KABANATA 15

497 40 1
                                    

Inabot ng buong linggo ang pag-oorganisa ni Adella sa lahat mga taong hiningian niya ng tulong. Mula sa mga awtoridad ng pulisya at opisyales ng barangay hanggang sa mga eksperto sa mga kababalaghan mula sa ibang lugar hanggang sa mga lokal na manggagamot at albularyo na tulad ni Temyong. Naroon na rin ang mga kontratistang magbabaklas sa bawat sulok ng bahay upang malaman kung ano ba talaga ang naglilikha roon ng mga kalabog at ingay. Pinahintulutan naman niyang magmatiyag sa loob ang pamilya Veloso, si Igna, si Mario, at piling mga kaanak ng sampung iba pa na diumano'y nawala raw sa bahay na iyon. Hindi rin naman niya ipinagkait ang pagmimiron ng mga tao sa labas ng tarangkahan, upang maipakita sa mga ito na wala siyang intensiyong itago sa kahit kanino ang kahit anong madidiskubre nila sa bahay na iyon alang-alang sa kapanatagan ng kalooban ng lahat.

Unang binagtas ng mga kontratista tagagiba, ng mga pulis, at ng mga opisyales ng baranggay ang silong. Nakabuntot naman sa mga ito si Adela at ang mag-asawang Veloso. Itinuro ni Chad sa mga ito ang mga ekis na iginuhit niya sa mga pader at ipinaalam sa mga awtoridad ang naging karanasan nila noong araw na minarkahan niya ang mga dakong iyon.

"Sige, gibain niyo na itong may mga marka." Utos ng pinuno sa tatlong pulis sa dalawang tagagiba na may hawak na malalaking maso. "Pero alalay lang, kaunting ingat dahil hindi pa natin alam kung ano ang nasa likod niyan."

Sumunod naman ang mga tagagiba. Bahagyang napaatras naman ang lahat at nagtakip ng kanilang mga mukha dahil sa pagkalat ng pinaghalong alikabok at debris mula sa binubuwal na pader. Napapaubo na si Adela at ang mag-asawa kaya sila na rin ang nagkusang mauna nang lumabas mula sa silong upang sa may kusina na lamang hintaying humupa ang mga alikabok sa ibaba.

"Kinakabahan ako, Chad."  Bulong ni Carolina sa kabiyak. "Ano kayang naroro'n."

"Ako rin naman."  Bulong ni Chad pabalik. Niyakap nito at hinalikan sa noo ang asawa.

Napapangiti naman si Adella sa mag-asawa. "Ang sweet niyo naman."

Medyo napahiya naman ang mag-asawa kaya agad silang kumalas sa isa't isa.

"Ma'am Adella!"  Pagtawag ng opisyales ng baranggay mula sa basement.  Agad namang sumugod pababa sa basement si Adella at mag-asawang Veloso.

Nadatnan nilang nakatakip pa rin ang mga ilong at bibig ng lahat ng mga tao sa silong, ngunit hindi na ito dahil sa alikabok, kundi sa nakaririmarim na bagay na tumambad sa kanila sa likod ng ginibang pader.

"Mahabaging langit!" Napaduwak si Carolina sa sobrang pandidiri. Yumakap ito sa asawa bago tuluyang napaiyak sa dibdib nito.

Hindi naman malaman ni Adella kung ano ang sasabihin niya sa labis na pagkagimbal kaya tinakpan na lamang nito ang nakangangang bibig habang marahang sinusuyod ng tingin ang palibot ng basement.

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved. 

Hindi na halos mabilang ni Adella ang mga nakasabit na ulong pugot sa kesame ng kabilang pader.  Sa bandang loob naman ay may mga nakahilerang steel shelves na may parihabang mga aquarium na may umaandar na oxygen sa ibabaw ng malinaw na ngunit bumubula-bulang likido, ngunit sa halip na isda ang nakalagay ay mga pusong tumitibok-tibok pa, mga lumulutang na utak, mga mata at iba't ibang bahagi ng mga katawan—tulad ng  putol na kamay na kusang gumagalaw at ilang pares ng mga baga na wari'y humihinga ng kusa.

Sa bandang sahig naman ay kapansin-pansin ang hindi masukat na tilamsik ng mga dugo, ilang piraso ng mga naagnas na parte ng katawan, mga ngipin, buhok at mga kuko, na tila ba ang sahig na iyon ang nagsisilbing katayan ng mga taong pinirapiraso sa lugar na iyon.

"Buo pa ang mga ulong ito." Wika ng isa sa mga pulis na sumisipat sa mga nakasabit na ulo. "Parang sadyang pinreserba upang magsilbing tropeyo. Amoy pormalin. Mukhang ito na lang ang magagamit nating pagkakakilanlan sa mga taong ito." 

MHST 3:  Ang BalonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon