Chapter Five

238 31 8
                                    

KANINA pa masama ang pakiramdam ni Roni. Pagod na pagod ang pakiramdam. Ang tangi lang niyang gustong gawin nang mga sandaling iyon ay matulog nang matulog.

Napaka-busy sa duty, napakaraming na admit dahil may aksidenteng nangyari sa highway di kalayuan sa ospital. Uuwi na sana siya nang nagdaang gabi nang magkaroon ng emergency case at kailangan ng madaliang operation. Wala tuloy siyang nagawa kundi mag-stay sa ospital hanggang sa maghapon ngayon.

Pero may balat yata siya sa puwit. Sumakay siya ng bus pauwi. Hindi niya namalayan na nakatulog siya at lumagpas ang bus sa kanyang bababaan. Alam niyang nasa Cavite pa rin siya, pero hindi siya pamilyar sa lugar na kinaroroonan.

Bumaba si Roni sa waiting shed malapit sa isang convenience store. Pinakiramdaman niya ang lugar at napanatag ang loob nang mapagtantong tila safe naman doon. Masyado nang masama ang pakiramdam niya at natitiyak na hindi niya ipagtanggol ang sarili kung may masamang loob na lalapit sa kanya. At nasa bukana iyon ng isang sosyal na subdivision.

She needed to sit down. Badly. Nangangamba siyang baka bumigay ang mga tuhod anumang oras. Hilong-hilo na siya.

Pumasok siya sa loob ng convenience store. Nakiusap siya sa guard na ibili siya ng kape sa counter at mauupo na lang siya sa table. Pumayag naman ang guard, marahil ay napansin din na hindi maganda ang lagay niya. Pagkaupo ay agad niyang inilabas ang cell phone upang tawagin si Jelai. Ngunit hindi sumasagot ang kapatid. Naalala niya na nasa company clinic nga pala ito nang araw na iyon at bawal ang cell phone habang nasa duty. Na-hire na ito bilang company dentist ng Jimenez House Builders at maganda ang offer na pasuweldo.

Walang nagawa si Roni kundi palipasin ang sama ng pakiramdam bago umuwi. Pero tila lalong lumala ang kanyang pakiramdam. Nagdidilim na rin ang paningin.

Nasa ganoong estado si Roni nang may lumapit sa kanya. "Hey, are you all right?" Sinulyapan niya ang lalaki. Halos hindi na niya maaninag ito pero pamilyar sa kanya ang boses. "Roni, may sakit ka ba?" Kilala siya nito. Hinawakan nito ang kanyang noo.

Bago pa niya napilit ang sariling sumagot ay tuluyan na siyang nawalan ng malay.

***

*HI," BATI kay Roni ng isang babae pagmulat niya ng mga mata. Bigla siyang bumangon at sinipat ang paligid. Hindi iyon pamilyar sa kanya. Pero ang babae ay parang kilala niya. She was sure that she knew those hazel eyes. Then the realization struck her. Si Borj ang huling nakita niya bago nawalan ng malay kanina. At si Missy na kakambal nito ang kaharap niya. "Nasaan ako?"

Ngumiti si Missy. She really looked like her twin brother, only with a smiling face. "Nandito ka sa bahay ni Borj. Nakita ka niya sa convenience store sa labas kanina at bigla ka na lang daw nawalan ng malay," paliwanag nito. "Nagpakabayani ang kapatid ko. Pa-impress ba." Bahagya pa itong humagikhik.

Nahihiyang naihilamos ni Roni ang kamay sa mukha. And then her eyes scanned the room. The color was suitable to her taste. The walls were painted white, and the furniture was customized and colored with a dark shade of purple. It was her favorite color.

"Ano'ng nangyari sa iyo? Hindi alam ni Borj kung saan ka nakatira kaya dito ka muna niya dinala dahil malapit lang ang bahay namin sa convenience store. Buti napadaan ang kapatid ko doon at siya ang nakakita sa iyo."

"Galing ako ng duty. Nakatulog ako sa bus at lumagpas. Hindi naman ako ginising ng kundoktor samantalang minimum lang ang pamasaheng ibinayad ko sa kanya." Iyon ang naalala ni Roni. "Sa ospital pa lang ay masama na Ang pakiramdam ko."

"Naku, Buti at hindi ka napahamak. Bakit naman kasi nag-commute ka, masama pala ang pakiramdam mo. Dapat nagpahatid ka sa boyfriend mo," wika ni Missy.

"Walang boyfriend na maghahatid. Wala rin akong kotse. At saka, hindi ako marunong mag-drive." She could have called anybody para ihatid siya, kung mayroon nga lang sana. She sighed. Pinagmasdan niyang mabuti si Missy, mukhang hindi ito sanay na mag-commute na tulad niya. Siguro ay palagi itong may sundo o kaya naman ay ipinagda-drive ng kapatid.

UnwrittenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon