KABANATA 3

573 40 6
                                    

"OMG Mama!" Bulalas ni Ysabelle habang nililikom nila ang mga framed na litrato sa pasilyo ng ikalawang palapag. "Ito ba si Lorenzo?" pinagmamasdan nito ang nakangiting litrato ng isang binata.

"Malamang..."sagot naman ni Carolina habang pinupunasan ang frame na hawak-hawak n'ya. "Ang guwapo ano?"

"Ganito pa rin kaya ang hitsura nito ngayon kahit isang dekada na ang lumipas?"

"Ewan natin pero hindi naman basta-basta nagbabago ang hitsura ng isang tao sa loob lang ng isang dekada unless nagparetoke 'di ba? Malamang magte-trenta anyos na 'yan ngayon pero bata pa naman ang isang trenta anyos. Malay natin kung mas guwapo pa 'yan ngayon kung sakaling buhay pa. Oh, akin na nga 'yan para mapunasan ko na. Kailangan muna nating tanggalan ng alikabok ang mga ito bago natin ilagay dito sa box na dadalhin ko sa attic."

"Opo." Sabay bigay ng litrato ni Lorenzo sa kanyang ina.

"O, iabot mo na rin ang nakasabit doon sa dulo." Itinuro ni Carolina ang nakasabit sa pader ng pinakadulong bahagi ng pasilyo. Sumunod naman si Ysabelle bagama't napakunot-noo ito nang napagmasdan kung ano ang naka-frame na litrato. Napansin naman agad ni Carolina ang ekspresyon sa mukha ng anak. "O bakit?"

"Tingnan niyo po ito, 'Ma." tinabihan nito ang ina para ipakita ang litratong tinitingnan niya. "Hindi po ba ito 'yung tinutukoy na balon d'yan sa likod-bahay?"

"Oo nga ano..."

"Bakit naka-frame pa ang litrato nito?"

Kinuha ni Carolina ang photo frame para sipatin ang likurang bahagi at ang kasulok-sulukan ng litrato ngunit wala naman itong nakitang kakaiba.

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

"Ano nga kaya ang nasa balon na 'yan, 'Ma? Bakit kaya bawal galawin?"

Hindi sumagot si Carolina. Napansin naman agad ni Ysabelle na tila napapatitig na ang kanyang ina sa litrato ng balon.

"Ma!" Niyugyog na rin ni Ysabelle ang kanyang ina.

Tila nagulantang naman si Carolina sa ginawa ng anak, "h-ha? A-ano nga ulit ang sinabi mo?"

"Ang sabi ko, ano nga po kaya ang nasa balon na 'yan?"

"Ah...e-ewan natin." Napapasulyap pa rin ito sa litrato na tila may nakikita ito sa lumang larawan na nais nitong mas matitigan pa. "S-sumunod na lang siguro tayo para hindi tayo magkaproblema. Maliit na pakiusap lang naman 'yun kung tutuusin kumpara sa napakaraming biyayang ipinamana sa atin."

"Pero—"

"Wala nang pero-pero, Ysabelle." May pag-aalinlangan man ay inilagay na rin ni Carolina ang hawak niyang frame sa malaking kahon na dadalhin niya sa attic. "Heto ang duster." Iniabot nito sa anak ang feather duster na hawak. Tulungan mo na lang akong magtanggal ng mga alikabok sa mga kasangkapan sa living room. Tanggalin mo na rin muna ang mga taklob sa mga sofa bago mo wawalisan ang sahig, ha?"

"Opo."

***

Inakyat na ni Carolina ang spiral staircase patungo sa attic. Ang lugar na akala n'ya ay kakikitaan niya ng maraming lumang kagamitan ay halos wala namang laman. Bukod sa isang lumang cabinet at salamin ay wala nang nakalagay roon, kaya naman mabilis niyang nahanapan ng lugar kung saan niya ilalagay ang kahong dala-dala. Lilisanin na sana niya ang attic nang napalingon siya sa bintana. Sinilip nito ito at agad na nakumpiramang nakaharap pala ang bintanang 'yun sa eksaktong lukasyon ng balon sa likod-bahay.

'Ano nga kaya ang misteryo sa balong 'yun?' ang katanungan ni Carolina sa kanyang isipan. Muli niyang naalala ang larawan ng balon kaya muli niyang nilingon ang kahong dala-dala n'ya kanina upang muling kunin ang larawang ito. Itinapat muna nito ang larawan sa liwanag ng bintana bago nito ito muling tinitigan.

Base sa anggulo ng larawan, mukhang kinuhanan ang balong iyon sa mismong kinatatayuan n'ya ngayon sa attic. Ang pagkakaiba lang ng hitsura ng balon ay walang takip ang bunganga nito sa larawan. Unti-unting inilapit ni Carolina ang kanyang mga mata sa madilim na bunganga ng balon sa litrato, hanggang sa napansin niya ang isang pares ng mga kamay na may mahahabang daliri ang tila nakakapit sa napakaliit na bahagi ng bunganga ng balon. Nabitawan ni Carolina ang larawan sa sobrang gulat sa nakita. Nang dahil doo'y pumatak ang frame sa sahig at nabasag ang salamin nito. Nagsimula na ring maghagaran ang kanyang hininga sa sobrang kaba.

'Ano 'yun?' mangiyak-ngiyak si Carolina habang itinatanong ito sa kanyang isipan. 'h-halimaw? M-may halimaw sa balon?'

***

"Ok ka lang ba?" tanong ni Chad sa asawa habang kumakain sila ng hapunan sa hapag-kainan.

"H-ha? O-oo." tila natatarantang ipinagpatuloy ni Carolina ang pagkain. "B-bakit mo naman naitanong?"

"Kanina ka pa kasi nakatulala r'yan."

"Ha? A-ah...pagod lang ako. M-marami kasi akong ginawa ngayon."

"Ah, ganun ba? Kunsabagay, hindi nga madaling maglinis sa ganitong kalaking bahay. Mabuti na lang talaga at wala na tayong kailangang kumpunihin. Puro alikabok lang ang kalaban natin."

Sandaling binalot sila ng katahimikan. Tanging tunog lamang ng mga nag-uumpugang kubyertos at babasaging plato ang maririnig sa kapaligiran.

"W-wala ka ba talagang naaalalang kahit ano tungkol sa namayapa mong tiyuhin?" pagbasag ni Carolina sa katahimikan.

"Bukod sa sinabi ni Inay na pagtalikod nila ni Lola sa buong angkan ng Montecillo simula nang pumanaw ang Lolo ko na isang Montecillo, wala na itong iba pang nabanggit."

"Pero bakit nga ba tinalikuran ng Lola mo angkan ng Lolo mo?"

"Hindi ko rin alam eh. Nagagalit kasi si Inay kapag nagtatanong ako dati. Bakit mo naman naitanong?"

"Wala lang. Namimisteryuhan lang ako sa tiyuhin mo pati na doon sa anak niyang si Lorenzo. Nasaan na nga kaya 'yun? Bakit kaya bigla na lang itong naglaho? Eh...'yung asawa ng tiyuhin mo, may nabanggit man lang ba si Mr. Soliman na 'yo kung ano ang ikinamatay nito?"

"Ang sabi ni Mr. Soliman sa akin. Pumanaw raw ito sa panganganak kay Lorenzo, pero bukod doon ay wala na itong ibang nabanggit pa."

"Papa..." tila naiilang na pagsingit ni Kristoff. Napalingon naman ang lahat sa gawi nito.

"O, bakit?" tanong dito ng ama.

"E-eh..." bakas sa mukha nito ang pag-aalinlangan sa sasabihin.

"Ano 'yun anak?" tanong dito ni Carolina.

"M-may matandang babae po kasing nakatayo sa labas ng gate kanina. N-nasa hardin po ako kaya tinanong ko po ito sa may bakod. Tinanong ko po kung anong ginagawa niya sa labas ng gate natin at may..."

"May ano?" tanong ni Ysabelle sa kapatid.

"May sinabi po siya sa akin bago ito umalis."

"Ano naman ang sinabi sa 'yo?" tanong ni Chad.

"Marami raw pong nawawalang tao sa lugar na ito at ang lahat daw po ng mga taong ito'y dito huling nakita sa bakuran natin. Hinihintay raw po niya ang kanyang apo. Nagbabasakali raw po siyang lumabas pa ito sa bahay na ito."

Nagkatinginan muna ang mag-asawa bago muling nilingon ni Carolina ang anak, "naku Kristoff. Mag-iingat ka. Huwag kang basta-basta makikipag-usap at magpapaniwala sa mga taong hindi natin kilala. Aalalahanin mong bagong salta lang tayo sa lugar na 'to. At ang isa pang 'wag na 'wag niyong gagawin ay ang basta-bastang pagpapapasok ng kung sino-sino. Mahirap na. Napakadelikado na ng panahon ngayon. Naiintindihan mo ba?"

"O-opo pero..." Nakayukong sagot naman ni Kristoff.

"Pero ano?" tanong ni Chad.

"Nabanggit din po nung matanda ang tungkol sa balon."

Muling nagkasulyapan ang mag-asawa. "At ano naman daw ang tungkol sa balon?"

"Hindi ko po masyadong maintindihan." Sagot ni Kristoff, "basta't ang eksaktong pagkakasabi n'ya ay ito raw po ang balong nasa pangangalaga ng angkan ng mga Alejandro; ang kakambal na balon ng mga Alcaraz sa San Ildefonso. Ito raw po ang daanan ng mga demonyo at halimaw mula sa impiyerno."

[ITUTULOY]

MHST 3:  Ang BalonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon