"Handa na ba kayo pumasok sa school?!"
Napapitlag ang magkapatid sa biglaang pagsasalita ni Adella habang naka-focus sila sa pagtingin sa mga naka-frame na litrato. Nakasabit ang mga litratong ito sa magkabilang pader ng hallway na malapit sa mga silid na ipinahiram ni Adella sa kanila.
Napatawa si Adella, "I'm so sorry, nagulat ko ba kayo? Nakahanda na ang breakfast niyo sa ibaba, at naghihintay na rin ang driver para maihatid kayo sa school. Siya na rin ang susundo sa inyo mamaya."
"Thank you po." Magkasabay na sagot ng magkapatid.
"Sino bang tinitingnan niyo ryan?" nilapitan nito ang magkapatid at tiningala ang malaking frame na kinapapalooban ng litrato ng dalawang napakagandang babae.
"Kayo po ito, hindi ba?" Itinuro ni Kristoff ang kamukha ni Adella sa litrato, "eh sino po ito?" Itinuro naman nito ang babaeng kasama ni Adela sa larawan.
"Ah, 'yan si Julia. Younger sister ko."
"Hindi na po ba siya rito nakatira?" si Kristoff pa rin.
Napabuntong-hininga muna si Adella, "hindi na eh. Nag-asawa na kasi siya. Napangasawa niya 'yung anak ng business partner ni Papa a little more than a year ago. Ang ganda niya no?"
Tumango naman ang magkapatid habang nakatitig sa litrato.
"Magkamukha po kayo." Ani Ysabelle.
"Maybe because we both look a lot like our Mom. So pa'no, kumain na kayo sa ibaba at baka ma-late pa kayo sa school."
"Eh, kayo po?" si Ysabelle kay Adella.
"Sasabay na lang ako sa parents niyo mamaya bago ang lakad namin mamaya. Mukhang tulog pa sila at ayoko namang ipagising dahil alam kong napagod ang Papa niyo dahil late na kaming natapos kagabi."
Tumango naman ang magkapatid, "sige po."
***
"Nakakahiya na sa 'yo Adella," si Chad habang nag-aagahan silang mag-asawa kasama ito, "Kami na nga itong nakakaabala, ikaw pa itong nag-asikaso sa pagpasok ng mga bata. Hayaan mo't hahanap na kami ng malilipatan sa lalong madaling panahon."
"Saka niyo na isipin ang paglipat. Wala namang kaso sa akin kung dumito muna kayo hanggang sa maayos natin ang problema sa property ni Tito Armando. Nag-iisa na lang naman ako rito sa bahay simula ng umalis ang kapatid ko at nang pumanaw ang Papa. Maganda nga 'yan nagagamit ang mga bakanteng silid sa bahay na ito."
"Kahit na, nakakahiya pa rin." ani Chad. "A-ano bang plano mo s-sa mga iba pang naiwan ni Tiyo Armando? Pasensya ka na, nagamit na rin namin 'yung dalawang sasakyan. Pero okey pa naman 'yung lumang kotse namin kaya ibabalik na lang namin sa—"
"Sa inyo na ang mga 'yun." Walang pag-aalinlangang wika ni Adella. "Ako na ang legal na maglilipat ng mga sasakyang iyon sa inyong pangalan. Kahit na 'yung laman ng dalawang bank account na ibinigay sa inyo ni Santino. Ako na rin ang magpapalipat sa pangalan niyo."
Nanlaki ang mga mata ng mag-asawa, "sigurado ka?" magkasabay nilang tinuran.
"Nasa mahigit sa limampung milyong piso pa ang total ng dalawang bank account na 'yun, Adella." Ani Carolina.
"Alam ko." Nakangiti ito, "sa inyo na. Para makapag-umpisa kayo sa ibang lugar. Para magamit niyo sa kinabukasan ng mga anak niyo. 'Yun nga lang, hindi ko alam kung gugustuhin niyong ipasa ko na rin sa inyo ang titulo ng lupa at bahay na tinirhan niyo." Natatawa ito. "Gusto niyo bang sa inyo na rin ang property na 'yun? Sabihin niyo lang, I'll legally transfer that under your name too."
Lalong napatawa si Adella nang magkasabay na umiling ang mag-asawa.
"Meron nga lang akong isang kundisyong hihilingin sa inyo kapalit ng lahat ng iyon."
BINABASA MO ANG
MHST 3: Ang Balon
HorrorMHST Volume 3: ANG BALON - Sa mahabang panahon ng pangangasera ng isang pamilya sa siyudad, malaking surpresa ang pagdatal ng isang biyaya mula sa kapapanaw lamang na malayong kamag-anak sa probinsya. Tiyempo sa panahon ng kanilang pagdarahop; at ng...