Nang mahimasmasan na sa kakaiyak ay tumayo na rin si Monnette at inayos ang kanyang sarili. Inakay ko siya sa isang bakanteng lamesa sa isang sulok para doon muna magpalipas ng oras.
Kinuha ni Monnette ang kanyang make up kit at sinimulang ayusan ang kanyang sarili. Tinakpan niya ng make up ang namamaga niyang mga mata dahil sa kakaiyak kanina. Nilagyan rin niya ng tint ang kanyang labing namumutla.
Hilaw pa siyang napangiti sa harap ng salamin ng makita ang kanyang mukha.
Madali talagang itago ang tunay na ikaw sa likod ng mga kolorete. Parang si Monnette lang, durog na sa loob pero parang walang problema sa panlabas na hitsura
"Lorren," tawag ni Monnette sa akin. "Sana sa atin lang muna 'to, ha," pakiusap pa niya.
Marahan akong tumango sa kanya. "Makakaasa ka," tugon ko.
"Sasabihin ko rin naman sa parents ko. Mag iipon lang ako ng lakas ng loob dahil alam kong sangkatutak na sermon ang aabutin ko nito," mapait pa siyang napangiti.
Naging tikom ang aking bibig sa problemang kinakaharap ngayon nina Jared at Monnette. Naaawa ako sa dalawang kaibigan ko pero wala naman akong magagawa para mapagaan ang problema nila. Lalo na si Monnette na talagang stress na sa nangyayari.
"Kausapin mo si Jared. Dapat kayong dalawa ang humarap sa problema," payo ko pa.
Narito ulit kami sa library para mag usap ng walang nakikinig. Sinabi ko na rin sa kanya ang mga napapansin ng ibang kaibigan namin kaya balik ulit siya sa dating sigla at kapag kami na lang ang magkasama ay heto siya na para bang pinagsakluban ng langit at lupa.
"Lagi lang kaming nag aaway ni Jared, Lorren. Feeling ko nga, parang lumalayo ang loob niya sa akin simula ng malaman niyang buntis ako," malungkot na kwento pa ni Monnette.
"Nabigla rin siguro siya. Kailan mo balak sabihin kay tita?"
"Pagkatapos ng graduation natin. Ayaw ko namang ipalaglag ang anak ko."
Napatitig ako sa kanya. "Magagawa mo ba 'yon?" may takot sa boses na tanong ko.
"Syempre hindi! Pero si Jared..." aniyang unti unting humina ang boses at tumulo isa isa ang mga luha.
"What?!" hindi makapaniwalang bulalas ko.
"Pero hindi ako pumayag. Walang kasalanan ang bata sa problema namin. Handa na akong tanggapin kung ano ang mangyayari sa akin, sa amin."
Napabuntong hininga na lang ako, hindi ko lubos maisip na magagawa ni Jared ang bagay na iyon.
Childhood bestfriend sila ni Monnette. Sila na ang magkasama bago pa kami dumating.
"Parang hindi ko na s'ya kilala. Parang nagbago na s'ya, Lorren," ani Monnette habang umiiyak.
Ang balak ni Monnette na pag amin ay napaaga. Isang linggo na siyang hindi pumapasok sa school. Mabuti na lang at kakatapos lang ng exams namin.
Sinabi na rin niya sa mga kaibigan namin ang kanyang pagbubuntis. Galit na galit ang papa niya sa nangyari kaya isang linggo na rin siyang hindi pumapasok.
"Tita Irene!" tawag ni Carmina sa mama ni Monnette.
Huminto si tita at lumingon sa amin kaya patakbo kaming lumapit sa kanya.
"Kumusta po si Monnette?" tanong agad ni Carmina nang makalapit.
"Ayos lang naman s'ya, nagpapahinga pa muna s'ya sa bahay," tugon ni tita.
"Pwede po ba namin s'yang dalawin, tita?" tanong ni Kristha.
"Oo nga po," ani Sabrina pa.
"Sige, mamaya pumunta kayo sa bahay para malibang naman ang isang 'yon," nakangiting pagpayag ni Tita Irene.

BINABASA MO ANG
Right Here Waiting
Novela JuvenilTen years ago, nangako si Micko kay Lorren na babalikan siya nito. Babalik ito kapag maayos na ang lahat. Kapag handa na ang mga puso nila at malaya nang mag-mahal at kaya ng panindigan ang kani-kanilang nararamdaman. Kung ikaw si Lorren? Maghihinta...