Singko

3 1 3
                                    

    Nagtungo si George sa trunk ng kotse at binuksan iyon, hinubad nya ang suot na long sleeves, tanging itim na sando na lang ang itinira. Tumingin ito sa akin bago lumapit sa babae.

    “Tulungan mo ʼko, Juls, ” sabi nito habang nakatingin sa akin.

    Nakatayo lang ako doon. Anong tulungan? Tulungan na ano? Bakit ako?

    Luminga ako kay Yanzee na may kapareho kong ekspresyon--- nalilito. Si Eds naman ay nakayuko, sa tingin ko ay umiiyak na ito.

    “Buhatin natin. Ilagay sa trunk. ”

    Hindi agad ako kumilos. Ano ako? Hilo? Hindi ako gumalaw doon, nakatulala lang sa kanya. Nakita ko kaagad ang pag-ahon ng inis sa mga mata ni George, buong akala ko ay babanatan nya ako pero pasalamat ay hindi. Nagtitimpi siya.

    “Please, ” wika niya, halos paos. “Tulungan mo ʼko, pare. Mabilis lang ʼto ”

    Wala akong nagawa nang ilagay nya sa ibabaw ng babae, sa mukha nito, ang kanyang long sleeves bago hinawakan sa bandang kili-kili at inangat.

    “Ikaw sa binti. ”

    Para akong tuta na sumunod sa utos ni George. Nangangatal kong hinawakan ang dalawang binti ng babae bago sabay naming inangat. Nakakailang hakbang pa lang kami nang mabitawan ako ang babae dahilan para halos masubsob si George.

    “Tangina naman! Julian ano ba?! ”

    “Sorry, sorry, ” bulong ko, dahan-dahan kong hinawakan ang binti ng babae. Sa kamay ko para siyang gelatin. Ang lambot. Lasog lasog. Bugbog sa bigat ng kotse namin.

    Lumapit kami sa nakabukas na trunk, inilagay doon ang babae. Inayos ni George ang mga braso nito pati binti. Nasilayan ko ang mukha ng babae. Nakadilat pa.

    Umakyat ang init mula sa tiyan ko papunta sa lalamunan, naduwal ako at napaluhod, may bumatak sa akin patayo at inalalayan ako paloob sana sa kotse.

    “Saan kayo pupunta? ” tanong ni George habang nakatingin sa amin ni Yanzee, pagbagsak niyang isinara ang trunk ng kotse.

    Nakatayo lang kami sa tapat ng pinto, parang mga usa sa harap ng rumaragasang tren. Natatakot na ako kay George.

    “Punasan nyo ʼyun. ” Inginuso nito ang bumper ng kotse.

    Puti ang Honda kaya kitang-kita ang dugong kumukulay dito, naulan pero hindi iyon sapat para tuluyang matanggal ang sangsang ng katatapos lang na trahedya.

    Binitawan ako ni Yanzee at saka niya hinubad ang jacket na suot, itinira ang tank top na itim at saka sinimulang punasan ang harap ng kotse.

    “Gago ka George. I swear if we come back home I'll fucking sue you, I'll fucking kill you, ” bulong ni Yanzee na rinig ko kahit papaano.

    Sumunod si Eds na nagluluha, pinunasan ang hindi umiilaw na headlights gamit ang panyo nya, halos nakapikit na ito at nakabuka ang bibig dahil sa hindi mapigilang sunod-sunod na paghikbi.

    Bumuhos nang malakas ang ulan. Mas malakas. Parang sampal ang bawat patak ng ulan, ang ihip ng hangin ay parang sipol ng konsensiya ko. Nanginginig ako sa lamig, at sa takot, at sa pagsisisi, at sa galit, at sa lahat ng emosyong nararamdaman ko na parang mga bombang sunod-sunod na sumasabog sa loob ko.

    Nakasandal ako sa pinto ng kotse, di ko magalaw ang binti ko. Nakapatay kami. Hindi. Si George lang. Si George lang ʼyon. Hindi kami kasama.

    “Hindi ako kasama. ”

    Lumingon sa akin si George na pinupunasan ang talsik ng dugo sa bandang pinto ng sasakyan.

    “Saan… ”

    Umiling ako, nakatitig sa madilim na kawalan. “Dito. Wala akong kasalanan. Hindi ako kasama. ”

    Tumayo siya bago ako bahagyang itinulak para buksan kotse sa driver's seat. Ibinato nya roon ang damit na duguan. Ang lansa. Dumikit siya sa akin bago bumulong.

    Para akong binagsakan ng langit at lupa.

    Palyado talaga ang mga nagiging desisyon ko, aminado ako roon, pero sana ngayon tulungan ako ng Panginoon at ng lahat ng santo para balikuin ang magiging mapakla kong kapalaran. Tulungan nawa ako. Nalalasahan ko na ang disgrasya sa dulo ng aking dila. Kung tatanungin, hind bat disgrasya na nga itong nakapatay si George? Meron pa. Alam ko. Narinig ko. Sinabi sa akin.

    Parang pinukpok ng maso ang sentido ko sa sobrang hilo, nanginig ang paligid bago mag dilim at bumagsak ako sa basang kalsada. Bangag sa lakas ng pagsasalubong ng bungo ko at ng lupang walang malay pero maraming karanasan.

    Tanda ko ang huling sinabi sa akin.

    Hindi ako kasama, sabi ko. Wala akong kinalaman sa mga kagaguhan o kaempaktuhan na pinili ni George. Labas ako sa krimen. Hugas kamay? Hindi. Hindi marumi ang mga kamay ko. Hindi ako kasama sa disgrasyang ito.

    Pero binulungan nya ako. Kinadena na nya ang leeg ko, hihilahin patungo sa kung saang kamalasan nya balak magsuot.

    “Dito. Wala akong kasalanan. Hindi ako kasama. ”

    “Isasama kita, Julian. ”

Minsan Nga LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon