina ng katawan ko.
Bakit ganoon?
Nakita niya lang naman ako ah?
Wala naman akong ginawang ikakapahamak niya.
Hindi naman masama ang tingin niya kanina. Pero hindi ko rin sigurado kung ayos lang ba. Diretso lang kasi ang titig niya at walang emosyon. Kaya hindi ko alam kung galit ba siya na nalaman niyang nakikinig ako o talagang wala siyang pakialam kaya walang emosyon ang mga mata niya.
“Alexis,” tawag ng isang malamig na boses mula sa aking likuran.