Napanganga ang buong mag-anak sa laki at ganda ng bahay na kanilang lilipatan. Ang akala nilang lumang mansyon ay isa palang modernong bahay na may malawak at maaliwalas na hardin.
"Welcome!" Pagbati sa kanila ni Mr. Soliman; ang estrangherong nagtungo sa dati nilang inuupahang bahay sa Maynila, upang ihatid ang balita tungkol minana nilang bahay at kayamanan mula sa malayong kalamag-anak ni Chad, ngunit ito'y sa kundisyong kailangan nilang manirahan doon. "Mabuti naman at naging maayos ang inyong paglalakbay."
"Ito na ba ang bahay?" tanong ni Chad kay Mr. Soliman; wari'y gusto lamang nitong marinig ang kumpirmasyon ng napakagandang suwerteng dumapo sa kanilang mag-anak.
"Ito na nga." Sagot dito ni Mr. Soliman.
"Sigurado po ba kayo na sa akin ito ipinamana ni...a-ano nga po ulit ang pangalan ng malayo naming kamag-anak?"
"Ang lahat ng ito'y iniwan sa 'yo ng malayong pinsan ng iyong ina. Ang namayapang si Armando Montecillo."
"Teka." Pagsingit ni Carolina, "wala po bang asawa, anak, apo o kahit sinong kamag-anak na mas malapit pa sa asawa ko ang Armando Montecillo na ito? Nag-aalala lang po kami na baka naman may masagasaan kami o may maghabol pa sa mga ari-ariang ito. Ayaw lamang po namin ng gulo at komplikasyon."
"Ang totoo, mayro'n sanang kaisa-isang tagapagmana ng lahat ng ito si Armando. Ito'y ang kanyang nag-iisang anak na si Lorenzo. Lumuwas ito ng Maynila upang mag-aral ng medisina, ngunit magsasampung taon na rin ang nakakaraan nang bigla na lamang itong naglaho at hindi na nakita pa. Hinalughog na ni Armando ang buong Pilipinas at buong mundo para hanapin ang kanyang anak ngunit, ni anino nito'y hindi na nakita pa hanggang sa tuluyan ng iginupo ng karamdaman si Armando. At dahil naniniwala siya na marahil ay tuluyan na ngang naglaho ang kanyang anak, ipinalagay niya sa kanyang huling testamento na ibigay na lamang ang lahat-lahat ng kanyang ari-arian sa nag-iisa niyang kakilalang malayong kamag-anak na si Leonora, ang iyong ina, sa kundisyong kailangan dito ito maninirahan sa pagbabaka-sakaling muli pang bumalik si Lorenzo sa bahay na ito balang araw. Pero dahil wala na rin ang iyong ina para tanggapin ito, ay sa iyo na ito maipapasa dahil ikaw rin lamang naman ang nag-iisang anak nito."
"P-pero paano kung bumalik si Lorenzo?" tanong ni Chad, "kailangan na rin ba naming lisaning muli ang bahay na ito."
"Hindi." Sagot ni Mr. Soliman. "Sa inyo na talaga niya iniwan itong bahay at ang lahat ng pera at ari-ariang nakasaad sa testamento. Pero kung sakali mang bumalik si Lorenzo sa bahay na ito, mahigpit niyang ibinilin na ibigay niyo rito ang box na ito." May iniabot itong box na sinlaki lamang ng regular na shoebox. Yari ito sa makapal na kahoy na may kandado. Kinuha naman ito ni Chad.
"May kandado?" ani Chad. "Pero paano ito bubuksan ni Lorenzo? Wala ba itong kalakip na susi?"
"Kung si Lorenzo nga ang pagpapasahan niyo nito. Nalalaman daw dapat nito kung saan eksaktong matatagpuan ang susi ng kahong ito. Nais ko ring magbigay ng babala na huwag niyo itong bubuksan o tatangkain man lang na buksan. Mahigpit na ipinagbilin ni Armando na si Lorenzo lamang ang dapat na magbubukas nito."
Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.
"Pero paano naman kung hindi na siya bumalik? Saan namin dadalhin ang box na ito?" tanong ni Carolina.
"Kailangang ibaon niyo ito sa ilalim ng lupa." Sagot nito. "Kailangang siguraduhin niyong walang ibang tao makakahukay niyan. Huwag niyo ring hahayaang masunog ito o mawasak. Kung ano man ang laman niyan, tiyak na may dahilan kung bakit mariing bilin ni Armando na panatiliing nasa loob ang kung ano man ang nasa loob nito."
"Yun lang ba ang mahigpit na ibinilin niya?" tanong ni Carolina.
"Mayroong isa pa." Sagot ni Mr. Soliman.
"At ano naman 'yun?" tanong ni Chad.
"Ang lahat ng sulok ng bahay at ang buong lupain ay sa inyo na at maaari niyong galawin, mapuwera lang sa lumang balon sa likod ng mansyon. Sa ngayon ay pinatakpan niya ito ng matibay na konkreto sa ibabaw, pero kung sakali mang mabasag o masira ito sa hinaharap, kailangan niyong gumawa ng paraan upang matakpan itong muli nang hindi sinisilip man lang ang bunganga nito."
"P-pero bakit po?" pagsingit ni Ysabelle. "Ano po ba ang mayro'n sa balon na 'yun?"
Napabuntong-hininga si Mr. Soliman. "Hindi ko rin alam at wala akong balak alamin pa. Sadyang napakalihim ng matalik kong kaibigan na si Armando pero sa pagkakakilala ko sa kanya, hindi n'ya itatago ang mga ito nang walang mabigat na dahilan. Alam niyang wala sa pagkatao ko ang magkalkal ng mga sikreto niya kaya sa akin lamang niya pansamantalang ipinagkatiwala ang mga ito. Gayahin niyo na lamang ang ginawa ko para makaiwas kayo sa aberya. Sa inyo na lahat ang kayamanan niya, ngunit ang bawal ay bawal. Sundin na lang natin ang gagarampot na mga kahilingan niya."
***
"Grabe..." tila kinikilig na wika ni Ysabelle nang pinasok nila ang bahay. "Ang ganda!" Moderno na rin kasi ang interior ng malaking bahay, mula sa mga furnitures hanggang sa mga appliances at electronics. "May wifi po ba ang bahay na ito?"
"Putol pa sa ngayon ang lahat ng telepono at subscriptions mapuwera lang ang kuryente ng bahay na ito. " Sagot ni Mr. Soliman. "Tatlong taon din kasing nabakante ang bahay na ito simula ng mamatay si Armando kaya ipinahinto ko na muna. Pero maaari niyo namang tawagan ang mga providers na ito upang maikabit muli."
Biglang naglulundag si Ysabelle. Napatawa naman si Kristoff sa kapatid. "O, akala ko ba you don't like it here? Uwi ka na ro'n sa Manila. Iwanan mo na kami rito!"
***
Tila napipi si Chad at Carolina nang dinala na sila ni Mr. Soliman sa napakalaking garaheng naka-attach sa bahay. Kinapapalooban kasi ito ng limang magagarang sasakyan. May isang pick-up, isang van, isang suv, isang sportscar at isang vintage car.
"Nakasabit ang mga susi ng mga sasakyang ito sa maliit na kabinet na 'yun." Itinuro ni Mr. Soliman ang maliit na cabinet na katabi ng fuse box. "Pero kayo na lamang ang bahalang mag-update ng mga insurance, plaka at permits ng mga ito dahil hindi ko na naasikaso pa ang mga ito dahil marami rin akong ibang inaasikaso. Nakalagay naman sa testamento na ibinibigay na niya ang lahat ng ito sa inyo. Ang kailangan niyo lang asikasuhin ay ang paglilipat ng titulo ng mga ito sa inyong pangalan."
"Naku..." tila hirap na hirap na makahagilap ng tamang salita si Chad. "Ok lang po 'yun Mr. Soliman. Kami na po ang bahala. Maraming salamat po."
"Oh, 'di maiwan ko na kayo. Nasa inyo naman ang telepono ko kaya tawagan niyo na lamang ako kung may mga katanungan pa kayo. Kayo na lang ang bahalang mag-ikot sa bahay na ito. 'Yun nga lang, hindi ko na naipalinis pa ang mga silid dahil mahigit sa isang taon nang nagretiro ang dating tagapaglinis dito."
"Ok lang po 'yun. Kami na rin po ang bahala." simpleng sagot ni Carolina. "Kami naman po ang titira rito kaya dapat lang na kami na ang maglinis. Maraming-maraming salamat po sa lahat ng ginawa niyo para sa amin. Lalong-lalo na po sa matiyaga niyong paghahanap sa asawa ko."
"Walang anuman. Utang ko rin ang buhay ko kay Armando kaya maliit na bagay lamang ito kumpara sa mga ginawa niya para sa akin nung nabubuhay pa ito. Sige...aalis na ako. Sana'y magustuhan niyo ang pagtira sa bahay na ito."
[ITUTULOY]
BINABASA MO ANG
MHST 3: Ang Balon
HorrorMHST Volume 3: ANG BALON - Sa mahabang panahon ng pangangasera ng isang pamilya sa siyudad, malaking surpresa ang pagdatal ng isang biyaya mula sa kapapanaw lamang na malayong kamag-anak sa probinsya. Tiyempo sa panahon ng kanilang pagdarahop; at ng...