KABANATA 1

762 40 0
                                    

"Malayo pa po ba tayo?" tanong ni Kristoff sa mga magulang na nakaupo sa harapan ng kotseng kanilang sinasakyan; ang kanyang ama ang nagmamaneho.

Nasa kaliwang bahagi ng likuran ng kotse si Kristoff kaya si Carolina ang lumingon sa kanyang nakababatang anak. "Don't worry, malapit na tayo, anak."

"Gutom na ako." Biglang pagsingit ni Ysabelle; ang dalagitang nasa kanang likuran. Nakasimangot ito at may nakapasak na earphones sa magkabilang tenga. "Wala bang makakainan dito?"

Tiningnan lamang ito saglit ng amang si Chad sa rearview mirror ngunit wala naman itong sinabi. Alam na nito na wala rin namang silbi ang isasagot n'ya dahil hindi rin naman s'ya maririnig ng panganay n'ya. Kilala na n'ya ito. Mahilig lang itong magsalita at magreklamo, ngunit hindi naman ito nakikinig sa kahit anong sabihin nilang mag-asawa kung ayaw nitong makinig.

"Gutom na rin po ako." Reklamo rin ni Kristoff.

Sandaling nagkasulyapan ang mag-asawa. Naging hudyat naman ito kay Carolina upang kunin at halungkatin ang lunch bag na nasa kanyang paanan.

"Heto ang pandesal." Ibinigay nito ang isang buong supot sa anak na lalaki. "Pinalamanan ko 'yan ng itlog at keso." Kinuha naman agad ito ni Kristoff, "hatian mo na lang ang ate mo." Tumango naman agad si Kristoff at agad na inalok si Ysabelle.

Tinanggal ni Ysabelle ang earphones sa magkabilang tenga n'ya, "ano 'yan?" tila diring-diri ito sa supot ng pandesal na iniaabot ng nakababatang kapatid.

"'Di ba gutom ka rin? Pandesal at itlog, galing kay Mama!"

"Eh 'yan na ang breakfast natin kanina 'di ba? Ayoko n'yan! Wala na bang iba?" reklamo ni Ysabelle sabay tabig sa supot.

Nasambot naman agad ni Kristoff ang supot na natabig,"kung ayaw mo, e 'di wag! Akin na lang lahat 'to!" Nagsimula na itong kumain na tila sarap na sarap ito.

Kinalabit ni Ysabelle si Carolina. "Ma! Wala bang iba?"

Muling nagkatinginan ang mag-asawa bago muling tininingnan nang masama ni Chad ang anak na babae sa rearview mirror.

"Yan lang ang meron tayo ngayon, anak." Wika ni Carolina kay Ysabelle. "Hayaan mo, hahanap tayo ng makakainan sa daraanan nating bayan. Kailangan din naman nating mamalengke ro'n para sa pangangailangan natin ng ilang araw lilipatan natin."

Sa halip na pasasalamat ay nagbuntong-hiningang naka-ismid si Ysabelle. "I don't really understand why we have to move to this stupid province. Ok naman tayo sa Manila ah!"

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

"Ok?" pagsabat ni Kristoff, "ok ba tayo ro'n na lagi tayong hina-harass ng may-ari ng tinitirahan natin? Ok nga ba tayo ro'n na palipat-lipat tayo ng mauupahan?"

"My G-d!" Naiinis na bulalas ni Ysabelle sa kapatid, "I can't believe na gusto mo pala talaga ang pamumundok nating 'to? Paano na ang pag-aaral natin? Naisip mo na ba 'yun? Paano ang mga kaibigan natin sa Manila? And goodness...naisip mo ba kung may mapapasyalang mall man lang ba ro'n, kung may wifi ro'n o kung gagana ang mga phones natin do'n? Bilib din naman ako sa inyong lahat. Hindi pa naman n'yo nakikita ang lilipatan natin, pumayag kayo agad? Paano kung mansyon nga pero haunted naman? Paano kung luma na at isang anay na lang ang hindi pa pumipirma para tuluyan nang mag-collapse ang bahay?"

Nagpatuloy lang sa pagpapakiramdaman ang mag-asawa. Napapasulyap sa isa't isa; at kung minsan nama'y napapailing na lang.

"Alam mo ate? Palibhasa puro pagbabarkada ang inaatupag mo kaya hindi mo alam kung ano ang tinitiis ni Papa at Mama para pagkasyahin ang panggastos natin. Kung walang mall, e di wala...hindi naman ako mahilig mag-shopping eh. Kung haunted 'yung bahay, eh 'di ok, mabuti nga 'yun para makakapag-ghost hunting ako every day. Eh ano naman kung walang wifi, hindi naman ako mahilig mag-computer. Ni wala nga akong facebook account eh."

"So ako na naman ang masama, gano'n? So kung ok sa inyo, dapat ok na rin sa 'kin? Alam n'yo? Dapat iniwanan niyo na lang ako sa Manila kung mamatay rin naman pala ako sa pagkabagot dito sa probinsya! At kundangan ba naman 'yang kamag-anak ni Papa, magpapamana na rin lang ng kayamanan, kailangan may kundisyon pa na ro'n mismo titira. Aanhin naman kaya natin ang kayamanang 'yan kung hindi naman pala natin mapapakinabangan sa ibang lug—"

"Tumigil ka na nga, Ysabelle!" Hindi na napigilan ni Chad ang pagrereklamo ng kanyang panganay. "Kung hindi ka marunong magpasalamat sa mga biyayang dumarating sa ating pamilya, huwag mo na kaming idamay pa. Kung ayaw mo talagang tumira sa pupuntahan natin, matuto kang maghintay ng isang taon pa. Kapag eighteen ka na, at kaya mo nang tumayo sa sarili mong mga paa, lumuwas ka ulit sa Maynila kung gusto mo. But you will have to support yourself, naiindihan mo ba?"

Gustuhin man ni Ysabelle ay hindi na nito sinagot pa ang ama, bagkus, ay padabog na lang nitong pinasakang muli ang kanyang magkabilang tenga ng earphones. Palibhasa'y alam n'yang hindi rin naman s'ya mananalo kung makikipagtalo pa s'ya sa ama. Menor de edad pa siya at umaasa rin lang dito kaya agad din naman n'yang napagtantong wala rin naman s'yang laban sa ngayon.

***

"O hayan..." nakangiting wika ni Carolina sa kanyang mga anak habang binabagtas na ng kanilang sasakyan ang bayang pinakamalapit sa baranggay na kanilang pupuntahan. "Moderno na naman pala rito eh. May mga fastfood, pasyalan, malls at iba pa."

Biglang sumigla ang mukha ni Ysabelle. Manghang-manghang makita na halos lahat ng establisyamentong nakikita sa Maynila ay nakikita na rin niya sa bayan ng lugar na 'yun.

"O ayan ate!" Natatawang kantyaw ni Kristoff sa nakatatandang kapatid. "Happy ka na?"

"Nope." Kahit napapangiti na si Ysabelle. "Not until I see our new house at kung gaano ito kalayo rito."

"Wag kang mag-alala," sagot ni Carolina, "ayon dito sa mapa, sa ikalawang baranggay lang daw mula sa bayang ito ang lilipatan natin. Eh 'di malapit lang."

[ITUTULOY]

MHST 3:  Ang BalonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon