"Puwede bang magtanong?" Tanong ni Polo kay Kristoff, habang abala ang huli sa pagpo-photocopy sa loob ng library sa bahay ng kaklase.
"Tungkol saan?"
"Hindi ka ba natatakot do'n sa tinitirahan niyo?"
Saglit na napahinto si Kristoff sa ginagawa, "bakit naman ako matatakot?"
"Medyo nakakatakot kasi ang reputasyon ng bahay na 'yon dito sa atin. Lalo na sa school, laging laman 'yan ng mga pinag-uusapan ng mga estudyante kapag nag-uusap sila ng mga katatakutan. May mga urban legend pa ngang kumakalat eh."
"Kung medyo nagwo-worry man ako, hindi dahil sa bahay, kundi sa mga taong umaali-aligid. Noong una, medyo natatakot ako sa kanila; pero habang tumatagal, mas naiinis na ako kaysa natatakot. Para kasing laging may nakamasid sa bahay namin."
"Hindi ka ba nako-curious?"
"Saan, sa mga tao sa labas ng bahay namin?"
"Hindi. Do'n sa balon?"
Napaisip si Kristoff, "medyo, pero mahigpit kasing ipinagbawal sa amin ang pakialaman ang balon na 'yun. Hindi ko na lang pinupuntahan o tinitingnan man lang para hindi ako matukso."
Tumango si Polo, "ganun ba? Ako kasi nako-curious eh. Matagal ko nang gustong pumunta ro'n para sa vlog ko. Tungkol sa mga ganyan kasi ang vlog ko. Hindi ka naman siguro mato-trouble kung ako, instead na ikaw ang pupunta ro'n, 'di ba?"
Sinamaan ng tingin ni Kristoff ang bagong kaibigan, "ayoko nga. Baka mapagalitan ako ng parents ko. Tsk. Huwag mong sabihin na kinakaibigan mo lang ako dahil gusto mong makapasok sa 'min?"
Bahagyang tinapik ni Polo si Kristoff sa braso, "grabe ka namang makabintang." Natatawa naman ito, "gusto ko naman talagang makipagkaibigan sa 'yo regardless. Bonus lang 'yung ano—"nakabungisngis na nagtaas baba ang mga kilay nito.
"Iba na lang ang hilingin mo kapalit ng pabor na 'to, Polo." Itinaas nito ang mga photocopies mula sa copier. "Baka mapalayas kami sa gusto mong mangyari eh."
Siniko nito si Kristoff, "ikaw naman. Hindi naman siguro kayo mapapalayas kung wala namang makakaalam. Hindi naman sa inyo nakatira si Mr. Soliman, 'di ba?"
Umiling si Kristoff. "I'm sorry. Hindi talaga puwede." Mas minadali na nito ang ginagawa dahil medyo naiinis na rin ito sa sobrang kakulitan ni Polo.
***
Nakasimangot si Kristoff nang sunduin ito ni Chad. Hindi naman nagsinungaling sa ama ang binatilyo nang tinanong ito ng ama.
"Mabuti 'yan, anak." Pagpuri ni Chad sa anak, "umiwas ka na lang kapag muli kang kinulit. Alalahanin mo na lang kung ano ang mawawala sa atin kapag sumuway tayo sa mahigpit na bilin ni Mr. Soliman."
"Pero Pa. Hanggang kailan tayo ganito?"
"What do you mean?"
"Hanggang kailan po natin titiisin ang mga tao sa paligid? Kung sino-sino na po ang nakikita kong nakabantay sa labas ng gate natin. Meron pa nga po na parang gusto na ring akyatin ang bakod natin. Sa school, parang ako rin ang pinagbubulungan ng mga estudyante. Parang ayaw rin nilang makipagkaibigan sa akin. Si Polo lang ang nag-iisang bumati sa akin, pero may hidden agenda naman pala."
"Kaunting tiis lang anak." Napangiti si Chad nang matanaw na niya ang gate ng kanilang bahay. "Mapapagod 'din ang mga 'yan. Mas mahalaga ang pagsunod sa kundisyon dahil wala tayong malilipatang iba kung mapapaalis tayo ro—"
Halos mapasubsob na ang mag-ama sa dashboard nang biglang napapreno si Chad. May bigla kasing dumaan na tila isang matim na nilalang na agad din namang naglaho sa dilim.
"N-nakita mo ba 'yun, 'Nak?!" Sindak na sindak ang hitsura ni Chad.
"O-opo." Namimilog ang mata ng bintilyo. "N-nanggaling po sa bahay natin, tapos bigla itong tumawid sa harapan ng sasakyan natin papunta sa kabilang kalye!"
Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.
Magkasabay na nilingoin ng mag-ama ang kabilang kalye. Madilim na ang paligid kaya halos wala na rin silang naaninag man lang. Medyo may kalayuan na ang posteng may malamlam na ilaw kaya wala ring naitulong ito upang makaaninag sila sa dilim.
Nakatutok pa rin ang mga mata ni Chad sa madilim na kaliwang bahagi ng kalye nang bigla s'yang tinapik ng anak. Nilingon naman nito ito agad at nakitang nanlalaki ang mga mata nito at nanginginig na ang buong katawan. Animong nahihirapan itong magbigkas ng kahit anong salita. Nakatingin ito sa bintana sa itaas ng bahay nila kaya sinundan niya kung ano ang tinatanaw nito. Ngunit hindi n'ya naiwasang mapaiktad sa sobrang gulat nang matanaw niyang may tatlo siluweto ng tao ang nakatayo sa may bintana sa kuwarto nila ni Carolina sa itaas.
"P-Papa?" nang makabuwelo na si Kristoff. Mangiyak-ngiyak ito "sino ang mga 'yon, at anong ginagawa nila sa bahay nati—?" hindi na naituloy ng binatilyo ang sinasabi nang mapansin nitong unti-unti nang naglalaho ang mga siluwetong nakita nila.
Muli silang nagkatinginan ng amang si Chad, bago nila muling tinanaw ang bintana, ngunit para lamang gapangin ng mas matinding hilakbot nang may natanaw silang isa pang hugis tao—isang matangkad na lalaki—sa ibabaw ng bubungan. Nakatayo ito nang paharap sa kalsada—at sa pakiwari pa nga nila ay nakatanaw ito mismo sa kanilang mag-ama. Hindi pa man nila gaanong napoproseso ang nakikita ay biglang lumundag ang nilalang na iyon sa bandang likod-bahay, hanggang sa tuluyan na itong mawala sa kanilang paningin.
Marahang nilingon ng mag-ama ang isa't isa. Kapwa nila nababasa ang matinding sindak sa ekpresyon ng kanilang mga mukha. Hindi pa man din nagtatagal ang kanilang pagtitinginan nang may biglang sumalampak sa windshield sa side ni Chad. Isa itong matandang babaeng nakadikit na ang buong mukha sa mismong windshield.
"Nakita niyo rin 'yon, 'di ba!' sabi ng matandang babae, "huwag na kayong tumanggi. Parang awa niyo na. Tulungan niyo akong mahanap ang apo ko. Nand'yan lang siya sa loob ng bahay niyo, sigurado ako."
Noon lamang din naman napagtanto ni Kristoff na ito rin ang matandang babae na parating umaaligid sa labas ng kanilang gate upang hanapin ang kanyang apo.
***
"Ako nga pala si Igna." Pagpapakilala ng matanda. Pinapasok ito ng mag-ama sa likod ng kotse. "Pasensya na kayo sa akin. Wala akong masamag intensiyon. Gusto ko lang talagang mahanap ang apo ko."
"Pero saan naman po natin hahanapin ang apo niyo?" sabi dito ni Chad. "Nilinis na po namin ang buong bahay pero wala naman pong ibang tao bukod sa aming mag-anak."
"Eh anong tawag niyo sa taong nakita niyo sa ibabaw ng bubungan niyo kanina? Hindi ba't ibang tao rin 'yun bukod sa inyong mag-anak? Maniwala kayo sa 'kin. Nariyan pa rin sa bahay niyo ang apo ko, pati na ang sampung iba pa na diyan din huling nakita sa loob ng inyong bakuran."
Muli na namang nagkatinginan ang mag-ama dahil may ipinupunto naman ang matanda.
"A-ano po ba ang gusto niyong gawin namin para matulungan kayo?' Ani Chad sa matandang babae."
"Hayaan niyo akong makapasok. Kahit saglit lang." Sagot ni Igna, "kahit na bantayan niyo pa ako."
[ITUTULOY]
BINABASA MO ANG
MHST 3: Ang Balon
HorrorMHST Volume 3: ANG BALON - Sa mahabang panahon ng pangangasera ng isang pamilya sa siyudad, malaking surpresa ang pagdatal ng isang biyaya mula sa kapapanaw lamang na malayong kamag-anak sa probinsya. Tiyempo sa panahon ng kanilang pagdarahop; at ng...