KABANATA 4

559 38 2
                                    

"Angkan ng mga Alejandro?" tanong ni Carolina sa asawa habang naghahanda na sila sa pagtulog. "Alam mo ba ang kuneksyon ng mga Montecillo sa angkang nabanggit ng matanda?"

"Hindi ko rin alam." Sagot ni Chad sa asawa. "Alam mo namang napakalimitado ng kaalaman ko sa pinagmulan ng aming angkan. Ang alam ko lang, isang Montecillo si Inay bago siya naging Veloso nang magpakasal siya kay Itay."

"Totoo kaya 'yun?"

"Ang alin?"

"Na daanan papuntang impiyerno ang balon sa likod-bahay? 'Yun kaya ang dahilan kung bakit bawal na buksan ito?"

"Naku Carolina. Ikaw na ang nagsabi sa anak mo, 'wag kang basta-basta naniniwala sa mga sabi-sabi lalo na kapag mula sa mga hindi naman natin kilala. Malay pa natin na isinara lang 'yun para hindi ito makaaksidente. Napakadelikado naman kasi talaga kapag may balon sa bakuran, lalo pa kung may mga bata sa paligid."

Biglang naalala ni Carolina ang mga nakita niya sa larawan ng balon. Ang mahahabang daliring nakakapit sa bunganga nito na tila hindi naman mga kamay ng isang normal na tao. Natutukso itong sabihin sa kanyang asawa ang tungkol doon, ngunit mas minabuti nitong itikom na lang ang bibig dahil hindi rin naman kasi masyadong malinaw ang larawan. Pumapasok din sa isipan niya na baka namamalik-mata lamang s'ya at guni-guni lamang n'ya ang kanyang nakita."

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Malalim na ang gabi nang maalimpungatan si Carolina. Nakaririnig kasi ito ng mga yabag sa labas ng kanilang silid. Nilingon niya si Chad sa kanan niya. Napakahimbing ng pagtulog nito kaya ingat na ingat ito sa pagbaba ng kama upang silipin ang pasilyo sa labas ng kanilang silid.

Sinuyod niya ng tingin ang magkabilang direksyon, ngunit wala naman siyang nakita kundi ang mga night lights sa magkabilang dulo. Marahan niyang binagtas ang silid ni Kristoff upang silipin ito. Tulog na tulog na rin naman ang binatilyo. Sunod niyang binagtas ang silid ni Ysabelle, at nakitang mahimbing na rin ang tulog ng dalagita.

'Kaninong mga yabag kaya 'yung narinig ko kanina?' tanong niya sa kanyang isipan habang marahang binabagtas ang pabalik sa silid nila ni Chad.

Nasa kalagitnaan siya ng paglalakad ng makaramdam siya ng napakalamig na hangin sa kanyang batok. Napaiktad ito sa gulat. Ang pakiramdaman n'ya kasi'y tila may idinaiting yelo sa kanyang batok.

Bumilis ang paglalakad Carolina patungo sa harapan ng pintuan ng kanilang silid. Tiyempong pipihitin na ni Carolina ang doorknob nang bigla na lamang may humawak na mahahabang mga daliri sa kanyang braso at sa biglang paglingon n'ya ay bumulaga naman sa kanya ang nakatatakot na mukha ng isang demonyong may napakalaking bunganga at sunog na balat.

Napasigaw nang malakas si Carolina.

"Carolina!" Nagising si Carolina sa mahihinang tampal ni Chad. Panaginip lang pala ang lahat. Ito ang napala niya sa kaiisip tungkol sa litrato ng balon at sa sinabi ng matandang babae sa anak niyang Kristoff bago siya tuluyang nakatulog kanina. "Ano ba ang napanaginipan mo at parang takot na takot ka?"

"Ha?" pupungas-pungas na inayos ni Carolina ang sarili. "W-wala...h-hindi ko na nga masyadong maalala eh." Pagsisinungaling niya.

"Gusto mo ba ng tubig?"

"O-oo, sige."

***

Hindi maiwasan ang palagiang paninindig ng mga balahibo ni Carolina. Ito ang dinaranas niya sa tuwing natatanaw niya ang balon sa tuwing nagagawi siya sa likod-bahay. Pinaghalong kilabot at kuryosidad naman ang nagdudulot ng kalituhan sa kanyang isipan. Isang bahagi ng pagkatao niya ang nais tumakbo papalayo bagama't may bahagi rin naman na nais malaman ang katotohanan sa likod ng misteryo ng balon.

"'Yan ang asawa ng nagmana ng bahay ng mga Montecillo." 'Yun ang isa sa mga bulong-bulungan ng mga babae sa maliit na grocery store na kanyang pinuntahan ngayong araw.

"Alam n'yo..." wika naman ng isa sa mga kababaihan, "nakakaawa talaga ang duktor na 'yun 'no? Hindi na talaga nito nakita pa ang anak niya hanggang sa huling hininga. Nasaan na nga kaya si Lorenzo 'no? Kung na-kidnap man 'yun, bakit hindi man lang humingi ng ransom? Sayang na sayang, napakatalino at napakaguwapong bata pa naman no'n."

"Hmp." Reaksyon naman ng isa pa sa mga tsismosa, "ewan ko sa inyo ha? Pero para sa akin, karma na lang 'yun ni Dr. Armando Montecillo. Sa dami na rin naman ng mga nawawalang taong huling nakita sa bakuran nila, baka pinarusahan na rin siya ng Diyos."

"Sobra ka naman, Pillar. Eh wala namang napatunayan ang mga kinuukulan na may kinalaman ang duktor na 'yun sa mga taong nawawala."

"Eh 'di ba doon huling nakitang buhay ang mga taong 'yun sa bahay ng mga Montecillo?"

"Baka naman nagkataon lang."

"Sobrang pagkakataon naman 'yun? Labing-isang tao ang nawala tapos nagkataon lang?"

"Hay ewan. Bahala na nga kayo. Basta't ako, ayokong magbintang kung wala naman akong ebidensya..."

Hindi na tinapos pa ni Carolina ang pakikinig sa usapan ng mga babae. Sapat nang malaman niya na hindi lamang ang matandang nakausap ng anak niyang si Kristoff ang nagsasabing may mga tao ngang bigla na lang naglaho sa bahay na tinutuluyan nila ngayon. Lalo namang lumakas ang pagnanasa niyang malaman ang katotohanan, bagama't hindi pa rin naman mawala sa kanya ang labis na pangamba.

[ITUTULOY]

MHST 3:  Ang BalonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon